Pagpapanday ng Kritikal na Pag-iisip – Pinoy Weekly


Kakatapos lang ng World Teachers’ Day nitong Oktubre 5, at kapanayam natin
ngayon si G. Fabian G. Hallig, beterano ng kilusang guro sa bansa. Sa
Facebook, makikitang napaka-aktibo pa rin niya kahit sa edad na 78.
Pinagbigyan niya ang rekwes na panayam kahit sumagot siya sa pamamagitan
ng pagtipa sa kanyang cellular phone. At mabuti na lang, dahil napakarami
niyang ibabahagi!

Mula nang lumabas ang huling Panay Panayam kay Prop. Temario C. Rivera,
lalong naging malinaw ang katotohanan sa mga pagsusuri niya, lalo na ang
direksyon ng rehimeng Bongbong Marcos.

G. Fabian G. Hallig, beterano ng kilusang guro sa bansa.

Paano po kayo nagsimula sa kilusang guro? Saan po kayo nagturo?

Hindi ako nagturo. Nanungkulan akong katuwang ng administrasyon sa pagpapalakad ng serbisyong pang-estudyante at patakarang pandisiplina sa isang pribadong unibersidad sa City of Malabon. Ito ang Gregorio Araneta University Foundation (GAUF) na ngayon ay kilala bilang De La Salle Araneta University. Nanilbihan ako bilang Assistant Dean of Student Affairs at Assistant Dean of Men, mga posisyong administratibo na magkasabay kong tinanganan bago ako humiwalay sa GAUF at nagpalaot sa pag-oorganisa sa hanay ng kaguruan sa bansa.

Nagsimula akong magtrabaho sa GAUF noong 1968-69 bilang common office secretary ng apat na opisina na sabayan ko ring pinagsilbihan — Administrative Department, Legal Department,  Office of the Dean of Men, at Purchasing Office.

Bagamat mahirap angkupan ang mga gawain sa mga tanggapang ito, natugunan ko naman nang maayos at kasiya-siya sa aking mga superyor ang kumplikadong tungkuling nakaatang sa akin. Dito ako natutong magbalanse ng tila nagbabanggaang interes at sitwasyon, magtakda ng priyoridad at deadline sa mga nakahanay na gawain, magmungkahi ng mga paraan upang mapagaan ang trabaho at gumawa ng kaukulang pagtutuwid kapag ang mga ito ay sumabit. Natuto rin akong pakibagayan ang iba’t ibang tipo ng mood swings at pag-aalboroto ng aking mga boss at makipagtalo kung kinakailangan kapag ako ang nasa tama.

Mapalad din ako na dalawa sa mga naging office head ko ay mga abogado kaya kahit hindi ako nag-aral ng abogasiya, nahasa ako sa mga gawaing ligal at paralegal, kasama na ang legal research, dahil sa matiyaga nilang pagtuturo o mentoring sa akin — bagay na napapakinabangan ko hanggang ngayon sa pag-oorganisa.

Sa mga Facebook posts po ninyo, madalas ninyong ipagmalaki na kayo ay aktibista. Paano po kayo namulat at anu-ano pong kaganapan ang nagbunsod sa inyo para maging aktibistang guro?

Nagsimula akong mamulat noong 1969 nang naging miyembro ako ng Kapatirang Plebeians. Minimithing kalayaan, paglaban sa tiraniya, paglilingkod sa masa at pagpapahalaga sa tunggalian ng nga ideya — iyan ang mga batayang prinsipyo’t paniniwala na tinitindigan ng aming Kapatiran at sinumpaan naming itataguyod at isasabuhay.

Sa paglakas ng kilusang estudyante sa GAUF bago mag-Martial Law, pinili kong kumilos sa hanay ng mga kawani ng aming pamantasan at binuo namin ng mga kasamahan ko ang GAUF Employees Club, isang alternatibong samahan sa tradisyunal na GAUF Employees Association na matagal nang kontrolado ng administrasyon at ang mga namumuno ay matataas na opisyales din ng administrasyon.

Noong 1975, sinubukan kong tumakbo bilang presidente ng GAUFEA nguni’t ako’y hindi pinalad. Nang sumunod na taon, tumakbo ako ulit kasama ng binuo naming full slate na pawang nagmumula sa rank-and-file na kabataang empleyado. Naging mainit ang pagtanggap ng mga kawani sa aming slate at sa islogan naming “Wanted: Youth Leadership!” na siya ring pamagat ng isinulat kong manifesto na ipinamudmod namin sa mga kawani, guro at pati mga estudyante. Landslide victory ang nakamit namin. Walang nakalusot ni isa man sa mga kandidato ng administrasyon.

Naging masigla ang pagtugon ng mga kawani sa mga demands para sa umento sa sahod, mga benepisyo at kaluwagan sa trabaho na pana-panahon naming inihahain sa administrasyon. Karamihan dito ay naipagtagumpay namin. Naitayo din namin ang consumers’ cooperative sa pakikipagkaisa ng Faculty Society at ito na ang nagpatakbo ng university canteens sa dalawang campus sites ng GAUF.

Sa ikalawang termino ko (1977-78), naganap ang kauna-unahang welga sa sektor ng edukasyon noong Martial Law. Protesta ito laban sa despotikong pamamalakad ng bagong presidente ng GAUF, gayundin sa korupsyon at maanomalyang pagtatayo ng mga gusali at istruktura ng unibersidad na isinagawa ng kanyang sariling kumpanya sa konstruksyon. Dahil sa mga anomalyang ito, nawaldas ang pondo ng unibersidad at madalas na nabimbin ang aming sweldo at benepisyo. Harassment at pambubulyaw ang tugon niya sa mga karaingan ng kaguruan at mga kawani.

