Kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Laguna ang pag-aresto ng pulisya sa mga magsasaka at residente ng Sitio Veinte-Veinte Cuatro, Barangay Casile, Cabuyao City, Laguna nitong Peb. 7.
Ayon sa grupo, bago ang pagdakip, bayolenteng dinispers ng Laguna Estates Development Corporation (LEDC) at Emirates Security ang kampuhan ng mga magsasaka at residente sa nasabing sitio.
Kabilang sa dinetine ng pulisya ang mga opisyal ng Samahan ng mga Magsasaka ng Casile (Samaca-Pumalag) pati na rin ang mga senior citizen na mayroong mga iniindang karamdaman, dagdag ng Bayan Laguna.
Labing walong oras matapos ang pagkulong, sinabi ng Cabuyao Component City Police Station na trespassing ‘di umano ang kinakaharap na kaso ng mga magsasaka.
“Paano naging trespassing ang isang tao na sa Casile na mismo pinanganak at nabuhay? Kung may trespassing, ito ay ang Emirates Security at ang mga Yulo na gustong agawin ang lupa ng mga magsasaka,” buwelta ng Bayan Laguna.
Binakuran noong 2024 ang lupang sakahan ng Sta. Rosa Realty and Development Corporation (SRRDC), kompanyang bahagi ng LEDC na pagmamay-ari ng C.J. Yulo & Sons, Inc, dahilan para magsimula ang alitan sa pagitan ng nasabing korporasyon at mga magsasaka.
Panawagan ng Bayan Laguna, “Isulong at kilalanin ng PNP Cabuyao at Cabuyao LGU ang karapatang pantao ng mga biktima at itigil ang pasismo ng estado!”
Nagpahayag na ng suporta sa 21 magsasaka ang Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan, Pamantik-KMU, Panday Sining Southern Tagalog at ilan pang mga grupong sektoral sa Timog Katagalugan.
Nakalaya naman ang 21 inaresto nitong Peb. 10 matapos ibasura ng piskalya ang reklamong trespassing laban sa mga magsasaka at residente ng Barangay Casile.
