PRWC » Kundenahin ang pagkakatalaga Kay Francisco Tiu Laurel bilang hepe ng Kagawaran ng Agrikultura


Mariin ang pagtutol ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Rizal sa pagkakatalaga kay Francisco Tiu Laurel bilang kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura (Department of Agriculture-DA). Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na isa si Tiu-Laurel sa mga namuhunan sa kandidatura ni Marcos Jr. sa halagang limampung milyong piso. Dalawampung milyong piso para kanyang kampanya at tatlumpung milyong piso para sa kanyang Partido Federal ng Pilipinas.

Malinaw na ang pagbibitiw ni Marcos Jr. at pagtatalaga kay Tiu-Laurel ay panahon ng paniningil at pagbabayad sa “utang na loob”. Matapos ang lagpas isang taon ng palpak na pamumuno ni Marcos Jr. sa kagawaran ay napilitan na rin siyang magbitiw. Bukod sa kailangan na nyang bayaran ang kanyang “utang na loob”, ay dahil na rin ito sa panawagan ng mga kritiko at maging ng kanyang mga kaalyado na napapanahon ng hawakan ito ng isang full-time na pinuno dahil sa kanyang kapalpakan.

Sumambulat rin sa publiko kamakailan na sa huling anim na buwan ay ni isang pulong ng DA ay walang nadaluhan ang buladas na si Marcos Jr. Kaya naman hindi nakapagtatakang naging inutil ang departamento na solusyunan ang problema ng ating mga magsasaka, ang mataas na mga produktong agrikultural sa harap ng 6.1% implasyon (Setyembre), kahirapan ng mga magsasaka at mangingisda at ang kawalan ng kasiguraduhan sa sustenidong pagkain.

Kwestyunable rin at nakababahala ang pagkakatalagang ito kay Tiu-Laurel na isang malaking burgesya kumprador. Natural na ang pangunahing interes nito ay magkamal ng malaking tubo at protektahan ang negosyo ng kanyang pamilya na Frabelle Fishing Corporation. Ito ay nag-eexport ng ating yamang-dagat sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sa Asya, Europa, Gitnang Silangan, Timog Aprika at Amerika. Ang yamang-dagat na ito na dapat pinakikinabangan ng ating mangingisda at mamamayan sa murang halaga ay kanilang dinarambong upang ibenta sa mga dayuhan at kumita ng limpak-limpak. Bukod dito, sangkot rin siya sa mapanirang malawakang reklamasyon sa mga baybayin at munisipal na mga erya. Dagdag pa may record din siya sa pangangamkam ng lupa dahil sa kanyang pamumuhunan sa enerhiya at pagmimina.

“Kung tunay siyang maglilingkod sa magsasaka at hindi pabalat bunga ang pagbibitiw nya bilang pangulo ng kanilang kumpanya ay nararapat lamang na talikuran na niya ang liberalisasyon at importasyon ng mga agrikultural na produkto na nagpapahirap sa ating mga magsasaka at mamamayan. Marapat din na suportahan at bigyan ng sapat na pondo ang mga magsasaka para sa lokal na produksyon. Gayunrin ang magbigay ng ayuda sa mga magsasaka na tinamaan ng kalamidad upang makaagapay sa napakataas na presyo ng mga bilihin”, pahayag ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid-Rizal (PKM-Rizal).

Subalit kung ipagpapatuloy lamang ang liberalisasyon at importasyon sa halip na palakasin ang sariling industriya at agrikultura ay nararapat na ngayon pa lamang ay magbitiw na siya.

Parehong walang magandang rekord si Tiu-Laurel at si Marcos Jr. sa tunay na pagseserbisyo sa mga magsasaka at mamamayan maging sa pagkabihasa sa agrikultura. Sa maagang bahagi pa lamang ng rehimeng US-Marcos II ay kinuha na niya si Tiu-Laurel sa President’s Private Sector Advisory Council na ang isang tinututukan ay ang seguridad sa pagkain na nabigo nilang soulusyunan. Kaya’t bakit pa magtatalaga ng isang palpak na kalihim ng DA mula sa dating palpak na pinuno?

Malinaw na wala tayong aasahan sa bagong kalihim ng agrikultura at sa rehimeng US-Marcos II. Hangga’t hindi mawawakasan ang tatlong salot na Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo na kumukubabaw sa mala-kolonyal at mala-pyudal na katangian ng ating lipunan sa pamamagitan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan na may Sosyalistang Perspektiba ay hindi makakamit ang tunay na solusyon sa problema ng mga magsasaka sa kahirapan at kawalang ng lupa, kasiguraduhan sa pagkain, mataas na presyo ng mga produktong agrikultural, atrasadong produksyon at mga kagamitan at marami pang ibang nagpapahirap sa mga magsasaka at mangingisda.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!