Inumpisahan ng GAUFEA ang kilos-protesta sa pagpapaskel ng mga isyu at kahilingan sa lobby ng administration building tuwing coffee at lunch breaks na sinasabayan ng malakas at paulit-ulit na pagsigaw ng mga islogan. Tumagal ito ng isang linggo. Nang pinadalhan kami ng memorandum na nag-uutos na itigil namin ang protesta at kung hindi ay tatanggalin kami, sinagot namin ito ng pagsunog ng facsimile copy ng memorandum at pahayag ng “No Confidence!” sa kanyang panunungkulan. Nang sumunod na linggo, nagpahayag ng suporta sa aming pagkilos ang Faculty Society sa pangunguna ng presidente nito, si Josefina Bassig, gayundin ang Student Advisory Board na kinakatawan nina Samuel Ramos at Plebeian brother kong si Dong Anayatin. Nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang fraternities/sororities ng GAUF. Nauwi ito sa mass leave at boykot ng klase na nagparalisa sa operasyon ng unibersidad nang dalawang linggo. Nilahukan ito ng may 8,000 sa 16,000 populasyon ng estudyante, 500 miyembro ng Faculty Society at 200 myembro ng GAUFEA. Napwersang magbitiw sa pwesto ang presidente ng unibersidad.

Noong 1980, itrinansporma namin ang asosasyon sa isang militanteng unyon upang mas epektibong labanan ang pakanang malawakang tanggalan ng mga empleyado sa pamamagitan ng “retrenchment and reorganization.” Binigo namin ito, gayundin ang sumunod pang katulad na pakana sa pamamagitan ng inilunsad naming dalawang magkasunod na matagumpay na welga noong Abril 1981 at Agosto 22, 1981. Nagbunga rin ito ng dagdag na pang-ekonomiyang kagalingan ng aming kasapian.

Pagkatapos nito, nagkonsentra na ako sa pag-oorganisa ng kaguruan sa labas ng GAUF hanggang sa naitatag ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) noong 1982. And the rest is history.

Anu-ano ang paborito ninyong alaala sa panahong itinatatag ang ACT?

Masayang alaala para sa akin ang masiglang talakayan sa piketlayn ng Jose Rizal College strike na dumulo sa desisyon ng pagtatatag ng ACT; ang mga sumunod na mga pulong-paghahanda para sa kumbensyon ng pagkakatatag; ang pag-abot sa mga nakatayong organisasyon ng mga guro at kawaning pang-edukasyon sa Kalakhang Maynila at ibang rehiyon upang ibahagi ang magandang balita ng pagtatayo ng ACT at paghikayat sa kanila na pumaloob; at ang matagumpay na kumbensyon ng pagkakatatag at ang mga sumunod pang aktibidad na direkta kong sinabakan.

Pagkatapos nito, lumarga na kami sa aktwal na gawaing pag-oorganisa at pagpapalawak sa iba pang rehiyon sa Luzon, Kabisayaan at Mindanao habang naglilinaw sa isyu ng kaguruan at bayan. Nakatutuwang balikan sa alaala na dahil sa mga pagsisikap naming ito, nagawa naming pakilusin ang libu-libong guro sa isyu ng arbitraryong kaltas sa sweldo bunga ng computer error ng Kagawaran ng Edukasyon. Nangyari ang protesta sa loob lamang ng isang buwan matapos maitatag ang ACT. Malaki ang nagawa ng kabuuang mga aktibidad na ito sa  pagpanday at pagpapatibay ng aking pampulitikang paninindigan.

Anu-anong tungkulin at katungkulan ang tinanganan ninyo sa ACT? May paborito ba kayo sa mga ito? Kung mayroon, ano at bakit?

Una, nanungkulan akong founding member ng Board of Directors ng ACT. Ginampanan ko rin ang gawaing legal assistance sa mga lokal na tsapter ng ACT sa kapasidad ko bilang Legal Assistance Head ng Teacher Center of the Philippines, isang institusyon para sa mga guro.

Nang lumipat ako sa Gitnang Luzon noong 1992 nang pumutok ang Bulkang Pinatubo, ginampanan ko ang gawaing ACT-Central Luzon Regional Coordinator at direktang sumabak sa gawaing pag-oorganisa sa mga guro na noo’y kagyat na nangangailangan ng rekoberi dulot ng epekto ng pagsabog ng bulkan at ng pampulitikang represyon ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng malawakang dismissal and suspension ng mga lider ng ACT kaugnay ng welgang isinagawa nito sa ilalim ng administrasyong Cory Aquino.

Noong 1994, nahalal akong Secretary-General nito at pinangunahan ko uli ang isa pang tipo ng recovery work na sa panahong ito ay nakaapekto sa pambansang alyansa bunga ng malalang dis-oryentasyon sa panig ng liderato nito na dumulo sa pinakamasahol na krisis pang-organisasyon ng ACT.

Matagumpay namang napangibabawan ang problemang ito sa ginanap na reorganization convention ng taon ding iyon. Nahalal dito si Prop. Bienvenido Lumbera bilang chairman at ako naman bilang vice chairman. Ang nahalal na secretary-general ay si Prop. Edberto Villegas. Kami ang mga nasa bagong pamunuan na pumalit sa pinatalsik naming pambansang liderato.

