(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Sept. 29.)
Isang YouTube video ang nagsasabing si Pangulong Bongbong Marcos at ang Senado ay pinatawan ng parusang kamatayan si France Ruiz. Si Ruiz at ang kanyang pamilya ay inakusahan ng isang kasambahay ng pangmamaltrato at pisikal na pananakit.
Walang legal na kakayahan ang pangulo o Senado na gawin ito dahil ipinagbabawal ng Republic Act 9346 ang parusang kamatayan.
Noong Sept. 24, isang YouTube channel ang nag-upload ng video na may caption na:
“KAKAPASOK LANG Bagong utos PBBM at SENADO B-tay ang hatul kay France Ruiz Hinatulan ng Taong Bayan!”
Sa 18-minute video, walang napakitang patunay ang narrator na nagpasa nga si Marcos at ang Senado ng bagong batas para parusahan ng kamatayan si Ruiz. Sa halip, ang ipinakita ng video ay mga comment lang ng mga netizen na nananawagang parusahan ng kamatayan ang dating amo ng kasambahay na si Elvie Vergara.
Ang parusang kamatayan ay binuwag noong 2006 at pinalitan ng habambuhay na pagkakulong bilang pinakamabigat na parusa. Ilang panukala ang inihain sa Kongreso para ibalik ang parusang kamatayan para sa mga kasuklam-suklam na kriminal, pero mula noon hanggang ngayon ay nasa committee level pa rin ang mga panukalang ito.
Nagpapatuloy ang paglilitis ng Senado sa pag-abuso sa 44 taong-gulang na si Elvie Vergara.
Si Pablo Ruiz, asawa ni France Ruiz, ay idinetena kamakailan matapos bumagsak ang mag-asawa sa lie-detector test bago ang pagdinig ng Senado. Idinetena rin si France Ruiz noong Setyembre dahil sa pagsisinungaling matapos sumumpang magsasabi ng totoo.
Ang naturang video ay lumabas noong kasagsagan ng imbestigasyon ng Senado sa pang-aabuso umano ng pamilyang Ruiz kay Vergara.
Ang video ay inupload ng YouTube channel na PINAS NEWS INSIDER at nagka-5,700 likes, 1,130 comments at 241,000 views.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)