Winasak at sinilaban ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Quezon ang dalawang dump truck na gamit ng kumpanyang kwari sa bayan ng Unisan kaninang ala-una nang madaling araw. Pag-aari ang mga ito ni Ronald Agoncillo, kontraktor ng mga proyektong pang-imprastruktura sa Quezon. Naghahakot ang naturang mga trak ng buhangin, bato, graba at lupa na nagmumula sa mga ilog at bundok.
Ayon sa BHB-Quezon, ang aksyong pamamarusa ay isinagawa para magsilbing mariing mensahe sa mga kumpanyang sangkot sa proyektong nakasisira sa kalikasan. Isinasagawa ang gayong mga operasyon para ipagtanggol ang interes ng mamamayan. Anila, hindi nito mapahihintulutan ang mga proyektong bukambibig ay kaunlaran pero sa aktwal ay mapanira sa kalikasan.
Protektado ng 85th IB ang mga operasyon ni Agoncillo dahil regular siyang nagbabayad ng “padulas” o suhol sa mga upisyal militar, ayon sa BHB-Quezon.