Noong 1997, panibagong krisis pang-organisasyon muli ang aking binuno sa ACT-CL kaugnay ng isa pang lebel ng dis-oryentasyon sa organisasyon na nagresulta sa paghiwalay ng mga oportunistang lider-rehiyon tangay-tangay ang ASSERT. Dalawa lang sa liderato ng ACT-CL ang naiwan — ako at ang aking deputy sec-gen na si July Mendoza. Mga kinatawan ng tatlong probinsya lang naman ang humiwalay — Bataan  Bulacan, at Zambales — pero ang mayorya ng regional leaders ay tumigil sa pagkilos dahil sa inis.

Kaya kaming dalawa ni July ang bumalikat ng gawaing rekoberi. Ngunit sa kasamaang palad, namatay si Ka July ilang buwan lamang matapos ang panghahati ng ASSERT. Kaya solo kong pinangunahan ang gawaing pagbawi, konsolidasyon at muling pagpapalawak. Hindi naman nagtagal, muli naming napatatag at nailatag ang mga tsapter ng ACT-CL sa lahat ng probinsya hanggang antas-distrito sa Gitnang Luzon. Pati nga ang Pangasinan ay inabot din ng aming gawaing chapter-building.

Sa lahat ng aktibidad pang-organisasyon, ang pinakaaborito kong aspeto ay mass work at direct organizing work dahil sa pamamagitan nito ay nabubuo ang tiwala ng masang guro at pamilya nila sa aming mga organisador at sa aming organisasyon, at ganun din naman kami sa kanila. Higit sa personal, mas matibay ang relasyong nabubuo sa pagitan namin dahil binibigkis kami pareho ng pulitika na nagsisilbi sa aming kumon na interes.

Katunayan, may mga pamilyang kumupkop sa akin habang ako’y naggagawaing masa sa kanilang probinsya na gusto ay lagi ko silang binabalikan. Kaya para lang masigurado na babalik ako, pinaiiwan sa akin ang mga damit ko at pahihiramin o ibibili ako ng isusuot ko. Nakakataas ng morale at nagsisilbing bukal ng inspirasyon sa amin na maramdamang mahal ka, inirerespeto at pinahahalagahan ang iyong ipinaglalabang simulain dahil binibigkis kayo ng mutwal na pagtiwala at pananalig sa isa’t isa.

Kung kayo po ang tatanungin, anu-ano ang mahahalagang ambag ng ACT at ACT Teachers Partylist sa mga gurong Pilipino at sa bayan?

Mahalaga ang ugnayan at tulungan ng ACT at ACT Teachers Partylist. Mutually reinforcing sila sa isa’t isa. At nakatitiyak ang madla na ang mga isyu at problemang tinutugunan nila ay nagmumula sa aktwal na danas ng mga guro at ordinaryong mamamayan at lapat sa obhetibong kalagayan ang inaasam na kalutasan. Hindi tulad ng mga trapo na ang nasa likod ng mga inilulutang nilang isyu at solusyon ay nagsisilbi lang sa kanilang pansariling interes.

Sa Gitnang Luzon, halimbawa, malaki ang papel ng ACT Region III Union sa pag-alam ng mga kinakaharap na problema ng mga guro sa pamamagitan ng kanilang integrasyon sa kaguruan. Ang mga ito ay sinisinop at mabilisang pinapaabot sa pambansang opisina ng ACT upang isangguni naman sa iba’t ibang regional chapters hanggang makabuo ng kaisahan. Pagkatapos ay hihilingin sa ACT Teachers Partylist na bumuo ng panukalang batas o resolusyon para matugunan ng Kongreso ang problema ng mga guro — hindi na lamang sa Gitnang Luzon kundi sa pambansang saklaw. Ganun kahalaga ang ugnayan ng regional unions ng ACT, ng ACT-Philippines, at ng ACT Teachers Partylist. At para mas epektibo ang pagsusulong, nilalapatan ito ng kaukulang kampanya na mismong guro at ibang apektadong sektor ang kumikilos. At hindi nila ito tinitigilan hangga’t walang inabot na katanggap-tanggap na resulta.

May mga naobserbahan ba kayong pagbabago sa kamalayan ng mga guro mula noong magsimula kayong magturo hanggang sa ngayon? Kung mayroon, anu -ano ang mga ito?

Meron. Katunayan, sing-aga pa ng dekada 60, may mga guro na na nagsisimulang mag-isip nang lagpas sa kanilang makitid na pansariling interes at sa gayon ay kumikilos na para sa kagalingan ng kapwa nila guro at aping mamamayan. Pansinin na sa dekadang ito unang umusbong ang binhi ng aktibismo sa bansa na ibinunsod ng mga makabayang sentimyento at adhikain na itinambol ng grupo ng mga patriyotiko at progresibong  personalidad sa pangunguna nina Sen. Claro M. Recto, Renato Constantino at Jose Maria Sison. Isa sa sektor na naimpluwensiyahan ng mga kaisipang ito ay ang hanay ng mga kaguruan.

