Sa ngalan ng buong Partido Komunista ng Pilipinas at lahat ng kadre at kasapi nito, at sa ngalan ng lahat ng Pulang kumander at Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, kinikilala namin ang kabayanihan ni Kasamang Dionisio Micabalo, na mas kilala ng masa at mga kasama bilang si Ka Toto, Ka Jeff o Ka Delong.
Tumitindig ang Komite Sentral ng Partido upang ibigay ang Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay kay Ka Toto, sa kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanang Pilipino at pag-aalay ng buong buhay para sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Si Ka Toto ay nasawi sa isang armadong labanan sa hangganan ng Barangay Lawit at Barangay Libertad, sa Gingoog City, Misamis Oriental noong Hulyo 26, 2023, sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at ng 58th IB ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Mula sa kaibuturan ng aming puso, lubos kaming nakikiramay sa asawa, mga anak, mga apo ni Ka Toto, gayundin sa mga kasama, at sa masang magsasaka at Lumad na nakapiling niya sa kanyang buhay ng paglilingkod sa bayan at rebolusyonaryong kilusan.
Si Ka Toto ay ipinanganak noong Disyembre 26, 1962, mula sa pamilyang maliit na panginoong maylupa. Nag-aral siya ng kolehiyo sa Liceo de Cagayan sa Cagayan de Oro City kung saan kumuha siya ng kursong BS Accounting.
Sa edad na 18, namulat si Ka Toto sa pang-aapi at pagpapahirap ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na mga ugat na suliranin ng sambayanang Pilipino, at sa pagdurusa nila sa ilalim ng diktadurang US-Marcos. Naugnayan siya noong 1981 ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pinapasukan niyang kolehiyo. Sa panahon ng batas militar, lumahok siya sa mga pakikibakang masang anti-pasista, anti-imperyalista at antipyudal.
Noong 1982, sumanib si Ka Toto sa Bagong Hukbong Bayan at naging bahagi ng pagbubukas ng mga bagong larangang gerilya at yunit gerilya. Noong 1985, nakilala siya bilang si Ka Yani nang nadestino siya sa Front 6 sa Bukidnon. Noong taon ding iyon, nalipat siya sa Front 4-A sa Misamis Oriental at doon nakilala bilang Ka Abbu at Ka Cardo.
Noong 1988, nadestino si Ka Toto sa lugar ng mga Lumad. Taglay ang mataas na rebolusyonaryong diwa, mabilis siyang nakaangkop sa buhay ng mga katutubo. Habang ipinamalas niya ang respeto sa mga tradisyunal na ugali, istruktura at kalakaran ng mga Lumad, unti-unti rin niyang itinaas ang kanilang kamulatang pampulitika at demokratikong lakas. Malaki ang naging ambag ni Ka Toto sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa kanilang hanay.
Habang puspusang isinusulong ang digmang bayan, ipinundar ni Ka Toto at ng kapwa niya rebolusyo-naryo na asawa ang isang matatag na rebolusyonaryong pamilya. Inaruga nila ang kanilang mga anak na may kamulatan sa mga hangarin ng sambayanang Pilipino para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
Sa mga susunod na mga taon, naging bahagi si Ka Toto sa hakbang-hakbang na pagtataas ng antas ng organisasyon ng Partido mula sa mga komite sa seksyon, tungo sa mga komiteng distrito at mga larangan.
Kabilang si Ka Toto sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersang nagtaguyod sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na sinimulan ng Partido noong 1992 upang iwasto ang mga pagkakamali at paglihis sa mga saligang prinsipyo. Naging kalahok din siya sa mga naging kahinaan at ipinamalas ang paninindigan para sa linyang pambansa-demokratiko sa pamamagitan ng pagwawaksi sa mga rebisyunistang nagtaksil sa Partido, rebolusyonaryong kilusan at sambayanan.
Noong 2003, kasama ang kanyang asawa, nadakip at nakulong nang anim ba buwan si Ka Toto. Nakalaya siya sa pamamagitan ng pagbayad ng pyansa.
Noong 2009, humalili si Ka Toto bilang kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa North Central Mindanao Region. Pinalakas niya ang kolektibong pamumuno ng Partido sa rehiyon. Sa pamamagitan ng paghawak sa mga saligang prinsipyo ng matagalang digmang bayan, pinangunahan nila ang mabilis na paglawak ng pakikidigmang gerilya sa buong rehiyon, laluna noong 2012-2017, at naabot ang rurok ng rebolusyonaryong lakas sa rehiyon. Sampu ng namumunong mga kadre, walang pag-aalinlangan si Ka Toto sa pag-aambag ng lakas-tauhan at rekurso sa ibang mga rehiyong nangangailangan ng tulong.
Kabilang si Ka Toto sa mga delegado sa Ika-2 Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 2016. Doon ay nahalal siyang kagawad ng Komite Sentral ng Partido. Hinirang din siya bilang isa sa pangunahing kagawad ng Komisyon sa Mindanao noong 2017. Taong 2023, hinirang ng Komite Sentral si Ka Toto bilang kagawad ng Kawanihan sa Pulitika.
Bago siya nasawi, aktibong pinamumunuan ni Ka Toto ang pagpapanibagong-lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa NCMR, matapos dumanas ito ng mga pag-atras dahil sa mga internal na kahinaan at pagkukulang. Sa paglalagom ng karanasan ng rehiyon, hindi nag-atubiling magpuna sa sarili si Ka Toto sa mga naging kahinaan at ipinamalas ang determinasyong iwasto ang mga iyon. Nakatanaw at binabagtas ni Ka Toto at ng mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon ng NCMR ang landas patungo sa pagpapanibagong-lakas at bagong rurok ng rebolusyonaryong pakikibaka.
Sa edad na 61, kaakbay si Ka Toto ng kabataan o mas nakababatang Pulang mandirigma sa pagtawid sa mga bundok at ilog, patungo sa mga burol at kapatagan, para abutin ang malawak na masa at patuloy na pag-alabin ang kanilang rebolusyonaryong diwa at palakasin ang kanilang organisadong hanay. Walang kapaguran si Ka Toto dahil saanman sila magtungo, sinasalubong sila ng masa ng mainit na kape at pagmamahal, at ng maalab na kapasyahang lumaban kasama ang kanilang hukbong bayan at sa tanglaw ng Partido.
Iniwan ni Ka Toto ang pamana ng determinasyon, kolektibong pamumuno, at matamang pag-aaral at paglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan at praktika, pagpuna at pagpuna-sa-sarili at matamang pagbagtas sa landas ng matagalang digmang bayan.
Sa kabila ng kanyang mga nagawa at nakamit na tagumpay, hindi nawala ang kababaang-loob at pagpapakumbaba ni Ka Toto. Isa man siya sa matatayog na haligi ng rebolusyonaryong kilusan sa NCMR, sa Mindanao at buong bansa, kailanma’y hindi siya nakitaan ng kahambugan, laging mahinahon, palangisi, nanatiling madaling lapitan, handang makinig sa payo, at magbigay ng sariling payo.
Hindi kailanman malilimutan ng sambayanang Pilipino, laluna ng masang magsasaka at masang Lumad sa Misamis Oriental, Bukidnon, Agusan del Norte, Lanao del Norte hanggang sa Maguindanao, si Kasamang Dionisio Micabalo, komunistang kadre at Pulang kumander, at ang kanyang mga naging ambag sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas.