PRWC » Bukas na Liham sa mga incumbent at kandidato sa halalang pambarangay


JOSE RAPSING COMMAND
BAGONG HUKBONG BAYAN
PRUBINSYA NG MASBATE

Setyembre 2023

Rebolusyonaryong pagbati!

Nasa kalunus-lunos na kalagayan ang ating pinakamamahal na prubinsyang Masbate at ang buong Pilipinas sa ilalim ng rehimeng US – Marcos, Jr. Lunod sa walang kaparis na paghihirap, gutom at pang-aapi ang ating mga kababayan. Patuloy sa pagsadsad ang buhay at kabuhayan ng karamihan habang lalong nagkakamal ng yaman ang iilan.

Maging kayo ay hindi maitatangging malaki ang pananagutan ng inyong punong ehekutibo na si Marcos, Jr. sa sumasahol pang kalagayang pang-ekonomya at pampulitika ng bansa.

Patuloy na lumalala ang krisis sa ekonomya sa pagsagad ni Marcos Jr. sa mga patakarang neoliberal na lalong nagtali sa bansa bilang palaasa sa importasyon, dayuhang kapital, pamumuhunan at pautang. Itinulak ng neoliberalismo ang paghahari ngayon sa bansa ng mga malalaking dayuhang korporasyon na kumakamkam sa lupa at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. Lalong pinalulubha ng mga patakarang ito ang atrasadong ekonomya ng ating bansa.

Dama nating lahat ang kongkretong resulta ng mga patakarang neoliberal na ipinataw ng rehimen. Malayo sa reyalidad ang pangako ng rehimen na P20 na presyo ng bigas. Rurok ng kapalpakan ang atas ni BBM na price ceiling sa mga presyo ng bigas. Sa halip, hindi na natin makayanan ang walang awat na pagtaas ng presyo ng pagkain at langis samantalang napako na sa napakababang halaga ang sarili nating mga produkto tulad ng kopra, palay at mais.

Sa Masbate, katangian ng atakeng neoliberal ang mas agresibong pang-aagaw ng lupa at papalawak na pinsalang hatid ng ekspansyon ng mina, ekoturismo at rantso sa kabuhayan ng mga Masbatenyo. Lahat ng ito’y itinutulak sa ilalim ng umiiral na paghahari ng militar.

Tanda naman ng lumalalim na krisis ng naghaharing sistemang pampulitika ang tangka ni Marcos Jr. at Sara Duterte na higitan ang kanilang mga ama sa kapangyarihan at pandarambong. Ngayon pa lang, ang alyansang Marcos – Duterte – Arroyo ay tumutungo bilang isa sa pinakasakim na alyansa sa kasaysayan. Isinabatas nila ang Maharlika Investment Fund bilang isa sa pinakamalaking pagkukunan ng korapsyon sa kasaysayan. Ang mga itinalaga nilang tauhan sa Korte Suprema ay dahang-dahang inaabswelto ang mga Marcos sa mga kasalanan nito sa taumbayan. Kasuklam-suklam na ipinagtatanggol ni Marcos Jr. ang sinundang si Rodrigo Duterte sa mga krimen nito sa madugong gera kontra mamamayan. Tulad ng nagdaang mga rehimen, pakana nila Marcos Jr. at Sara Duterte na baguhin ang Konstitusyon upang alisin ang mga hadlang sa pananatili sa poder.

Tiyak na nagsisilbi ang kasalukuyang halalang pambarangay sa konsolidasyon ng kapangyarihan ng alyansang Marcos Jr. – Duterte at mga galamay sa lokal tulad ng dinastiyang Kho sa ating prubinsya. Sa Masbate, may basbas ni Marcos Jr. at Duterte ang kurapsyon, paghahari at pang-aagaw ng lupa ng dinastiyang Kho. Kahit labag sa batas, lantarang tinatanggal ni Gov. Kho ang mga punong barangay na hindi niya kasundo. Malamang marami sa inyo ngayon ang pinulong na ni Gov. Antonio T. Kho upang pwersahin kayong manatiling tapat sa kanyang paghahari.