Malaki ring salik sa unti-unting pag-angat ng antas ng kamalayan ng mga guro, partikular sa hanay ng gurong pampubliko, ang pagsasabatas ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act 4670) noong 1966. Daan-daang guro sa Kamaynilaan at karatig-probinsya ang nagsagawa ng iba’t ibang pagkilos upang itulak ang pagsasabatas nito. Sinundan ito ng paglulunsad ng “mass leave” ng mga guro sa Quezon City noong Oktubre 15-17, 1969 sa kahilingang ipatupad ang Cost of Living Allowance o COLA na itinatadhana ng Magna Carta.

Samantala, sa hanay ng mas progresibong seksyon ng kaguruan, nagbuo sila ng kani-kanilang organisasyon na bumitbit sa mas malawak na isyu ng bayan na umiinog sa panlipunang papel ng edukasyon at pagkakamit ng makabayan at demokratikong adhikain ng buong sambayanan. Kabilang sa mga organisasyong ito ang KAGUMA (Katipunan ng mga Gurong Makabayan) na may mga selula sa mga pamantasan at kolehiyo ng estado at pribado, at ang SAGUPA (Samahan ng mga Guro sa Pamantasan) na noon ay nakabase sa Unibersidad ng Pilipinas at naglantad ng mga kwestunableng hakbangin ng rehimeng Ferdinand Marcos. Ang dalawang ito ang kumatawan sa sektor ng guro sa mga pakikibakang masa na inilunsad noong panahon ng First Quarter Storm ng 1970 hanggang sa pagsuspinde ni Marcos ng writ of habeas corpus noong Agosto 23, 1971.

Nang ipinataw ni Marcos ang Martial Law noong 1972, napilitan ang KAGUMA na mag-underground at kumilos sa hanay ng mga rebolusyonaryong guro sa bansa. Samantala, ang SAGUPA ay nagpanibagong-ugat at nagpatuloy sa pag-oorganisa bilang Samahan ng mga Gurong Pampubliko.

Nang itinatag ang ACT noong 1982, lalo pang napabilis ang pag-angat ng antas ng kamalayan ng mga guro dulot ng sistematikong pagkarga ng alyansa sa gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng malawak na bilang ng kaguruan sa pambansang saklaw.

Bunga ng mga tagumpay na nakamit sa mahigit apat na dekadang puspusang pakikibaka ng mga guro, umigpaw na rin sa mas maunlad na porma ng organisasyon at paraan ng pagkilos ang pakikibaka ng kaguruan. Sa ngayon, isinusulong ng ACT ang kilusang unyon sa antas-rehiyon sa gabay ng prinsipyong militante, progresibo at makabayang unyonismo. Tanging ACT ang may pinakamaraming rehistradong unyon na nakalatag sa halos lahat ng rehiyon ng bansa at ang ilan dito ay may umiiral nang collective negotiation agreement (CNA). Sa Gitnang Luzon,  nakatakda ngayong darating na  Nobyembre 9 hanggang Disyembre 14 ang run-off election na sasabakan ng ACT Region III Union sa layunin nitong tanghalin bilang SENA ng lahat ng guro sa saklaw ng DepEd Region 3.

Gayunman, bukod sa pakikipaglabang pang-unyon, patuloy pa rin ang pakikibaka ng buong ACT tungo sa pagkakamit ng makabayan, siyentipiko at mapagpalayang edukasyon sa bansa.

May mga libro o pelikula po ba na irerekomenda kayo para maunawaan ang makabayan at progresibong edukasyon?

Wala akong alam na pelikula na nagsasalarawan ng buong kumpleksyon ng progresibong edukasyon. Ngunit kung libro ang hahanapin, maaari kong irekomenda ang mga sanaysay ni Renato Constantino, sa partikular ang “The Miseducation of the Filipino” at ang obra ni Paolo Freire ng Brazil na pinamagatang Pedagogy of the Oppressed.

Bilang makabayang guro na kumikilos sa Central Luzon, anu-anong bahagi ng kasaysayan ng makabayang pakikibaka kayo humahalaw ng inspirasyon?

Marami. Una ang La Tondeña strike noong 1975. Ito ang nagbigay ng inspirasyon sa akin at ilang kasamahan sa GAUF upang pamunuan ang kauna-unahang welga ng mga guro at kawaning pang-edukasyon, kasama ng mga estudyante, noong 1978 sa kasagsagan ng Martial Law. Malaki ang natutunan namin na mga aral sa inilunsad na welga na naglantad sa pagiging tigreng papel ng pasistang rehimeng US-Marcos at nagpaatras dito sa harap ng magiting na paglaban ng mga welgista sa pakikiisa at suporta ng mga relihiyoso at malawak na hanay ng uring manggagawa. Sa isang antas, may pagkakapareho ng karakter ang rehimen at ang administrasyon ng GAUF sa despotikong estilo ng pamumuno na bruskong ginagamit ang poder para supilin ang karapatan at interes ng kanilang nasasakupan.

Pangalawa ang kilos-protesta ng mga gurong pampubliko ng bayan ng San Fernando, Pampanga noong 1980  laban sa pandaraya sa local election kung saan ginamit ng isang re-eleksyunistang mayor ng San Fernando na galamay ni Marcos ang armadong pwersa ng  CHDF (Civilian Home Defense Force, ninuno ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU) at goons para ipabura ang boto at palabasing siya ang nanalo. Patunay ang matagumpay na protestang na kapag nagkaisa at kumilos nang sama-sana ang kaguruan, ito’y tiyak na magbubunga ng tagumpay. Kaya naman naging bukambibig na sa ACT ang  kasabihang, “Nasa pagkakaisa ang lakas, nasa pagkilos ang tagumpay!”

