Anim na bahay ang ilegal na giniba sa loob ng Hacienda Luisita sa Brgy. Central, Tarlac City nitong Ago. 12 ng may 100 tauhang inupahan ng Central Azucarera de Tarlac (CAT) ng pamilyang Cojuangco-Lorenzo.
Isinagawa ang demolisyon nang 4 a.m. nang walang court order at ipinakita lang ng demolition team ang isang maliit na pabatid. Nagdulot ang insidente ng takot sa mahigit 900 pamilyang naninirahan sa lugar kung saan mga manggagawang bukid ang naninirahan.
Dating pag-aari ng CAT ang 290 ektaryang lupain bago ito binili ng Ayala Land noong 2019. Nakatakdang itayo rito ang proyekto ng Ayala Land na Cresendo, isang P18 bilyong land development plan para sa mga residensiyal at komersiyal na espasyo.
Matapos malipat ang titulo ng lupa sa Ayala, sunod-sunod ang pagpapadala ng mga “notice to vacate” sa mga residente. Gayunpaman, walang dalang court order bukod sa isang maliit na papel na nagsasaad ng pabatid ang mga tauhan ng Winace Security Agency na nagsagawa ng demolisyon. Iniulat din ng mga residente na nagsimulang magtayo ng mga tent ang mga tauhan ng Cojuangco at Lorenzo sa paligid ng barangay simula pa noong Hunyo 15.
Pinaabot ng pamahalaang lokal nga Tarlac City, mga organisasyon ng karapatang pantao at mga grupo ng magsasaka ang kanilang mariing pagtutol sa naganap na demolisyon na kanilang itinuring na isang malubhang paglabag sa karapatang pantao at isang patuloy na halimbawa ng matagal nang pang-aapi sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.
Binibigyang-diin nila na isang hayagang pagpapakita ng kawalang malasakit sa mga karapatan ng mahihirap ang demolisyon at mariin silang nananawagan ng pananagutan mula sa gobyerno at sa pamilyang Cojuangco-Lorenzo.
Ayon kay Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura national chairperson Ariel Casilao, nasa mga Ayala, Lorenzo at Cojuangco man ang mga baril, nasa mga magsasaka’t manggagawang agrikultural naman ang bilang at ang kanilang walang pagsukong paglaban at pag-abot sa hustisya ang palaging nagbibigay sa kanila ng lakas para igiit ang kanilang mga karapatan.