“Sa inyo ang ginto, sa amin ang guho!”
Ito ang sigaw ng pagtutol ng mamamayan ng bayan ng Lobo, Batangas sa proyektong minang isasagawa ng Bluebird Merchant Ventures Inc., katuwang ang Mindoro Resources Limited Inc. na siyang nagsasagawa ng eksplorasyon at lokal na kumpanyang Alpha Diggers Inc.
Noong Setyembre 2022 ay inianunsyo ng kumpanya ang pagpayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa dalawang taong ekstensyon ng eksplorasyon ng mina.
Ipinagmamayabang ng kumpanya na suportado ng gubyerno ng Pilipinas ang humigit kumulang 2,175 ektaryang Batangas Gold Project na nasa ilalim ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) sa loob ng 25 taon.
Matapos ang halos dalawang dekadang eksplorasyon, handa na ang operasyon ng aktwal na ekstraksyon ng bilyong pisong ginto at iba pang mineral sa mga kabundukan ng Lobo.
Lobo: Bayang pinaglalawayan ng dayuhan
Ang bayan ng Lobo ay matatagpuan sa ikaapat na distrito ng prubinsya ng Batangas, at tirahan ng nasa 41,504 na mamamayan. Ang kabuuang lupain nito ay may lawak na 19,268 ektarya kung saan 14,933 ektarya dito ang agrikultural, kung kaya’t mayor na kalakal ng bayan ay palay, mais, niyog, gulay, prutas, isda at mga halamang-ugat.
Pinalilibutan ang bayan ng mga burol at kabundukan sa Hilaga at Kanluran. Matatagpuan dito ang mga kabundukan ng Naguiling, Nalayag, Nagpatong at Bangkalan na dinarayo ng mga turista. Bukod sa napakataas na konsentrasyon ng ginto at iba pang mineral, ang mga bulubundukin ng Lobo ay pinagmumulan ng malinis na tubig ng mga residente nito at ng mga karatig na bayan. Sa mga kabundukan din naninirahan ang mga ibong kalaw, mga baboy damo, at iba pang protektadong hayop.
Apat na dekada ng pangangamkan at paglaban
Ang kasaysayan ng pag-angkin ng yamang mineral ng bayan ng Lobo ay nagsimula pa noong 1986 nang inangkin ng Resource Mineral Exploration Corporation ang karapatan na magmina dito. Noong 1988, ibinenta nito ang naturang karapatan sa Galactica Mineral Exploration Corporation na siyang nagbenta naman sa Apical Mining Corporation noong 1997. Taong 2000 ay ibinenta naman ng Apical Mining Corporation ang karapatan sa Egerton Gold Philippines Inc. (EGPI), isang Australyanong kumpanya na nakisosyo sa Mindoro Resources Limited Gold Philippines (MRL) upang isagawa ang eksplorasyon o paghahanap ng konsentrasyon ng ginto sa lugar.
Noong 2003, kumuha ang Egerton ng Exploration Permit Agreement (EPA) sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 4 na nagbigay ng karapatang magsagawa ng eksplorasyon o paghahanap ng ginto sa mga bayan ng Lobo at San Juan.
Nakuha din ng Egerton ang EPA ng Kumakata Mining Company Inc. at Lambunao Mining Company Inc.na kapwa pagmamay-ari ng Phelps Dodge Exploration Corporation sa mga potensyal na pagkunan ng ginto sa nalalabing bahagi ng bayan.
Nagtuluy-tuloy ang eksplorasyon ng MRL hanggang 2015 nang inilipat ng Egerton ang operasyon sa pagmimina sa Red Mountain Mining. Sa harap ng tangkang simulan ang aktwal na operasyon ng mina, dumaluyong ang pagtutol ng mamamayan ng Lobo upang protektahan ang kanilang mga sakahan, kabuhayan at tirahan. Mula sa hanay ng mga magsasaka, maralita hanggang sa mga propesyunal ng Batangas State University at iba pang institusyon, nagprotesta at lumahok sa mga dayalogo hanggang sa maitulak ang Sangguniang Bayan ng Lobo na iatras ang kanilang pag-apruba sa mina.
Ipinakita lamang ng makasaysayang pagkilos na ito na kayang biguin ng mahigpit na pagkakaisa ang anumang tangka sa kabuhayan at tirahan ng mamamamayan. Ngunit hindi nito naitulak ang moratoryum o tuluyang pagpapatigil sa mga operasyong mina sa Lobo at sa buong Batangas. Sa kasalukuyan, tila magnanakaw sa gabi ang Bluebird Ventures at ang mga kasabwat na lokal na burukrata kung saan sisimulang muli ang maka-dayuhan, malawakan at mapangwasak na operasyong mina.