Pangatlo ang JRC strike at kasunod na pagkatatag ng ACT noong 1982. Sa welgang ito nagkatipun-tipon ang maraming organisasyon ng guro at kawani sa sektor ng edukasyon at dito ay napagkaisahan ang dakilang desisyon ng pagtatag ng ACT ng taon ding iyon.

Pang-apat ang 1986 EDSA People Power “Revolution.” Sa yugtong ito ng ating kasaysayan bilang bansa lalong napatibay ang aking tiwala at pananalig sa kapangyarihan ng kilusang masa bilang epektibong sandata at pananggalang ng mga mamamayan laban sa kabangisan ng tiraniya gaya ng isinagawa ni Marcos Sr. Sa ganoon ding punto, sinasaluduhan ko ang katatagan, kagitingan at pagkamalikhain ng masa sa pagpupunyagi na labanan at wakasan ang paghahari-harian ng diktadura.

Katunayan, ang matagumpay na pagpapatalsik kay Marcos sa poder ang nagbigay sa akin ng inspirasyon upang kathain ko ang isang tula na pinamagatan kong: “Ang Tunay na Lakas” Hayaan ninyo akong sipiin dito ang ilang saknong na may kaugnayan sa makapangyarihang lakas ng kilusang masa:

“x x x

Ang tunay na lakas ay pagkakaisa
Ng bayang binuklod sa kilusang masa
Na ang ninanasa’y pawiin ang dusa
Sa namamayaning pagsasamantala.

Kung pano’ng ang masa’y sa lakas sasandal
Ganun din ang lakas dapat may sandigan
Walang iba kundi pangmasang kilusang
Tagapagtaguyod ng paglayang asam.

x x x

Matatag na moog ang kilusang masang
Pinanday ang lakas sa pakikibaka
Hangga’t lumalaba’t buhay ang pag-asa
Hindi pagagapi sa anumang pwersa.

x x x

Pagmamalabis ng naghaharing uri
Di dapat hayaang makapamayani
Soberanong poder na dapat maghari
Sa kamay ng bayan dapat mamalagi.

x x x

H’wag kalilimutan bagkus ay tandaan
Ang tunay na lakas nasa mamamayan
Wala sa tiranong naghahari-harian
TAYO ANG S’YANG TUNAY NA LAKAS NG BAYAN!”

Sigurado po, marami na kayong nakilala at nakaibigan na mga aktibistang pumanaw na, na kasapi ng makabayang kilusang guro at kilusan ng mga mamamayan lalo na sa CL. Sino po ang pinakamalapit sa inyo? Anu- ano po ang alaala ninyo sa kanila?

(1) Dean Romeo T. De Vera. Ako ang kanyang Assistant Dean noong siya ang Dean of Men sa GAUF. Siya rin ay kasama ko sa kilusang guro. Noong kumandidato siyang bise presidente ng Faculty Society, ako ang kanyang campaign manager at nanalo siya. Nang sinibak siya sa GAUF dahil sa sakit na hindi naman nakakahawa, ako ang humawak ng kaso niyang illegal dismissal at naipanalo namin iyun. Noong nagbitiw siya sa GAUF, inirekomenda ko siyang executive director ng Teacher Center of the Philippines kung saan ako ang legal assistance head, at natanggap naman siya. Nang humiwalay siya sa TCP at pumasok sa ìsa pang institusyon para sa mga magsasaka, ako rin ang nagbigay ng rekomendasyon para matanggap siya at nangyari naman. Mahabang panahon pa kami nagkaugnayan bago siya pumakat sa Mindanao.

Pareho kami tagapagtatag ng ACT at nanilbihan bilang founding board ng alyansa. Bago ACT, magkasama kaming dumalo bilang kinatawan ng GAUFEU at Faculty Society sa paglulunsad ng People’s MIND sa Baguio City. Ito iyong nabuong malapad na pormasyong anti-diktadura pagkatapos ng pagdalaw ni Pope John Paul noong 1981.

Nang nagwelga ang Jose Rizal College Faculty and Employees Union noong 1982, pareho naming pinamunuan ang delegasyon ng aming mga organisasyon na regular na dumadalaw sa piketlayn para makiisa. Sa ganito, bukod sa pag-boost ng morale ng mga welgista, napataas din sa kabilang banda ang kamulatan ng aming mga sariling miyembro.

Pareho din kaming ginawaran ng “Guro ng Bayan” award ng ACT noong ika-30 anibersaryo nito. Kahit noong bumalik siya mula Mindanao at nalipat sa Eiler (Ecumenical Institute for Labor Education and Research), madalas kami nagkikita. Laking gulat at kalungkutan ko nang nabalitaan ko ang kanyang pagpanaw. Napakahusay niyang instruktor sa burgis na eskwelahan man o sa kilusan. Para sa akin isa siyang bayani ng kilusang guro! At miss na miss ko na siya!

(2) Ruben Fajardo — Guro ng Balsik National High School, Hermosa, Bataan. ACT-Bataan coordinator at ACT-CL organizer for Bataan. Masigasig na nagtaguyod sa ACT sa panahon ng sabayang atake at paninira sa ACT-CL ng ASSERT na naka-base sa Bataan at ng militar sa ilalim ni Jovito Palparan.

