Ang Bayan » Makupad at baryang dagdag-sahod sa 3 rehiyon, binatikos


Binweltahan ng Kilusang Mayo Uno kahapon, Nobyembre 15, ang inilabas na kautusan ng mga regional wage board sa Bicol, Cordillera at Eastern Visayas na ₱30 kada araw na umento sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa naturang rehiyon.

Bago ang baryang dagdag, nasa ₱400 lamang ang arawang minimum sa Cordillera, ₱365 sa Bicol at ₱375 sa Eastern Visayas. Samantala, nasa ₱1,191 na ang arawang nakabubuhay na sahod sa Cordillera, ₱1,138 sa Bicol at ₱856 sa Eastern Visayas.

“Katiting, napakakupad!” ayon sa KMU. “Di man lang magkakasya sa pamasahe papunta at pauwi ng trabaho.” Binweltahan nito ang rehimeng Marcos at mga regional wage board sa paulit-ulit na pagkakait at kawalang pakialam ng mga ito sa mga manggagawa.

“Ito na ang pamaskong handog ng gubyernong Marcos Jr? Barya-barya!”

Sa taong ito, pinakamataas na baryang ₱50 dagdag-sahod na iginawad sa mga manggagawa sa National Capital Region at ilang industriya sa Calabarzon. Malayong hindi nakaaagapay ang sahod ng mga manggagawa, lalupa’t patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at singil. Noong Oktubre, nasa ₱504 lamang ang tunay na halaga ng sahod ng mga mga manggagawa sa NCR dulot ng implasyon.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!