Ang lumalalim na krisis sa ekonomya at pulitika sa ilalim ng rehimen ay tanda ng sukdulang pagpapakatuta ni Marcos Jr. sa among imperyalistang US. Pinatindi niya ang panghihimasok at kontrol ng US sa bansa sa dalawang tampok na usapin.

Una, pataksil niyang pinahintulutang gawing base militar ng Amerika ang Pilipinas. Tiyak na maiipit at magiging target ng armadong pag-atake ang Pilipinas sakaling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng US at Tsina.

Pangalawa, ay ang lumalaking suporta at ayuda ng US sa pinatinding gera kontra mamamayan at sa ating rebolusyonaryong kilusan. Sa katunayan, ang pagpapatupad ni Marcos Jr. na kontra-mamamayan ay nakasalig sa teroristang karahasan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Hindi na natin kailangan lumayo. Nakikita ninyo sa kasalukuyan ang epekto ng mga pasista, neoliberal at maka-US na patakaran ng rehimeng Marcos Jr. sa mga kapwa Masbatenyong hinahangad ninyong pagsilbihan.

Marami sa inyong nasasakupan ang naagawan ng lupa at napalayas sa kanilang komunidad dulot ng pagmimina, ekoturismo, rantso, planta at iba pang malalaking operasyong kapitalista. Naghahari-harian ang militar sa buong prubinsya. Nagpatayo ng kampo/ditatsment sa inyong mga barangay nang walang paabiso at pahintulot sa komunidad. Lantaran ang pagpatay at iba pang paglabag sa karapatan ng inyong mga kababaryo. Ilang kandidato rin sa inyong hanay ang tiyak na pinatakbo ng militar para maging kasangkapan sa paghahasik nila ng takot.

Malaking dahilan sa pagbwelo ng pananalasa ng atakeng militar at mapaminsalang mga proyektong dayuhan ay ang paglapastangan ng militar sa sibilyang otoridad, laluna sa mga upisyal ng barangay. Sa ilalim ng Executive Order No. 70 (EO 70) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), lalong pinahigpit ang kontrol at impluwensya ng militar sa sibilyang gubyerno. Sa madaling salita, sa pamamagitan ng NTF-ELCAC at Anti-Terror Law, ginagamit ang lokal na gubyerno bilang mayor na kasangkapan ni Marcos Jr. sa kanyang maruming gera.

Hindi ba’t naglulunsad ang militar at pulis ng mga operasyon ng walang pagrespeto sa otoridad ng barangay, samantalang nasa inyong kapangyarihan ang pagtutol sa militarisasyon sa inyong lugar? Obligado kayong daluhan ang kaliwa’t kanang papulong ng militar, ng ELCAC at Peace and Order Council para pilitin kayong ibukas ang inyong mga komunidad sa operasyong militar.

Sapilitang kayong pinapapasa ng mga resolusyong persona-non-grata laban sa rebolusyonaryong kilusan at kahit sa mga ligal na organisasyong progresibo. Pinanghihimasukan ang mga meeting ng barangay council at pinapakialaman ang mga dokumento ng barangay. Paulit-ulit din kayong pinangakuan ng mga proyektong kanilang kinakapital para sa pangungurakot.

Pinatatahimik kayo sa mga kaso ng pang-aabuso at pandarahas laban sa inyong mga residente. Ginagawa kayong giya sa mga operasyon, intel, human shield sa kanilang mga baraks at buhay na kolateral kapag umano’y binira sila ng mga NPA. Ginagawa kayong inutil sa pagpasok ng mga mapaminsalang proyekto sa komunidad. Sinumang sumuway ay iniipitan ng badyet, inaaakusahang suportador ng NPA, sinasampahan ng gawa-gawang kaso, iligal na inaaresto at sa sukdulan, pinapaslang.

