Pinaputukan ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros ang nag-ooperasyong tropa ng 62nd IB sa Purok Tumpok, Barangay Riverside sa Isabela, Negros Occidental noong Agosto 30. Nagpapahinga ang naturang tropa ng 62nd IB nang bulabugin ng BHB bandang alas-9:30 ng gabi.
Sa ulat ng BHB-Central Negros, isang sundalo ang napatay habang dalawang iba pa ang nasugatan. Sa takot, nagsitakbuhan sa kung saan-saang direksyon ang tropa ng 62nd IB. Itinago din ng mga ito ang bilang ng kaswalti sa kanilang hanay.
“Ang opensibang ito ng BHB-Central Negros laban sa 62nd IB ang wastong tugon sa marami nang mga paglabag sa karapatang-tao sa [mga residente] sa bayan ng Isabela,” ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng yunit ng BHB.
Ang 62nd IB ay sangkot sa mga kaso ng panggigipit, sapilitang pagpasok sa mga bahay ng residente, at iba pang paglabag sa karapatan ng mga residente sa sityo Caliban, Hinagduan, Camandagan, sa Aguntilang uno, dos at tres sa Barangay Riverside. Salot din ang yunit sa mga residente sa mga barangay ng Banog-banog, Sikatuna, Cab-cab at Makilignit sa bayan din ng Isabela.
Samantala, nanawagan si Ka JB Regalado sa lahat ng yunit at mandirigma sa ilalim ng kumand ng BHB-Central Negros na maglunsad pa ng kasunod na mga taktikal na opensiba. “Parusahan ang mga traydor, PNP, AFP laluna ang berdugong 62nd IB,” pagtatapos niya.