Ang Bayan » Pananalasa ng 14th IB sa Southern Leyte


Iniulat kamakailan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) ang pagbigo sa isang reyd ng 14th IB na naganap noong Abril at ang ganting pasistang hakbang ng yunit militar sa sibilyang mga komunidad sa Southern Leyte.

Ayon kay Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng BHB-Leyte, napatay sa aksyong militar ng Pulang hukbo noong Abril 2 sina PFC Aries Ampoan, isang ahenteng paniktik ng 14th IB na taga-Gandara, Eastern Samar, at kasapi ng CAFGU na si Noel Montera, taga-Sityo Valibulan, Barangay Katipunan, Silago, Southern Leyte. Nakumpiska sa kanila ang dalawang kalibre .45 pistola, at tatlong selpon.

Si Montera ay sagadsagaring CAFGU na salarin sa isang insidente ng pambobomba ng 8th ID sa Javier, Leyte noong Setyembre 29, 2021. Ipinuslit niya ang isang GPS tracker sa lugar na pinagdududahang kinampuhan ng BHB sa bulubunduking bahagi sa hangganan ng Barangay Caraye at Odiong sa naturang bayan. Sa insidenteng ito, nawasak ng tatlong bombang inihulog ng FA-50 na jet fighter ang 50 puno ng niyog at bahay ng isang magsasaka. Nagdulot din ito ng troma at takot sa komunidad.

Bilang ganti, naglunsad ng operasyon ang 14th IB at sinuyod ang tatlong magkalapit na barangay. Dalawang kumpanyang lulan ng limang siksbay ang idineploy nito sa mga barangay ng bayan ng St. Bernard, Sogod at Silago, lahat sa Southern Leyte mula noong Abril 10 hanggang 15. Sa kabila ng pagbuhos ng pwersang militar, hindi nito natunton ang yunit ng BHB.

Sa desperasyon nito, nagpakalat ang militar ng kasinungalingan na pinugutan ng ulo ang mga ahenteng paniktik. Pinagbawalan nitong tumungo sa kanilang mga sakahan ang mga residente. Gayunpaman, hindi nagpasindak ang masang magsasaka dahil batid nilang walang katotohanan ang mga paninindak na ito.

Pinatindi ng militar ang pagbabanta sa mga sibilyan at pamimilit para lumahok sa mga operasyong kombat. Kabilang dito ang pagpapadala ng mga GPS tracker sa mga mangangaso at pag-utos sa kanilang iiwan ang mga ito sa mga lokasyong target ng pambobomba ng militar. Sinumang tumanggi ay nire-Red-tag at sinisindak.

Inilinaw ni Ka Dodong na labag sa mga alituntunin ng digma ang pamimilit sa mga sibilyan na lumahok sa mga operasyong militar dahil inilalagay nito sa panganib ang kanilang buhay. Panawagan niya sa mamamayan ng Southern Leyte na magkaisa upang ilantad at labanan ang mga pasistang panggigipit ng mga ahenteng militar.

Ipinabatid niya na determinado ang hukbong bayan na harapin ang mga operasyong kombat ng militar. “Patuloy na patataasin ng BHB-Leyte Island ang kakayahan nito na biguin at labanan ang nagpapatuloy na programang kontra-insurhensya ng terorista at pasistang armadong pwersa ng rehimeng US-Marcos,” aniya.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!