Hindi kahina-hinalang kayo mismong mga kasangkapan ng kanilang pandarahas ay siya rin mismong biktima nito. Hindi naging garantiya ng kaligtasan ang pagiging sunud-sunuran sa militar. Sa katunayan, sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtalima ng mga upisyal ng lokal na yunit ng gubyerno, higit pang dumami ang kaso ng pandarahas at paglabag sa karapatan sa inyong hanay. Signipikanteng bilang ng mga nailistang biktima ng mga abuso at EJK sa prubinsya ay mga upisyal ng barangay. Ito ay upang takutin kayo at madaling makontrol ng militar.

Para bigyang-katwiran ang militarisasyon, ipinalalabas nilang kapayapaan at kaunlaran ang hatid ng mga tropa ng gubyerno sa komunidad. Nasaksihan ninyo ang iba’t jbang operasyong militar mula sa mga nagdaang administrasyon mula SOT, PDT hanggang sa kasalukuyang Retooled Community Support Program (RCSP). Lahat ng ito ay nangako ng kaunlaran at kapayapaan. Subalit ano ang ating napala? Hindi ba’t nananatili ang Masbate bilang isa sa mga pinakamahihirap na prubinsya? Nailigtas ba ng mga pakulong serbisyo caravan at Baranggayan ang pagdurusa ng mga magbubukid? Anong silbi ng mga project sa Barangay Development Program kung unti-unti namang inuubos ng Filminera ang yamang-ginto ng prubinsya, kung inaagaw ni Gov. Kho ang lupa mula sa mga magsasaka?

Malamang marami sa inyo ay hindi na matiis ang lumulubhang kalagayan. Bilang mga kandidato, hinahamon namin kayong maging tapat sa mandatong manindigan at ipagtanggol ang kapakanan ng inyong mamamayan.

Bagamat hindi lumalahok ang Partido Komunista ng Pilipinas sa reaksyunaryong eleksyon at itinatakwil ito bilang huwad at hungkag, ibinibigay ng rebolusyonaryong kilusan ang suporta sa mga kandidatong malinaw na naninindigan para sa karapatan at interes ng masang anakpawis. Sinumang para sa interes ng mamamayan, sa salita at gawa, ay ituturing na kaibigan sa pakikibaka. Sinumang magpapagamit sa militar at kikilos nang taliwas sa interes ng masa ay kaaway sa pakikibaka.

Pinakasinsero niyong maipapakita ang inyong taos-pusong pagnanais na magserbisyo sa bayan sa pamamagitan ng pagsuporta sa armadong rebolusyon. Narito ang maaari ninyong maiambag sa kilusan:

Maaari kayong sumuporta sa mga pakikibakang masa. Maaari ninyong bitbitin sa inyong plataporma ang ilang mga mahahalagang isyu na bumabagabag ngayon sa mga Masbatenyo tulad ng paghaharing militar, pang-aagaw ng lupa at ekspansyon ng Filminera, ekoturismo, rantso;

Makapangyarihang boses ang inyong pagtutol sa militarisasyon at pakanang magpatayo ng ditatsment o kampo militar sa inyong mga barangay. Makakatuwang kayo ng inyong mga kababaryo, laluna yaong mga biktima ng abusong militar, sa paglalantad at pagpapanagot sa mga abuso at paglabag ng militar sa karapatang tao;

May otoridad din kayong hadlangan ang mga proyektong mapaminsala sa kalikasan, kabuhayan at buhay ng mamamayan. Malaking bagay ang pagpasa ng mga barangay resolution na tumututol sa anumang proyekto o pakana na aagaw sa lupa at sisira sa kabuhayan ng inyong kababaryo;

Hihinikayat naming kayong makiisa o pangunahan ang mga imbestigasyon, fact-finding, dokumento, dayalog, petisyon, protesta at iba pang pagkilos ng inyong mga kababaryo;

Bukas rin ang kilusan kung inyong naisin na sumapi sa mga organisasyong masa, ligal man o rebolusyonaryo. Maaari kayong magpultaym sa pagkilos nang lihim habang ginagampanan ang inyong tungkulin bilang mga sibilyang upisyal;

Maaari din kayong boluntaryong magbigay ng suportang materyal at pinansyal na makakatulong para sa pagsusulong ng ilang mga rebolusyonaryong gawain.