(3) July Mendoza  — ACT-CL deputy sec-gen. at dating ACT National Council member. Kasama kong nagtanggol sa ACT at bumigo  sa pagtatangka ng mga oportunistang regional leaders na agawin ang ACT-CL noong 1997 at sa kasunod na paninira ng ASSERT laban sa ACT nang hindi sila nagtagumpay sa maitim nilang balak. Siya ang nakatuwang ko sa rekoberi hanggang sa kanyang pagpanaw ilang buwan matapos ang pambibiyak ng ASSERT.

(4) Conrad Sicat — dating teacher-organizer ng Tarlac at nagpatupad ng rekoberi sa nasabing probinsya. Isa siya sa tinarget na ipadukot ni Palparan kung kaya napilitan siyang sumampa sa armadong pakikibaka kung saan siya’y naging martir.

(5) Fernando Bognot, Jr. — naging chairman ng ACT-Zambales mula dekada 90 hanggang 2005 at nanindigan laban sa panghahati ng ASSERT bago siya na-promote bilang DepEd supervisor ng Division of Zambales. Namatay siya sa sakit pagkatapos ng kanyang retirement sa DepEd.

(6) Daisy Gapac-Mauricio — Isa siya sa mga bagong sibol na lider-guro at produkto ng aming rekoberi sa Nueva Ecija bunga paninira at panghahati ng ASSERT. Nahalal siya bilang chair ng ACT-NE. Matagumpay niyang nagampanan ang muling pagpapalakas ng ACT sa kanilang probinsya. Magiting din siyang nanindigan laban sa pasistang atake ni Palparan sa mga lider-guro ng probinsya.

Mahaba na po ang kasaysayan at nananatiling matatag ang kilusang unyon ng mga guro sa bansa. Paano po ninyo ito ipapaliwanag?

Ang unyon ay isang maunlad na porma ng organisasyon ng mga manggagawa. Kumpara sa ordinaryong samahan na hindi rehistrado o kahit pa rehistrado sa SEC (Securities and Exchange Commission), mas malawak at komprehensibo ang proteksyong ibinibigay dito ng batas. Ang karapatan ng manggagawa na mag-unyon ay hindi lang simpleng deklarasyon ng karapatan o entitlement ng mga manggagawa. May katapat ito na obligasyon sa panig ng manedsment na dapat itong igalang at bigyang-katuparan. At may parusa ang batas sa paglabag dito. Kahit awtoridad ng gobyerno ay mahigpit na binabalaan ng batas na huwag nitong pakialaman, pigilan o sa anumang anyo ay supilin ang karapatang ito, kung hindi ay mananagot ito sa batas. Obligado ang manedsment at ang unyon at gayundin ang gobyerno na sumunod dito.

Sabihin pa, malaki ang bentahe ng kilusang unyon sa pagsusulong ng karapatan, kagalingan at kapakanan ng mga manggagawa, guro man o manggagawang industriyal, ma-pribado o ma-publiko. Dagdag pa, sa kilusang unyon, itinuturing na pantay ang katayuan pareho ng unyon at manedsment at nasa equal footing sila sa pakikipagtalastasan sa isa’t isa hinggil sa terms and conditions of employment at mga kaugnay na karapatan ng manggagawa.

Ang pag-uunyon sa hanay ng guro sa publikong sector ay puspusang itinulak ng ACT Teachers Partylist sa Kongreso. Ikinampanya ito ng ACT na nakalatag sa lahat ng rehiyon kung kaya nagkaroon ng katuparan. Pinagsisikapan ngayon ng ACT na mailatag ang mga unyon nito sa lahat ng rehiyon ng bansa nang sa gayon ay matamasa ng lahat ng gurong pampubliko ang pakinabang nito ayon sa mas mataas na istandard ng ACT. Ito ang bentahe ng tanging ACT unions lang ang tatanghaling SENA sa lahat ng rehiyon sa buong kapuluan.

Paano kayo nahilig sa pagtula?

Grade school pa lang ako, mahilig na ako magbasa ng tula sa Liwayway Magazine na sinusubaybayan noon ng nanay ko linggu-linggo. Mas may kakaibang dating sa akin ang mga matalinghagang paglalarawan ng mga ideya at bagay-bagay na nais iparating ng may-akda na ginamitan ng sukat at tugma. Nang sinubok kong gumawa ng tula at pinabasa iyon sa nanay ko, natuwa siya at hinikayat niya akong ipagpatuloy ko ang aking nakahiligan. Sa simula, ganda ng kalikasan at daloy ng buhay ang kadalasang paksa ko pero di nagluwat, nabaling ito sa rahuyo ng pag-ibig at romantikong aliw-iw ng mapangaraping puso. Naging tagagawa din ako ng mga love letters ng aking mga kabarkada at pati ng mga kuya kong binata. Sa mga  love letters na iyan naisasalin ko ang damdaming bumubukal sa sarili kong puso’t isipan para sa aking napupusuan na di ko magawang ipahayag nang diretsahan dahil, katulad nila, ay umid din ang aking dila kapag kaharap siya. Paminsan-minsan nilalangkapan ko ng taludtod ang love letter kapag ako ay inspirado.

Ilan sa mga paborito kong makata ay sina Amado V. Hernandez, Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, at Virgilio S  Almario.

