VERA FILES FACT CHECK: PEKE ang ear drops ad na ito na gumamit ng vlog ni Doc Liza Ong


(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 19, 2023.)

Isang Facebook (FB) page ang gumamit ng vlog ni Doc Liza Ramoso-Ong para magbenta ng pampatak sa tenga na nakapagpapagaling daw ng mga sakit na gaya ng pumutok na eardrum, impeksiyon at tinnitus o pagri-ring sa tenga, sa loob ng ilang linggo lamang.

Peke ang ad na ito. Ang South Moon Ear Drops ay hindi registered sa Food and Drug Administration.

Ang pino-promote lang ni Doc Liza at asawa niyang cardiologist na si Doc Willie Ong ay isang gatas na supplement para sa matatanda.

Ang ear drops ay puwedeng makatulong sa paggamot ng sakit, pamamaga, impeksiyon at pagbara ng tutuli, ayon sa Cleveland Clinic. Pero ang mga pampatak sa tenga ay hindi dapat ginagamit para sa pumutok na eardrum dahil puwede itong magdulot ng mga komplikasyon.

Ang 40-segundong pekeng ad ay nagpakita ng limang-segundong putol mula sa isang 10-minutong video na ini-upload sa YouTube channel na Doc Willie & Liza 2nd Channel noong Aug. 28, 2022.

Sa original video, hindi nag-eendorso si Doc Liza ng mga pampatak sa tenga. Nilalarawan niya lang ang mga sintomas ng impeksiyon sa tenga gaya ng pangangati at paglabas ng luga.

Ang FB page na Naturex (ginawa noong July 5, 2022 sa pangalang 1991), ang nag-post ng pekeng ad, ay nanghikayat ng mga tao sa comments section na mag-message sa page tungkol sa produkto. Karaniwang diskarte itong ginagamit sa mga pekeng ad na nagbebenta ng health products.

(Basahin: VERA FILES FACT CHECK: Doc Willie Ong video endorsing varicose vein spray FAKE)

Ang pekeng ad, na unang ipinost noong June 24, ay nagkaroon ng 3.7 million interactions. Nitong Oct. 18, itinatanong pa rin ng mga netizen sa comments section kung paano sila makabibili ng produkto.

Kamakailan ay pinasinungalingan din ng Agence France-Presse ang pekeng ad.

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!