(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Sept. 21, 2023.)
Isang vlogger ang nagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon tungkol sa papel na ginampanan nina dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating senador Ninoy Aquino sa kasaysayan ng Pilipinas.
Noong Aug. 8, ilan sa mga sinabi ng pro-Marcos vlogger na si Alona Villamim Sekiguchi sa kanyang vlog ay:
- si Ninoy ay isa sa mga nagpakana ng pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971, at
- si Marcos ang dahilan ng payapang EDSA Revolution noong 1986.
Finact-check ng VERA Files ang mga sabi-sabing ito.
Tungkol sa ‘pagkakasangkot’ ni Ninoy sa Plaza Miranda bombing
Walang patunay na isa si Ninoy sa mga nagpakana ng pagbomba sa Plaza Miranda noong Aug. 21, 1971. Papunta si Ninoy sa Plaza Miranda nang tatlong granada ang sumabog, na ikinamatay ng siyam na tao at kinasugatan ng mahigit sandaan pa, ayon sa 2017 dissertation ng Amerikanong historian na si Joseph Scalice.
Hanggang ngayon ay malabo pa rin kung sino ang nagpakana ng pagbomba sa Plaza Miranda. Ayon sa Filipino historian na si Ambeth Ocampo sa kanyang column sa Inquirer noong Oktubre 2022, sinisi ng Liberal Party at ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Marcos, habang sinisi naman ni Marcos ang CPP.
Suspetya ni Scalice at ng isang artikulo ng Washington Post noong 1989, ang CPP at ang founder nitong si Joma Sison ang nagpakana ng pagbomba.
Ilang beses pinasinungalingan ni Sison ang suspetyang ito. Pag-uulit niya, walang patunay na si Ninoy o sinuman sa CPP ang nagpakana ng pagbomba sa Plaza Miranda.
Pinasinungalingan din ng ONE News ang suspetyang ito.
Tungkol sa papel ni Marcos sa ‘payapang’ EDSA Revolution
Sinasabi rin ng mapanlinlang na video na naging payapang rebolusyon ang People Power noong 1986 dahil inutusan ni Marcos ang mga sundalo na ’wag magpaputok ng baril sa daan libong kataong nagtipon sa harap ng Camp Aguinaldo. Kailangan nito ng konteksto, gaya ng ibang claim na kailan lang ay napasinungalingan din ng VERA Files Fact Check.
“The order from Malacañang to rain bullets on protesters is verified [Napatunayang may utos mula sa Malacañang na paulanan ng bala ang mga nagpoprotesta], ayon sa tweet ng UP Third World Studies.
Kahit pinalabas ni Marcos sa TV na inutusan niya ang mga sundalo na ’wag mamaril ng mga sibilyan, ipinakikita ng mga dokumento na inutusan talaga ni Marcos ang mga sundalo na barilin ang mga nagprotesta sa Camp Aguinaldo.
(Basahin: Marcos’ order not to shoot at civilians at EDSA NEEDS CONTEXT)
Ang mapanlinlang na video, na nagkaroon ng higit 44, 602 interactions, ay lumabas isang linggo matapos sabihin ni dating senador Kiko Pangilinan na si dating pangulong Cory Aquino ay itinuturing na ina ng demokrasya ng Pilipinas. Patuloy na kumalat sa social media ang mapanlinlang na video mahigit isang buwan matapos i-upload.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)