Ginunita ng mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang Buwan ng Magsasaka sa pamamagitan ng mga pagkilos at protesta mula sa simula ng Oktubre. Lumundo ang paggunita sa isang martsa tungo sa Mendiola sa harap ng Malacañang noong Oktubre 20 ng daan-daang mga magsasaka mula sa Bicol, Southern Tagalog, Central Luzon at Negros. Isinasagawa ang protestang ito taun-taon, na nakataon sa pagdedeklara ng diktadurang Marcos Sr ng kanyang huwad na reporma sa lupa noong 1972. Ngayong taon, tinagurian nila itong Araw ng Protesta laban sa Pang-aagaw ng Lupa, Inhustisya at Gutom. Muli nilang iginiit na ang pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa ang susi sa pagkamit ng seguridad sa pagkain at self-sufficiency sa bigas.
“Mananatiling food insecure at gutom ang mga Pilipino kung walang tunay na reporma sa lupa,” ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Batay sa datos ng organisasyon, pito sa 10 magsasaka ang walang lupa o di kaya’y walang ligal na patunay na kanila ang lupa o kontrol dito. Papaliit ang abereyds na laki ng parselang binubungkal nila, kabilang ang mga lupang nakalaan sa pagtatanim ng bigas. Sa kabilang panig, nananatiling buo ang mga asyenda at mga komersyal na plantasyon. Sa kasalukuyan, mayroong 1.2 milyong ektaryang lupa ang nakatuon sa pagtatanim ng saging, pinya, palm oil at iba pang cash crop na pang-eksport. Dagdag na 1.9 milyong ektarya ang nakalaan para sa ekspansyon ng mga ito.
“Sa araw na ito, ipinatatampok ng kababaihang magsasaka ang kasalukuyang pakikibaka laban sa kawalan ng lupa, at ang kainutilan ni Marcos Jr sa pagresolba sa nagpapatuloy na problema sa lupa,” pahayag naman ng Amihan, grupo ng magsasakang kababaihan. “Sa kanayunan, laganap ang malawakang pang-aagaw ng lupa, pagpapalayas at pagpapatindi ng agresyong pangkaunlaran na nagreresulta sa papatinding paglabag sa karapatang-tao at pasistang pang-aatake sa kababaihang magsasaka at kanilang mga pamilya.”
Bago tumungo sa Mendiola, nangalampag sa harap ng upisina ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City ang mga magsasaka para singilin ang kagawaran sa daan-daang nakabinbin na sigalot sa lupa at mga kaso sa lupa na hindi pa nareresolba hanggang sa ngayon.
“Malaking kasinungalingan ang sinasabi ng DAR at ni Marcos Jr na “emancipation” o paglaya ng mga magsasaka. Patuloy na nakikipaglaban ang mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa lupa at para sa pagkakamit ng tunay na repormang agraryo,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.
Kasamang nangalampag sa kagawaran ang mga magsasaka ng Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac na ilang buwan nang pabalik-balik sa kagawaran at pinapaasa lamang ng mga upisyal nito. Naroon din ang mga magsasaka mula sa Barangay Kaybanban, San Jose Del Monte City na nakaambang mapalayas dahil sa pang-aagaw ng lupa ng Borough Realty.
Naroon din ang mga magsasaka mula sa Hacienda Luisita at ang mga magsasaka at residente mula sa Alyansa ng mga maka-maralitang Asosasyon ng Kapatirang Organisasyon, Inc. o AMAKO mula sa Barangay Anunas, Angeles City. Sila ang mga magsasakang may hawak na mga papeles at bayad sa amortisasyon pero ngayon ay inaagawan at pinalalayas ng mga land developer matapos kanselahin ng DAR ang kanilang mga Certificate of Land Ownership Awards (CLOA).
Samantala, tinuligsa ng mga magsasaka mula sa Negros ang programang Support to Parcelization of Land Individual Titles (SPLIT) na marahas na ipinatutupad sa isla.