1 taon makalipas, wala pa ring hustisya kay Jude Fernandez – Pinoy Weekly


Isang taon na ang lumipas, nananawagan pa rin ang iba’t ibang grupo para sa hustisya sa pamamaslang kay Jude Thaddeus Fernandez, isang beteranong organisador ng mga manggagawa sa Calabarzon at Gitnang Luzon.

“Sa kabila ng pahayag ng noo’y Executive Secretary Lucas Bersamin na magsasagawa ng masusi at patas na imbestigasyon ang gobyernong Marcos Jr. sa kaso, hindi pa rin nalulutas ang pagpaslang kay Fernandez magpahanggang ngayon,” sabi ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) sa isang pahayag sa Ingles.

Noong gabi ng Set. 29, 2023, brutal na pinagbabaril ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Fernandez sa tinitirhan nitong bahay sa Binangonan, Rizal. 

Kinatuwiran ng mga pulis, “nanlaban” umano ang 67 taong gulang na organisador kaya sunod-sunod na pinaputukan.

Ayon sa CTUHR, organisador ng mga manggagawa si Fernandez at hindi armado. “Oscar Dizon” din umano ang nakasaad na pangalan sa arrest warrant na dala ng mga operatiba ng PNP-CIDG nang pasukin ang bahay ni Fernandez.

“Bukod sa pagpaslang ng mga pulis kay Fernandez, ipinagkait din nang ilang araw ang kanyang mga labi sa kanyang pamilya, kaibigan at kasamahan sa kilusang paggawa. Pinatutunayan lang nito ang pagsusuri na si Fernandez, isang organisador ng mga manggagawa na nakatatanda at nangangailangan ng medikal na atensiyon, ay talagang target sa pagpatay at pag-uusig,” ayon pa sa CTUHR.

Para naman kay Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis, ang naratibong pinalalabas ng PNP-CIDG ay tulad din ng modus sa maraming biktima ng extrajudicial killing.

“Si [Fernandez] daw ay ‘nanlaban’ kaya napatay, pero malinaw at nakita natin ang mga inisyal na pangyayari. Siya ay sinadyang patayin ng PNP-CIDG dahil siya ay tinuturing ng [gobyernong Marcos Jr.] bilang kaaway,” sabi ni Adonis sa isang protesta sa tapat ng punong himpilan ng PNP sa Kampo Crame nitong Set. 30

Nangako si Adonis na magpapatuloy sa paggigiit ng hustisya hindi lang para kay Fernandez, kundi para sa lahat ng mga biktima ng extrajudicial killing sa bansa.

Nanawagan din ang CTUHR na dapat imbestigahan sina dating PNP-CIDG chief Major General Romeo Caramat Jr. at dating PNP chief General Benjamin Acorda Jr. hinggil sa pagpaslang kay Fernandez.

Dagdag pa ng grupo, dapat magbigay ng malinaw na pahayag at gumawa ng aksiyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tuluyang matigil ang mga pagpaslang sa hanay ng mga kumikilos na manggagawa.

Hinimok din nila ang publiko na magpatuloy sa pagpapanagot sa pagpaslay kay Fernandez. Anila, “Ang krimeng ito, sa huli, ay hindi lang para sa isang tao, pamilya, grupo ng mga kaibigan, o maging sa kilusang paggawa; krimen ito sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino.”

Si Fernandez ang ika-72 biktima ng pagpaslang sa hanay ng mga manggagawa at organisador ng mga unyon simula noong 2016.

Siya ang ikaapat na biktima ng pagpatay sa mga manggagawa’t unyonista matapos ang International Labour Organization High-Level Tripartite Mission sa bansa noong Enero 2023 at mailabas ang mga rekomendasyon sa gobyerno na imbestigahan ang mga katulad na mga kaso.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!