Isang gawa-gawang quote ni Coach Chot Reyes ang kumalat sa Facebook pagkatapos matalo ng Gilas Pilipinas sa South Sudan sa FIBA World Cup.
Aniya, mas galit pa raw ang mga Pilipino sa kaniya kaysa sa mga pulitikong hindi tumutupad ng mga pangako. Ayon sa pekeng quote card na may logo ng GMA News, sinabi ng dating head coach ng Gilas:
“kung magalit kayo sa akin parang ako yung nangako ng 3-6 months at 20 pesos per kilo na bigas.”
Madiing nilinaw ni Coach Chot na hindi niya kailanman sinabi ang pekeng quote. Sabi niya sa Instagram:
“Fake news alert: I never said this!”
Source: Chot Reyes (@coachot) Instagram post, Sept. 4, 2023
Nilinaw rin ng GMA News na peke nga ang quote card at ginamit lang ang logo at disenyo nila para magmukhang totoo.
“The public is advised to beware of images that are manipulated and maliciously misrepresent original content by GMA Integrated News and GMA Sports.”
Source: GMA Sports PH Facebook page, Sept. 4, 2023
Dinoktor ang isang orihinal na quote card ni Coach Chot na pinublish ng GMA News matapos matalo ng Pilipinas laban sa Italy.
Ilang netizen ang napaniwalang totoong sinabi ni Chot Reyes ang pekeng quote. Kaya inedit ng nag-post ang caption: “Huwag seryoso sa meme.” Pero lumipas na ang isang araw nang linawin ng nag-post na peke nga ang quote card at nagka-200,000 reactions na ito.
Maaaring ang pinatatamaan ng quote ay ang pangako ni dating pangulong Duterte na maaalis niya ang mga ilegal na droga sa Pilipinas sa loob lang ng tatlo hanggang anim na buwan at ang sinabi ni kasalukuyang pangulong Marcos na pabababain niya ang presyo ng bigas hanggang bente pesos kada kilo.
Maraming Pinoy basketball fans ang naasar kay Coach Chot matapos ang apat na sunod-sunod na pagkatalo ng Pilipinas sa FIBA World Cup ngayong taon, na nangangahulugang hindi pa sigurado kung makapapasok ang Gilas sa Paris Summer Olympics sa susunod na taon.
May pagkakataon pa ang Gilas na makapasok sa Olympics kung magiging isa ang Pilipinas sa apat na pinakamagagaling na team sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Inanunsyo noong Sept. 7 na papalitan ni Tim Cone si Reyes bilang head coach ng Gilas.
Ang pekeng quote card (mula sa Facebook page na Paguiruan Truth Warriors, na nilikha noong Oct. 10, 2021 at orihinal na pinangalanang Paguiruan for Leni) ay nagka-354,000 interactions, 41,000 shares, at 26,000 comments.
Ni-repost sa Twitter ang pekeng quote card at nagka-200,000 views, 6,422 likes, 1,183 reposts, at 212 quotes.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)