PRWC » Mga kontra-punto sa editoryal na Del Mundo’s world


Tumawag ng pambansang atensyon ang taktikal na opensibang (TO) inilunsad ng NPA-Quezon noong Setyembre 1 sa Barangay Mapulot, Tagkawayan kung saan limang miyembro ng Citizens Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang nasawi at limang riple rin ang nasamsam ng Pulang hukbo. Ikinalulugod naming ibinalita ang pangyayari sa mga pambansang pahayagan, telebisyon, radyo at maging sa mga rehiyonal na daluyan. Higit sa lahat, iniulat ito sa sariling pahayagan ng CPP na Ang Bayan.

Apat na araw matapos ng TO, lumabas ang editoryal na Del Mundo’s world (Daigdig ni del Mundo) sa pahayagang The Freeman na nakabase sa Cebu at bahagi ng Philstar Media Group. Dito, kinutya si Ka Cleo del Mundo, na ipinagkamali ng awtor na isang lalaki, na diumanong may sariling mundo sa pagsasabing “sinusuportahan ng mamamayan ang NPA.” Kalakip nito ang isang editorial cartoon kung saan ipininta ang isang kasapi ng NPA na nakaakbay at tila aktong sumasakal sa taong may tatak na people of (mamamayan ng) Quezon, sabay tanong ng “We’re good right? (Ayos tayo, di ba?)”. Nakaharap sa mga ito ang isang miyembro ng midya (press).

Kapwa mga lantaran at krudong pang-aatake sa rebolusyonaryong kilusan ang editoryal at editorial cartoon. Tila himig ito ng isang pikon matapos matalo—estilo ng mga mali at malisyosong propaganda ng AFP at NTF-ELCAC at hindi pangkaraniwang ilathala ng isang komersyal na pahayagan na nagsisikap ipakilala ang sarili bilang ”patas” at “balansyado sa pag-uulat”. Ngayon, dahil inilathala ang mga nabanggit bilang mga piyesang editoryal, nagpapahiwatig ito na may gayong pananaw na dinadala ang The Freeman, partikular ang patnugutan nito.

Nais ng NDFP-ST na magbigay ng kontra-punto sa mga nasabing artikulo at cartoon pangunahin bilang kinatawan ng rebolusyonaryong mamamayan ng Southern Tagalog, kabilang ang mamamayan ng Quezon na idinadawit ng The Freeman sa paninira nito sa NPA-Quezon.

Una, wala sa katayuan ang The Freeman na ilahad kung ano ang pagtingin ng mamamayan ng Quezon sa NPA lalo’t hindi naman nakaugat sa lalawigan ang nasabing pahayagan. Mahirap na paniwalaan ang anumang sasabihin nito hinggil sa relasyon ng NPA at masang taga-Quezon gayong hindi nito sapul ang kasaysayan at kalagayan ng lalawigan. Kung mula sa base nitong Cebu ay nanaisin ng The Freeman na magbigay ng opinyon tungkol sa Quezon, marapat na magsagawa ito ng malalim na pagsisiyasat at mag-alam mula sa mismong mamamayan doon. Malinaw sa pagkakataong ito na wala ni katiting na imbestigasyong ginawa ang The Freeman bago nangahas na maglathala hinggil sa mga kaganapan sa Quezon.

Ikalawa, dahil nga walang pagsisiyasat ang The Freeman sa inilabas nilang editoryal, hindi nila nalamang kaya 54 taon nang sumusulong at nakapagpupunyagi ang NPA, at di matalo-talo ng AFP ay dahil sa walang-patid na suporta ng mamamayan. Ang digmaang inilulunsad ng NPA ay isang digmang bayan, isang tipo ng digma kung saan esensyal ang paglahok—hindi lamang simpleng pagsuporta—ng mamamayan upang sumulong, lumakas at bandang huli ay magtagumpay. Pinatunayan ng matagumpay na opensibang inilunsad nitong Setyembre 1 sa Quezon at nagdaang mga buwan sa Visayas at Mindanao na laksa-laksang mamamayan ang lihim at nagkakaisang kumikilos para mangalap ng impormasyon, magbigay ng lohistikal na pangangailangan at pinakamahalaga, boluntaryong pagsapi sa Pulang hukbo.

Ikatlo, ang lawak at lalim ng suportang nakamit ng NPA at CPP sa nagdaang kalahating siglo ay dahil napatunayan nito sa mamamayan ang dalisay nitong hangarin na paglingkuran ang interes ng sambayanan. Sa Quezon, naging katuwang ng mamamayan ang NPA upang palayasin ang malaking konsesyunaryo ng logging ni Morato, iba pang malalaking panginoong maylupa at kamtin ang karapatan sa lupang kanilang binubungkal, pagbabago ng partihan sa ani pabor sa magsasaka, mas mataas na presyo ng produktong bukid, at pagpuksa sa mga sindikatong mangangalabaw na pinamunuan ni Sgt. Batibot. Interesanteng malaman na si Batibot ay aktwal na opisyal ng reaksyunaryong hukbo. Dugo’t pawis ang ibinuwis ng NPA at mamamayan para sa mga tagumpay na ito kaya naman iniaalay mismo ng mga taga-Quezon, lalo ng masang magsasaka, ang sarili at ang pinakamabubuti nilang anak sa rebolusyon.

Sa araw-araw nilang pagkilos, ginagabayan at mahigpit na tumatalima ang NPA sa bakal na disiplina ng di-paggawa ni anumang katiting na paglabag sa interes ng masa. Itinuturo at isinasabuhay ng bawat Pulang mandirigma ang nakasaad na Tres-Otso, o ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan. Dahil sa kabutihang-asal, katapatan at pagkamababang-loob na ipinapakita ng mga Pulang mandirigma, madaling mapamahal sa kanila ang mamamayan. Hinahanap-hanap ng masang taga-Quezon ang NPA sa panahong hindi sila nagkakadaupang palad.