Sa sarili kong mga katha, binibigyan ko ng kaungusan ang mga tulang: (1) “Hustisya’y Nasaan,” (2) “Hiwaga Ng Balintuna,” (3) “Ang Tunay Na Lakas,” (4) “Mensahe,” (5) “Hamon Sa Kabataan,” (6) “Anihan Sa Mayo 2022,” (7) “Ang Hamon,” (8) “Pagsilang, Pagsalang at Pagsulong (Ng Progresibong Kilusang Guro Sa Gitnang Luzon),” (9) “Excuse Me But I’m A Teacher,” (10) “Honor Our Teachers,” at (11) “How Do I Fault Thee?” — kung saan lantaran kong tinuturol ang sanhi ng mga suliraning kinakaharap ng guro at bayan at ang aking patuloy na pananalig sa nagkakaisang lakas at kagitingan ng kilusang masa ng sambayanan sa pagbaka sa bulok na kaayusang panlipunan tungo sa tunay na pagbabago. Paraan ko rin ito ng pagbaka sa historical revisionism ng mga Marcos.

Mga paborito at maiksing paliwanag:

Gawain sa ACT. Pag-oorganisa at mass work sa hanay ng kaguruan. Dito ako napanday bilang aktibistang lider-guro.

Paboritong regalong natanggap. Bagong cellphone na pinag-ambag-ambaganang bilhin ng aking tatlong anak sa selebrasyon ko ng ika-78 birthday nitong nakaraang Enero 20, 2023.

Alagang hayop. Cat lover ako kaya mga pusang Pinoy, na pawang malalambing. Paborito ko ring alagaan ang mga native na manok na paitlugin.

Alagang halaman. Sa mga sari-saring halamang gulay na inaalagaan ko, paborito ko at malaking pakinabang sa amin ang mga tanim kong pechay, mustasa, sitaw, talong at malunggay.

Pagkaing gulay. Bilang taal na Bikolano, paborito kong pagkaing gulay ang ginataan at hinaluan ng siling maanghang gaya ng laing at Bicol express.

Pampalipas-oras. Nakahiligan ko ang gardening bilang paraan ng pakikipag-ugnayan ko sa kalikasan. Ang paglalaro paminsan-minsan ng chess at scrabble. Ang paghabi ng tula upang panatilihing aktibo at nasa maayos ang aking isipan.

Parte ng pagpe-Facebook. Pag-post ng aking mga pananaw at obserbasyon sa mga kaganapang may kinalaman sa ekonomya, pulitika, kuktura at usaping panlabas na nakakaapekto  sa bayan at mamamayan.

Lugar na napuntahan. Memorable para sa akin ang tour ng aming pamilya sa Palawan kung saan inikot namin ang halos lahat ng mayor na tourist spots doon lalo na ang underground river. Nakakabihag ng kalooban ang kagandahan ng kapaligiran doon. Dangan nga lang at sinisira iyon ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina at matinding dinadahas ang mga aktibistang environmentalists doon, bagay na nakakapanghimagsik ng aking kalooban.

Parte ng buhay-probinsya. Palibhasa ako’y nagmula sa uring magsasaka, malaking kasiyahan para sa akin ang pagtatanim ng mga halamang pagkain at pagkokopras kapag ako ay nadadalaw sa aking farm sa Bicol. Ganundin, ako’y paminsan-minsan ay sumasama sa pamimingwit sa dagat.

Kanta. Para mapanatiling gising ang aking makabayang diwa, paborito kong pakinggan ang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” at ibang makabayang awitin.

Pelikula. Big fan ako ni Bruce Lee at lahat ng pelikula tungkol sa kanya ay napanood ko at paminsan-minsan inuulit panoorin.

Libro. Paulit-ulit ko ring binabasa ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Gat Jose Rizal, ang Revolt of the Masses ni Teodoro Agoncillo na binasa ko noong ako ay na-recruit sa Kapatirang Plebeians, at ang mga libro at sanaysay ni Renato Constantino.

Protestang guro. Sa dinami-dami ng mga protestang guro na pinamunuan ng ACT at nilahukan ko, malaking kaganapan ang inilunsad naming lakbayan ng mahigit 1,000 guro mula sa iba’t ibang probinsya ng Gitnang Luzon hanggang Maynila upang itulak ang kahilingang P5,000 minimum wage ng mga gurong pampubliko sa panahon ni Cory Aquino. Panahon din ito ng paglakas ng aming federation, ang National Federation of Teachers and Employees Unions (NAFTEU) kung saan ako ang secretary-general at sa lakbayang iyon kasamang nagpadala ng delegasyon ang NAFTEU-CL bilang pakikiisa sa kahilingan ng ACT.

Lider-guro. Malaki ang paghanga ko at mataas kong sinasaluduhan ang mga lider-guro ng ACT na pumalit sa mga pinatalsik naming pambansang liderato noong 1994. Sila ang nagbangon sa ACT mula sa pinakamatinding krisis pang-organisasyon na dinanas nito at sa ilalim ng kanilang pamumuno nagkakamit ang ACT ng malalaking tagumpay na tinatamasa ngayon ng mga guro at at bayan. Ang mga lider-guro na ito ay walang iba kundi sina Prop. Bien Lumbera, Carol Almeda, Antonio Tinio, France Castro, Benjamin Valbuena, Joselyn Fegalan at si Vlademir Quetua  sa kasalukuyan.

Guro sa kasaysayan. Malaki ang paghanga ko kay Teresa Magbanua, isang guro na bayani ng tatlong digma. Bilang pagpupugay  sa kanyang kabayanihan, kinatha ko ang tulambuhay niya na pinamagatan kong “Teresa Magbanua: Gurong Mandirigma.”