Batangas Gold Project: Ginto para sa dayuhan, delubyo para sa mamamayan
Dalawang mayor na proyektong mina ang isasagawa sa ilalim ng Batangas Gold Project—ang 1,164 ektaryang Lobo Project at 1,011 ektaryang Archangel Project.
Ayon mismo sa MRL at Bluebird Ventures humigit kumulang 440,000 onseng ginto at nasa 606,000 onseng pilak ang matatagpuan sa kabundukan ng Lobo. Sa abereyds na $1,922, tinatayang nasa ₱46.5B ang kikitain ng Bluebird at MRL sa ginto pa lamang. Dagdag pa rito ang kikitain mula sa graba, bato, tanso, at iba pang mineral na kanilang mahuhukay at maiuuwi.
Sa laki ng kikitain nito mula sa proyekto, tinataya ng kumpanya na mababawi na nito ang puhunan ng buong operasyon ng mina sa loob lamang ng 14 na buwan.
Sa kabilang banda, impyerno ang iiwan ng mga proyektong ito sa mga direktang apektadong mga naninirahan sa mga barangay na Mabilog na Bundok, Nagtalontong, Nagtoctoc, Balibago at Sawang, at ng lahat ng umaasa sa kabuhayan mula sa kabundukan ng Lobo.
Ang mga kabundukang papasabugin ng mina ay maiiwang isang dambuhalang ukab na magdudulot ng pagbaha at pagguho ng lupa. Mawawalan ng tirahan kapwa ang mga tao at mga hayop, at lalasunin ng mga kemikal tulad ng cyanide ang lahat ng mga ilog hanggang sa dagat.
Sisirain din ng proyektong mina ang Verde Island Passage (VIP) kung saan matatagpuan ang pinakamataas na konsentrasyon ng marine life at idineklarang “sentro ng sentro ng marine biodiversity” sa buong mundo.
Isang ilusyon ang sinasabing pag-unlad dulot ng mina. Ayon mismo sa Sangguniang Bayan ng Lobo noong 2015, nasa ₱800,000 lamang ang pondong makukuha ng pamahalaan sa buong proseso ng mina, gatinga lamang sa bilyong pisong iuuwi ng Bluebird at MRL. Gayundin, huwad ang ibinabanderang paglikha ng trabaho, dahil sa katunayan ay nasa 144 lamang na lokal na residente ang ieempleyo ng mina sa operasyon nito, napakalayo sa libu-libong mawawalan ng sakahan, pangisdaan at tirahan dahil sa operasyon.
Pangayupapa sa imperyalistang pandarambong
Aktibong inilalako ng rehimeng US-Marcos Jr ang mga rekurso at murang lakas-paggawa sa Pilipinas upang akitin ang mga dayuhang mamumuhunan. Nais nitong alisin ang nalalabing restriksyon sa dayuhang pagmamay-ari sa likas na yaman ng Pilipinas, kabilang na ang mga kabundukan at sakahan. Ito ang nagbibigay kumpyansa at seguridad sa mga kumpanyang katulad ng Bluebird Ventures at MRL na maiuuuwi nila ang limpak-limpak na gintong kanilang huhuthutin sa ating bayan.
Nananatili pa rin ang bisa ng Mining Act of 1995 na instrumento ng pangangamkam ng mga sakahan, kabundukan at maging ng lupaing ninuno ng mga katutubo. Ang batas na ito ang nagbibigay ng eksklusibong karapatan sa mga kumpanya ng mina sa saklaw ng kanilang MPSA sa humigit 25 taon, at nagsasaad na walang pribadong pagmamay-ari ang maaaring pumigil sa operasyong mina. Binibigyan din nito ang Bluebird Ventures at iba pang kumpanyang mina ng pagmamay-ari sa lahat ng iba pang yaman na kanilang saklaw tulad ng troso, buhangin, bato at iba pa bukod pa sa mga mineral na kanilang mahuhukay sa ating lupain.
Militarisasyon, katambal ng operasyong mina
Sa muling pag-usad ng proyektong mina, pinaigting ng berdugong 59th IB, PNP-SWAT, katuwang ang mga pwersa ng CAFGU at SCAA, ang pagsuyod sa mga kabundukan ng Lobo.
Nagpakana pa ang 59th IBPA ng pekeng engkwentro sa pagitan ng kanilang tropa at yunit ng BHB upang bigyang katwiran ang matindi at masinsing mga operasyong kombat. Paghahanda ito para pigilan ang lahat ng tangkang pagtutol ng mamamayan sa nakaambang operasyong mina.
Sunud-sunod din ang paglipad ng mga drone na hindi lamang pangsarbeylans kundi ginagamit rin para imapa ang kalupaan ng Lobo. (Ulat mula sa Kalatas)