Sa mga nasa hustong edad, laluna ang mga nasa Sangguniang Kabataan, pinakamataas niyong maiaambag na suporta ay ang pagsapi sa New People’s Army

Sa pagsuporta sa rebolusyonaryong kilusan, asahan natin ang mga risgo at panganib. Hindi madali ang sinserong pagsisilbi sa tao. Nandyan ang panggigipit ng kaaway at iba pang banta sa ating buhay.

Sa katunayan, nauunawaan ng rebolusyonaryong kilusan na karamihan sa inyo ay nangangamba na kumilos taliwas sa atas ng militar, ni Gov. Kho at maging ni Marcos Jr. Marami sa inyo ay natatakot na makasuhan sa ilalim ng Anti-Terror Law o mapagbalingan ng AFP-PNP-CAFGU. Subalit wala kay Gov. Kho, kay Marcos Jr. at sa sinumang upisyal ng militar ang inyong pananagutan, kundi sa mamamayang may mandato kayong pagsilbihan.

Subalit dapat ninyong tandaan na sinumang may sinseridad at puso na paglingkuran ang kanyang bayan ay hindi kailanman mawawalan ng kapasyahan at mga paraan upang ipagtanggol ang kanyang mamamayan. Sa ganitong diwa, kapareho at katulong niyo ang rebolusyonaryong kilusan sa pagnanais na baguhin ang buhay ng kapwa nating hirap, api at pinagsasamantalahan.

Mahaharap lamang natin ang mga panganib sa pamamagitan ng pagkakaisa at paglaban kasama ang taumbayan. Hindi solusyon ang takot, mag-iwaspusoy, lumaro sa pulitika at mag-alangan.

Sa katunayan, ang inyong kalayaang kumandidato ay utang natin sa buhay at kamatayang paglaban ng mamamayang ninanais niyong pagsilbihan. Marami sa kanila’y kinailangang humawak ng armas para patuloy ninyong matamasa ang katiting na demokrasyang mayroon sa kasalukuyang bulok na sistema.

Bahagi na ng buhay ng masang Masbatenyo ang rebolusyonaryong kilusan. Ilang pulitiko na ang dumating at lumipas, subalit batid ninyong tanging ang rebolusyonaryong kilusan

Kaya, hindi mapipigilan ninuman ang pagnanais ng masa na lumahok sa armadong rebolusyon at sumapi sa NPA. Kahit kayo ay maaaring humawak ng armas! Demokratiko at makabayang karapatan ng sinuman ang tumangan ng armas sa layuning makamtan ang tunay na panlipunang pagbabago. Sa katunayan, sa rebolusyong ito napanday ang ating deka-dekadang pagtutulungan dito sa prubinsya.

Darating ang panahong itatayo ng mga Masbatenyo ang sarili nilang gubyerno. Inaasahan naming makasama kayo sa panahon na iyon. Sa ngayon, inaasahan naming makatulong kayo sa pagtatanggol sa ating mga kababayan laban sa paghaharing militar, malawakang pang-aagaw ng lupa at pagwasak sa kinabukasan ng mga Masbatenyo. Gawin nating balangkas ng tulungan at pagkakaibigan ang kapakanan ng masa.

Umaasa kami sa inyong tugon. Mabuhay kayo!

Para sa Bayan,

Ka Luz del Mar
Tagapagsalita, Jose Rapsing Command – Bagong Hukbong Bayan



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!