(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 18, 2023.)
Isang YouTube video ang nagsasabing aatakehin ng Hamas ang Pilipinas, sa kasagsagan ng patuloy na armadong tunggalian ng grupo at ng Israel. Hindi ito totoo.
Ang Hamas ay militanteng grupo sa Palestine. Sinubukan ng Hamas na pasukin ang Pilipinas pero nangyari ito ilang taon na ang nakalipas at napigilan ng mga awtoridad ang mga pagtatangkang ito.
Ini-upload noong Oct. 14, bungad ng video:
“NAKAKATAKOT PINAG HAHANDA NA MILITAR! PBBM BINALAAN NG ISRAEL! HAMAS AATAKE SA PINAS! GYERA NATALAGA.”
Sa nakalipas na limang taon, dalawang beses nagtangka ang Hamas na makapasok sa Pilipinas pero pumalya sila, sabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya sa programang Bagong Pilipinas Ngayon ng PTV4 noong Oct. 16.
Nangyari ang unang pagtatangka noong 2018, nang inaresto sa Pilipinas si Taha Mohamed al-Jabouri, isang dalubhasa sa bomba at pinaniwalaang konektado sa Hamas.
Kalaunan noong 2022, iniulat ng intelligence unit ng Philippine National Police na ang mga operatiba ng Hamas, na pinamumunuan ng kanilang foreign liaison na si Fares Al Shikli, ay nakikipag-usap daw sa mga militanteng grupo sa Pilipinas para magsagawa ng mga terrorist activity dito.
Pero siniguro ng NSC sa publiko na napatigil ng mga awtoridad ang mga pagtatangka ng Hamas na magtayo ng sangay nila sa Pilipinas:
“[A]ng magandang balita po ay natigil po natin ‘yan sa pakikipagtulungan natin sa ibang mga bansa.”
Source: PTV Philippines YouTube channel, “PTV Livestream,” Oct. 16, 2023
Ang video na may maling impormasyon ay inilabas noong parehong araw na sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na pinaplano ng ahensiya na italaga ang Hamas bilang teroristang organisasyon.
Imbis na patunay, ang video ay nagpakita lang ng mga ulat ng PTV4 noong Feb. 15, 2022 tungkol sa pumalpak na pagtatangka ng Hamas na maghikayat ng mga miyembro sa Pilipinas, at iba pang balita mula sa TV5 at DZBB tungkol sa digmaan ng Hamas laban sa Israel.
Ini-upload ng mga YouTube channel na Boss Balita TV, BALITA NI JUAN at WANGBUDISS TV, ang video na may maling impormasyon ay nagka-100,124 views, 3,100 likes at 662 comments. Ipinost din ulit ng mga Facebook user ang mga link.
Kamakailan ay finactcheck rin ng VERA Files ang mga channel na ito dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa patuloy na tunggalian sa Middle East.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)