Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pagbisita kahapon, Setyembre 3, ng matataas na upisyal ng US sa ginagawang tatlong base militar ng US, mga tinawag na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site. Ang pagbisita ay bahagi ng nakatakdang pagpupulong ng mga upisyal militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at US ngayong araw para sa Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB).
“Ang pagbisita na ito ng mga upisyal ng US sa mga lugar na pagtatayuan nito ng mga base militar ay bahagi ng patuloy na pagtulak ng US ng papalaking presensyang militar nito sa Pilipinas,” ani Marco Valbuena, pinunong upisyal sa impormasyon ng PKP.
Binista nina AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr, kasama si US Ambassador MaryKay Carlson, at kumander ng United States Indo-Pacific Command Admiral John C. Aquilino kahapon ang Lal-lo Airport at Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan at ang Basa Air Base sa Pampanga. Bibisitahin nila ang anim na iba pang base militar ng US sa bansa sa susunod na mga araw.
Matatandaan noong unang linggo ng Agosto, nagpunta si Defense Sec. Gilbert Teodoro at AFP Chief Brawner sa Lal-lo, Cagayan, para madaliin ang “upgrade” ng sibilyang paliparan para sa refuelling ng mga eroplanong pandgima ng US dito.
“Kasuklam-suklam kung papaanong pinagmamadali ng US ang mga upisyal ng gubyerno ni Marcos sa pagtatayo ng mga base militar na ito para sa US gamit ang pondo ng mamamayang Pilipino,” ani Valbuena. “Pero ang mas lalong nakasusuklam ay kung papaanong hilong-talilong ang mga utusang upisyal sa sunud-sunurang gubyerno ni Marcos na sumunod sa kanilang amo.”
Naiulat noong Agosto ang pagbwelo ng konstruksyon at upgrade ng paliparan at iba pang pasilidad pangmilitar sa Balabac Island sa Palawan mula pa Marso 2023. Bagamat pasilidad na pangunahing gagamitin ng US, ang ₱174.62 milyong pondong ginagamit para sa Balabac Military Runway ay mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng programang TIKAS (Tatag Imprastaktura para sa Kapayapaan at Seguridad) Convergence Program nito.
Pinondohan din ng TIKAS Convergence Program ang iba pang mga pasilidad militar na gagamitin ng US sa Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu at mga hangar at samutsaring gusali at pasilidad sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija na isa ring “EDCA site.”
Alinsunod sa mga probisyon ng EDCA, ang mga pasilidad na ito ay papailalim sa ekstra-teritoryal na kontrol ng US, kung saan maaari lamang pumasok o inspeksyunin ng mga Pilipino kung may “pagsang-ayon” ang nauna.
Kahapon, inikot ng mga upisyal militar ng US at Pilipinas ang natapos nang mga proyekto at imprastruktura sa Basa Air Base para alamin kung anu-ano pang mga pasilidad militar ang itatayo at kinakailangan nila sa naturang base.
Isasagawa naman ngayong araw ang pagpupulong ng MDB-SEB sa Camp Aguinaldo sa Quezon City. Ayon kay Valbuena, magiging okasyon ang MDB-SEB para idikta sa Pilipinas ang magiging direksyon ng tinaguriang “AFP modernization” at itakda kung ano ang mga sandatang bibilhin sa US. Pagpapatibay ito ng hindi patas na ugnayang militar ng bansa at US sa ilalim ng Mutual Defense Treay, Bilateral Defense Guidelines at iba pang kasunduan.