Paano po ninyo pinapahalagahan ang propesyon ng pagiging guro?

Ang pagiging guro ay itinuturing ng madla bilang pinakamarangal sa lahat ng propesyon. Sinasang-ayunan ko ang pagkilalang ito sapagkat tanging sa mga tagapagturo lamang ipinagkatiwala ng lipunan ang maselang tungkulin ng pagpapalaganap ng kaalaman, paglinang ng talino, pagpapanday at pagpapaunlad ng mga kasanayan at paghubog ng aktitud, pagpapahalaga at pag-uugali ng mga mag-aaral upang ihanda sila sa reyalidad ng buhay at hamon ng nagbabagong panahon.

Ngunit para sa akin, hindi sasapat ang mga gampaning ito para matiyak na magiging produktibo at responsableng mamamayan kung hindi man lider ng bayan ang mga mag-aaral — kung hindi ito lalangkapan ng pagpapanday ng kritikal na pag-iisip sa bahagi ng mga mag-aaral upang matuto silang magsuri sa kalagayan at tumimbang ng mga bagay-bagay na kailangan para makabuo ng angkop at wastong desisyon. Para sa akin, sa ganito dapat sinusukat ang kahalagahan ng propesyon ng guro sa lipunan.

Bakit po mahalaga na ang mga guro ay kumikilos para sa kanilang kapakanan at sa kapakanan ng bayan?

Unang-una, sa antas-personal, ang guro ay mamamayan din na may partikular na karaingan na dapat ipaglaban upang magkaroon ng  katugunan. Dagdag pa, bukod sa kanyang sarili, mayroon din siyang kapamilya na apektado ng mga polisiya, programa, proyekto, batas o hakbangin ng gobyerno na nagpapasahol sa kalagayan ng kanyang pamilya. Halimbawa, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin — habang ipinagkakait sa kanyang mga magulang o kapatid at ibang kaanak na manggagawa ang nakabubuhay na sahod — ay nagdudulot ng malaking problema sa kabuhayan ng kanilang pamilya. Ang kalagayang ito ay hindi niya maaaring ipagwalambahala. Kaya bilang miyembro ng pamilya, tungkulin niya na suportahan at ipakipaglaban ang dagdag na sahod kaalinsabay ng pagpapababa ng presyo ng bilihin.

Tangi pa riyan, ang guro ay bahagi ng body politic ng ating bansa na binubuo ng kolektibong grupo ng mamamayan na may kumon na interes na dapat tinutugunan at pinoprotektahan ng gobyerno. Kung gayon, dapat nagkakaisa ang mas nakararami kung hindi man lahat ng mamamayan upang epektibong maisulong ang pagkakamit ng kabutihang panlahat labas pa sa kani-kanilang sektoral na alalahanin.

Kung hihikayatin po ninyo ang mga gurong mambabasa na maging aktibista, ano po ang sasabihin ninyo?

Batay sa aking karanasan at depende sa nakikita kong indikasyon ng pagiging bukas ng isipan at kahandaan niyang makinig, sinisimulan ko ang paghikayat sa kanya sa isang proposisyon na kami bilang guro ay ginagamit na instrumento at kaalinsabay ay biktima rin ng mismong sistema na aming itinataguyod. Palalamnan ko ito ng paglahad kung paano inaapi at pinagsasamantalahan ang mga guro sa usapin ng mababang  sweldo, benepisyo, tambak na trabaho’t obligasyon, takdang oras ng trabaho, at iba pang problemang kinakaharap ng guro sa araw-araw, at hihingin ko kung ano ang masasabi niya tungkol dito.

Sunod kong ipapaliwanag ang papel ng edukasyon sa bansa bilang bahagi ng superistrukturang kultural kasama ng relihiyon, midya, sining at maging institusyon ng pamilya na ang mayor na layunin ay bigyang-katwiran at suhayan ang umiiral na sistema ng lipunang malakolonyal at malapyudal. At batay dito, ipauunawa ko na ang pangunahing tungkulin namin bilang guro, higit pa sa simpleng pagpapanday ng talino at talento o mga kaalaman at kasanayan na dapat matutunan ng mga mag-aaral, ay ang hubugin ang kanilang kaisipan at panlipunang pag-uugali at gawi bilang matapat na alagad at tagapagtanggol ng sistemang ito kahit pa ito mismo ang ugat at sanhi ng mga problemang kinakaharap nila at ng higit na nakararaming mamamayan.

Mula rito  hihikayatin ko siyang dumalo at lumahok sa isang pormal na pag-aaral kasama ng iba pang guro upang talakayin at suriin ang estado’t katangian ng umiiral na sistema ng edukasyon sa bansa at ano naman ang alternatibong sistemang marapat ipalit dito; ang sitwasyon ng kaguruan at iba pang apektadong sektor, at ang kahalagahan ng pag-oorganisa sa kanilang hanay upang epektibong ipaglaban ang kagalingan at interes ng buong sektor ng edukasyon at ng bayan.

Kailangan din nilang lumahok sa mga sama-samang pagkilos upang ipakita ang lakas ng kanilang pagkakaisa sa mga isyung ipinaglalaban at maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko pabor sa kanilang mga karaingan at kahilingan. Mahalaga rin ang partisipasyon nila dito sapagkat sa ganito nila mapapangibabawan ang namumuong takot at pag-aagam-agam na lumahok sa mga ganitong porma ng pakikipaglaban.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!