PRWC » Ibayong pag-alabin ang armadong paglaban sa terorismo ng estado


Sa harap ng walang-habas na terorismo ng mga armadong galamay ng rehimeng US-Marcos at todong pang-aapi at pandarahas sa masang anakpawis, ilang ulit na bumibigat ang tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na lumaban para ipagtanggol ang mga karapatan at kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Higit kailanman, buo ang kapasyahan ng sambayanan at kanilang mga Pulang mandirigma na mahigpit na tanganan ang baril at matatag na isulong ang armadong pakikibaka, bilang pangunahing anyo ng paglaban ng sambayanan sa pasista, papet at pahirap na naghaharing reaksyunaryong rehimen. Batid nila na kung hindi lalaban ang bayan kasama ang kanilang hukbo, walang hahadlang sa mapang-api at mapagsamantalang mga panginoong maylupa, malaking burgesyang komprador at mga kasosyong dayuhang kapitalista sa pagsagasa sa interes ng masa, pag-agaw sa kanilang kabuhayan, pagdambong sa yaman ng bansa at pagwasak sa kalikasan.

Ilampung bilyong piso ang ibinubuhos ng rehimeng US-Marcos sa nagpapatuloy na kampanya ng armadong panunupil at terorismo na may imbi ngunit walang saysay na layuning gapiin ang hukbong bayan at gupuin ang paglaban ng sambayanan. Pinakamalupit ang armadong panunupil kung saan pinaka-agresibong pumapasok at nangangamkam ng lupa at nandarambong ang mga plantasyon at operasyon sa pagmimina, mga proyektong ekoturismo, pang-enerhiya, pagtatayo ng mga dam at iba pang imprastruktura, kasabwat ang mga burukrata kapitalista at mga upisyal militar. Sa mga lugar na ito’y kaliwa’t kanan ang mga pagmasaker, ekstrahudisyal na pagpaslang, pagtortyur, lihim na pagkukulong, paghahamlet, pagboblokeyo sa pagkain, paghuhulog ng bomba at panganganyon.

Sa harap ng todong paninibasib ng rehimeng US-Marcos, masidhi ang hangarin ng sambayanang Pilipino na maghatid ng ganting hambalos sa mga armadong galamay ni Marcos at Duterte bilang paraan ng pagkamit ng katarungan sa puo-puong libong biktima ng pasistang terorismo ng estado. Kaya ganoon na lamang sumabog ang palakpakan ng masa, laluna ng mga magsasakang biktima ng AFP, kasunod ng pagputok ng balita ng matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa Quezon, malaking dagok sa AFP ang matagumpay na taktikal na opensiba ng BHB sa Tagkawayan, Quezon noong umaga ng Setyembre 1. Limang ripleng M16 ang nasamsam, at hindi bababa sa limang pasistang tauhan ng 85th IB at paramilitar na CAFGU ang napatay nang tambangan ng isang yunit ng BHB.

Ilang linggo bago nito, noong Agosto 9, matagumpay na inambus ng BHB ang sasakyan ng Philippine National Police (PNP) sa Calatrava, Negros Occidental, kung saan nasamsam ang tatlong ripleng awtomatik at napatay ang isang tropang pangkombat ng pulis. Noong araw ding iyon, matagumpay na tinambangan ng BHB sa Uson, Masbate, ang mga paramilitar na naghahasik ng terorismo kaakibat ng pagpapalawak ng operasyon sa pagmimina sa prubinsya.

Sa Sultan Kudarat, prubinsya sa Far South Mindanao, hindi bababa sa 22 tropa sa ilalim ng 37th IB ang napatay sa serye ng apat na taktikal na opensiba ng BHB nitong Hunyo at Hulyo. Ang mga taktikal na opensibang ito ay sagot sa brutal na todo-largang opensiba inilunsad sa prubinsya ng hindi bababa sa apat na batalyon sa ilalim ng 6th ID.

Ipinakikita ng mga tagumpay na ito na sa taktikal na antas, nananatiling superyor ang mga yunit gerilya ng BHB laban sa mga armadong pwersa ng kaaway. Dahil ito, pangunahin, sa malalim at malawak na suporta ng masa at kalamangan sa kaalaman sa kalupaan. Ginamit ng mga yunit ng BHB ang taktika ng pagkonsentra ng mas malaking pwersa laban sa nahihiwalay at mas mahinang bahagi ng kaaway. Kakombinasyon nito ang lihim at tahimik na pagkakalat at paglilipat ng mga yunit ng BHB upang iwasan ang mas malaking pwersa ng kaaway, panatilihin itong bulag at bingi, at sumusuntok sa hangin.

Ipinakikita ng lahat nang ito ang determinasyon ng BHB na ipagtanggol ang kapakanan ng masa at labanan ang pasistang karahasan ng rehimeng US-Marcos, at pinasisinungalingang “malapit nang matalo” ang armadong paglaban ng sambayanan. Sa wastong pamumuno ng Partido, nananatiling matatag ang kapasyahan ng hukbong bayan na magpunyagi sa landas ng matagalang digmang bayan at isulong ang pakikidigmang gerilya batay sa malawak at malalim na suporta ng masa.

Tinatanglawan ng mga tagumpay na ito ang landas ng ibayong pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Binibigyang-inspirasyon nito ang mamamayan at lahat ng rebolusyonaryong pwersa, laluna ang mga manggagawa at kabataang-intelektwal, na magtungo sa kanayunan at bagtasin ang mahirap na landas ng armadong pakikibaka.

Dapat tumbasan ang mga tagumpay na ito. Sa pamumuno ng Partido, dapat bumuo ang lahat ng kumand ng BHB sa iba’t ibang panig ng bansa ng plano para maglunsad ng kakayaning ipagtagumpay na maliliit o malalaking taktikal na opensiba upang bigwasan at baha-bahaging gapiin ang kaaway, at kunin ang mga sandata nito upang armasan ang paparaming bilang ng mga bagong Pulang mandirigma ng BHB. Maramihang pakilusin at armasan ang masang magsasaka at isulong ang malawakang pakikidigmang gerilya upang palibutan ang kaaway ng naglalagablab na apoy ng digmang bayan.

Patuloy na aani ng tagumpay ang BHB sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba dahil patuloy na lumalawak at lumalalim ang ugnayan ng hukbo at masang magsasaka. Puspusang isinusulong ang mga pakikibakang masa para sa tunay na reporma sa lupa laluna sa harap ng malawakang pangangamkam at pandarambong, at armadong paninil. Dapat itatag ang mga sangay ng Partido sa pinakamaraming lugar upang magsilbing gulugod at pinuno ng masa. Puspusang palakasin ang mga organisasyong masa ng mga magsasaka, mga kabataan at kababaihan, upang buklurin ang lakas ng masa at itatag ang pundasyon ng bagong demokratikong gubyernong bayan.

Sa pamumuno ng Partido, determinado ang BHB at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na patuloy na isulong ang armadong pakikibaka sa buong bansa at ubos-kayang magpunyagi sa landas ng digmang bayan para labanan at biguin ang kampanya ng pasistang terorismo ng rehimeng US-Marcos, at para kamtin ang adhikain ng katarungang panlipunan at pambansang kalayaan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!