Ang Bayan » Dalawang kababaihan sa Mindoro, ginahasa ng mga sundalo ng 203rd IBde


Dalawang kababaihan sa Bongabong, Oriental Mindoro ang ginahasa ng mga sundalo ng 203rd IBde at CAFGU noong Agosto, ayon sa ulat ng National Democratic Front (NDF)-Mindoro noong Oktubre 8. Paulit-ulit na sinindak at binayaran ng mga sundalo ng ilampung libong piso ang isa sa biktima para patahimikin siya at ang kanyang pamilya.

Ginahasa si “Rose,” isa sa mga biktima ng mga elemento ng CAFGU matapos makita siya, kasama ang dalawa pang babae, na naliligo sa tulay ng Panluan sa Barangay Hagan, Bongabong noong Agosto 28. Tinatakot at pinipilit ng mga pasista ang biktima at kapamilya ng biktima upang pumayag na ipaareglo lamang ang kaso.

Si “Ana,” ang pangalawang biktima, ay isang katutubong residente ng Barangay Lisap. Para itago ang krimen at patahimikin ang biktima, pilit binayaran ng mga pasista ng ₱30,000 ang pamilya ng biktima. Liban sa kasong ito, binastos din ng mga sundalo ang iba pang kababaihang katutubo sa isang sayawan sa Sityo Alyanon. Ipinatatawag din nito ang mga kababaihan sa “miting” nang alas-11 ng gabi.

Iniulat din ng NDF-Mindoro ang iba pang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng 203rd IBde at mga pulis sa panahong naglulunsad ito ng operasyong kontra-insurhensya sa mga baryo ng Bongabong.

Kabilang dito ang pagkakampo ng mga laking-platung pwersa ng 203rd Bde at PNP-MIMAROPA sa mga sityo ng Balya, Alyanon, Rimas, Bahayaw at Lawaan ng Barangay Lisap, Bongabong at ang mga sityo ng Cogon Ratag, Albunan at Natub ng Barangay Manoot, Rizal. Patuloy ding nagkakampo ang mga elemento ng AFP-PNP-SAF sa mga barangay hall ng Sta Cruz, Libertad, Carmundo, Tawas at Hagupit ng Bongabong.

Walang galang ding hinihimpilan ng mga ito maging ang mga sagradong lugar ng mga katutubo tulad ng mga libingan. Ang paggamit ng mga sibilyang imprastruktura sa mga layuning militar ay ipinagbabawal sa internasyunal na alituntunin sa digma.

Noong Oktubre 3, binugbog ng mga elemento ng 203rd Brigade ang tatlong Mangyan-Buhid na sina Marson Opig at Layhip Yaman na residente ng Sityo Cogon Ratag at si Suligan Gonzales na taga Sityo Albunan, lahat sa Barangay Manoot, Rizal, Occidental Mindoro. Tumigil lamang ang pambubugbog sa tatlo nang sinugod at awatin sila ng mga katutubong Buhid. Resulta nito, labis na nanghihina ng tatlong biktima at hanggang ngayon ay hindi pa nakababawi ang kalusugan. Iligal ding hinuli ng mga pasista si Nano Dam in na taga-sityo Albunan.

Samanatala, naiulat sa nagdaang linggo ang pagpapatawag at pagbabanta ng mga elemento ng 76th IB kina Ombeng Gaid at Loida Ribon na taga-Barangay Hagupit at kina Boy Victoriano ng Barangay Tawas, Bongabong. Pinagbabantaan silang ikukulong sa loob ng anim na taon dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Terrorism Law matapos silang pagbintangang tumulong sa hukbong bayan noong nakaraang taon.

“Dinaranas ng mga katutubong Mangyan at mamamayan dito ang mahihigpit na mga kundisyong angkop lamang sa batas militar at paulit-ulit na pagyurak sa kanilang karapatan at paglabag sa internasyunal na makataong batas,” ayon kay Ma. Patricia Andal, tagapagsalita ng NDF-Mindoro.

Aniya, dapat papanagutin si BGen. Randolph Cabangbang, kumander ng 203rd IBde, sa napakahabang listahan ng mga paglabag sa karapatang-tao sa isla.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!