Laksa-laksang estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan ang nag-walkout at nagtungo sa Mendiola Street nitong Okt. 17, bilang pakikiisa sa National Day of Action Kontra Korapsyon. Sa gitna ng mga sigaw at talumpati, bitbit ng kabataan ang panawagang “Ikulong na ang mga kurakot! Wakasan ang bulok na sistema!”
Bago magtungo sa tarangkahan ng Malacañang, nagsagawa muna ng mga lokal na pagtitipon sa kani-kanilang pamantasan ang mga estudyante.
Bukod sa panawagan laban sa korupsiyon, isa din sa sigaw ng kabataan ang pagwawakas sa mga budget cut sa mga pampublikong pamantasan na ayon sa kanila’y lalo lang nagpapahirap sa mga estudyante at nagpapalubha sa kalagayan ng edukasyon sa bansa.

Sa hanay ng One Taft, nagtipon ang mga mag-aaral mula sa University of the Philippines (UP) Manila, Philippine Normal University, De La Salle University, De La Salle-College of St. Benilde, St. Scholastica’s College, Technological University of the Philippines at Adamson University sa panulukan ng Finance Road at Taft Avenue.
Kasabay nito, nagsama-sama naman sa P. Noval Street ang One Ubelt, na binubuo ng UP Diliman, University of Sto. Tomas, Polytechnic University of the Philippines, Far Eastern University, Arellano University, University of the East at Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology.
Samantala, sa Liwasang Bonifacio, pinangunahan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Mapua University, Colegio de San Juan de Letran at Universidad de Manila ang hanay ng One Intramuros.
Kaisa sa pagkilos si Kabataan Partylist Rep. Renee Co na iginiit na “ang tunay na terorista ay ang lahat ng kumukuha ng pera ng taumbayan na dapat napupunta sa batayang serbisyong panlipunan.”

Panawagan niya sa mga kabataan na kumilos, magparami at tuloy-tuloy na mag-walkout. “Walang nakakahiya sa militansiya, dapat nating ipagmalaki ang militansiya ng kabataan. Tayo ang pagbabago, magbibigay ng alternatibo sa lipunan.”
Aniya, hindi dapat matakot ang kabataan na lumiban sa klase, bagkus ay matakot na lumiban sa paggawa ng kasaysayan.
Samantala, binigyang-diin naman ni Tiffany Faith Brillante, pangulo ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM), na “ang sagot ng estado sa lumalakas na hanay ng kabataang estudyante ay pasismo, pananakot at red-tagging.”

Bahagi ng kanyang talumpati ang pagbanggit sa kanilang karanasan ni Jacob Baluyot, kasalukuyang national chairperson ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag-PUP at associate editor ng The Catalyst, na patuloy na hinaharas ng pulisya.
Sabi ni Brillante, malinaw ang desperasyon ng estado, sa pamamagitan ng pulisya, na takutin ang mga kabataang tumitindig laban sa bulok na sistema.
Ayon sa Kabataan Partylist, tinatayang mahigit 5,000 ang bilang ng mga estudyanteng lumahok sa walkout mula sa iba’t ibang pamantasan.
Sa Mendiola, hindi natinag ang mga estudyante sa gitna ng itinayong barikada ng pulisya na may matatalim na concertina wire. Sa halip, ginawa pa nilang sabitan ng mga plakard at uniporme ang bawat talim bilang simbolo ng kanilang pagtutol sa katiwalian at pasimo ng estado.