Sa kabilang banda, isinusuka ng taumbayan sa kanilang mga baryo at komunidad ang AFP-PNP-CAFGU. Ilang beses nang pinalayas ang mga tropa nito sa nagkakailang baryo at bayan sa Quezon sa nakaraang tatlong taon. Sa ilang lugar, malaman pa lang ng mga residente na nagpaplanong magkampo sa kanilang baryo ang mga militar ay nangangalampag na ang mga ito sa lokal na yunit ng gubyerno o nagpepetisyon upang iparating na tutol sila sa pagkakampo sa kanilang lugar.

Ikaapat, kakatwang binalingan ng pikong pahayag ng The Freeman si Cleo del Mundo, ang opisyal na tagapagsalita ng NPA sa Quezon at sinabi pang nahihibang o nag-iilusyon lamang ito. Kung mayroon mang mas kredibleng maglahad ng tunay na kalagayan at hinaing ng mamamayan sa Quezon, ay si Ka Cleo ito, ang NPA at mga rebolusyonaryong organisasyon sa probinsya. Saksi siya sa pananalasa ng pasismo-terorismo ng estado sa probinsya at bahagi ng maigting na pakikipaglaban ng NPA para ipagtanggol ang mamamayan. Hindi tulad ng mga heneral ng reaksyunaryong hukbo, nakalapat ang paa ni del Mundo sa lupa at araw-araw niyang kapiling ang masa at mga Pulang mandirigma. Ito ang dahilan bakit binubuhusan ng malaking pondo ng SOLCOM at 85th IB ang mga operasyong panunugis sa mga yunit ng NPA sa Quezon at mismong kay Ka Cleo.

Ikalima’t huling punto, nais din naming punahin ang punto ng editoryal ng Freeman na tipong nananakot sa tiyak na gagawing ganti ng AFP matapos makagawa ang NPA ng “maliit na tagumpay” sa pag-ambus nito sa mersenaryong pwersa ng 85th IBPA. Nais naming ipabatid na prinsipyado at mulat ang katapangan ng NPA. Nagmumula ang mulat na katapangang ito sa isinusulong na makatarungang adhikaing palayain ang inang bayan sa tatlong salot sa lipunang Pilipino, ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo — ang ugat ng di-mabatang kahirapan at pambubusabos na dinaranas ng sambayanang Pilipino. Dahil dito, sa wastong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM) at sa malawak at malalim na suporta ng mamamayan, nakahanda ang NPA na salungahin at batahin ang lahat ng kakaharaping kahirapan, sakripisyo, kagipitan, maging kamatayan man. Hindi kailanman masasaid ang mulat na katapangan at determinasyon ng NPA na isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay. Ang di-magagaping diwang ito ng NPA ang isa sa susing dahilan kung bakit ito kailanman ay hindi magagapi at tiyak na magtatagumpay. Pinatunayan na ito ng 54 na taong maningning na kasaysayan sa pagsusulong ng digmang bayan. Mula sa halos wala, lumaki at lumakas ang NPA at hindi kailanman ito natakot na harapin ang malaki at malakas na papet, mersenaryo at pasistang AFP-PNP na kuntodo suporta ng US, ang nangungunang imperyalistang kapangyarihan.

Ang iba pang mga puntong nakalagay sa editoryal, tungkol sa paghina ng NPA, pagdidikta ng isang maliit na grupo sa NPA, at iba pa ay mga gasgas na linyang mistulang hinalaw mula sa mga pahayag ng AFP. Sawang-sawa na ang bayan sa mga palsong patutsadang tulad nito. Magandang ipaalala na ang mga artikulong pang-opinyon, bagamat inaasahang kumiling sa isang panig, ay mahusay pa ring ibatay sa totoong mga kaganapan, pangyayari at mga mapagkakatiwalaang sanggunian. Huwag tayong mahulog sa bitag ng mga pekeng balita at disimpormasyong likha ng militar.

Kinikilala ng NDFP-ST ang kalayaan ng mga institusyong pang-midya na magpahayag, gayundin, naniniwala kaming dapat silang maging bukas sa kritisismo hinggil sa nilalaman ng kanilang mga pahayagan. Sa ganitong diwa umaasa ang NDFP-ST na ang bukas na liham na ito ay maging paraan para makipagdayalogo sa midya at mahikayat silang puspusang mag-alam hinggil sa kalagayan ng mamamayan at rebolusyong Pilipino. Pagtulungan nating ihatid ang katotohanan sa bayan at hubugin ang isang maalam at mapanuring publiko.

Laging bukas ang linya ng NDFP-ST para sa mga miyembro ng midya. Hinihimok din kayong basahin ang mga pahayag ng NPA, NDFP at Partido Komunista ng Pilipinas.

Para sa bayan,

Patnubay de Guia
Tagapagsalita
National Democratic Front of the Philippines – Southern Tagalog

————————

Reference:

Ang 3 Pangunahing Alituntunin ng Disiplina

1) Sumunod sa mga kautusan sa lahat ng iyong kilos.
2) Huwag kumuha ng kahit na isang karayom o hibla ng sinulid mula sa masa.
3) Ientrega ang lahat ng nasamsam.

Ang 8 Bagay na Dapat Tandaan

1) Maging magalang sa pananalita.
2) Magbayad ng karampatang halaga sa iyong binibili.
3) Isauli ang lahat ng iyong hiniram.
4) Bayaran ang lahat ng iyong nasira.
5) Huwag manakit o mang-alimura ng tao.
6) Huwag manira ng mga pananim.
7) Huwag magsamantala sa mga babae.
8) Huwag magmalupit sa mga bihag.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!