Matapos ang ilang linggong paghahanap, natagpuan na ng kanyang mga kaanak si Sonny Rogelio (Ka Ed), isang hors de combat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro, sa AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City kung saan siya itinago ng militar. Si Rogelio ay dinakip, kasama si Sonny Sambutan (Ka Omeng), ng 203rd IBde sa Sityo Manambao, Barangay Santa Cruz, Bongabong, Oriental Mindoro noong Oktubre 17. Wala pang balita sa kalagayan ni Sambutan sa kasalukuyan.
Ayon sa ulat ng Karapatan-Southern Tagalog, grupong katuwang ng pamilya ni Rogelio sa paghahanap, tanging ang ina nitong si Cleofe ang pinayagang makausap ang anak na pasyente sa ospital. Pinigilan ng dalawang bantay na sundalo na makasama ang abugado ng pamilya na si Atty. Sol Taule. Hindi nakapagtagal si Nanay Cleofe sa pakikipag-usap sa anak dahil sa takot sa pagbabantay ng mga sundalo.
Anang Karapatan-ST, malinaw itong paglabag sa karapatan ni Rogelio at kanyang pamilya na makausap at katawanin ng abugado na malaya nilang pinili. Dagdag pa dito ang mga insidente ng pamimilit ng mga elemento ng 203rd IB sa pamilyang Rogelio na “makipagtulungan” sa militar.
Napag-alaman ng pamilya na mayroong sugat si Rogelio sa kanang balikat at ibabang bahagi ng mukha at dahil dito ay hindi siya makapagsalita at makakain ng maayos.
Kaugnay nito, naghain ng apela ang pamilya ni Rogelio sa Commission on Human Rights para hingin na ilipat sa regular na ospital ang biktima. Giit din ng mga kaanak na kilalanin ang karapatan ni Rogelio at itaguyod ang internasyunal na makataong batas at makataong pagtrato sa kanya at sa kanyang pamilya.