Direktang sinisingil ng grupong Hamas ang krimen ng US at ang presidente nitong si Joseph Biden, kasama ang Zionistang Israel, sa pag-atake sa al-Shifa Medical Complex, ang pinakamalaking pagamutan sa Gaza noong Nobyembre 11.
“Ang pag-uulit ng White House at ng Pentagon sa bulaang pahayag ng mananakop (Israel) na ginagamit ang al-Shifa medical complex ng mga pwersang lumalaban para sa layuning militar ang nagbigay ng pahintulot sa mga manananakop na Israeli na isagawa ang dagdag na mga masaker sa sibilyan,” ayon sa grupo.
Isinasagawa ang mga masaker na ito para pwersahing lumayas ang mga sibilyan sa hilagang bahagi ng Gaza tungo sa katimugan nito, at kumpletuhin ang dislokasyon ng mamamayang Palestino para lubusang angkinin ang kanilang mga teritoryo, dagdag nito.
“Pinananagot namin ang mananakop at mga makabagong Nazi na mga lider nito, kasama si Pres. Biden at kanyang administrasyon, bilang lubos na responsable sa kinahinatnan ng pang-aatake ng hukbo ng mananakop sa al-Shifa Medical Complex, at sa dinanas ng mga tauhang pangkalusugan, kasama ng libu-libong mga napalayas na indibidwal, na resulta ng brutal na krimen laban sa isang pasilidad pangkalusugan na protektado sa ilalim ng Fourth Geneva Convention,” pahayag ng Hamas. “Pananagutin ang mga lider ng mga mananakop, kasama ng lahat ng mga nakipagsabwatan sa kanila sa pagpatay sa mga bata at di armadong mga sibilyan.”
Sa taya ng United Nations, mayrong 2,300 indibidwal (mga pasyente, manggagawang pangkalusugan at mga sumukob na sibilyan) sa loob ng ospital nang atakehin ito ng mga pwersang Zionista. Bago nito, ipinalaganap pareho ng US at Israel na nasa ilalim ng naturang ospital ang isang “comand center” ng Hamas nang walang ipinakitang anumang ebidensya.
“Ang pananahimik ng United Nations, at ang pagtatraydor ng maraming bansa at rehimen ay hindi makapipigil sa mamamayang Palestino para panghawakan ang kanilang lupa, ang kanilang lehitimong pambansang mga karapatan. Patuloy naming ipaglalaban ang aming mamamayan at ang kanilang mga karapatan gamit ang lahat ng aming lakas,” anito. “Pagbabayaran ng husto ng mananakop ang kanilang mga krimen at agresyon laban sa aming mga anak, kababaihan at sagradong mga lugar.”
Nagpahayag ng lubos na pakikiramay sa mamamayang Palestino, at galit sa Zionistang Israel ang rebolusyonaryong kilusang Pilipino sa pang-aatake sa naturang ospital.
“Ang atake laban sa pinakamalaking ospital sa Gaza ay isang malubhang krimen sa digma at karugtong sa mahabang listahan ng mga walang-habas na krimen na isinasagawa ng gubyernong Netanyahu,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Ipinakikita ng matitinding atakeng ito ang pagkamuhi ng Zionistang rehimeng Israeli na suportado ng US sa internasyunal na makataong batas.”
Kaisa ang rebolusyonaryong kilusang Pilipino sa mamamayang Palestino na nananatiling matatag sa kanilang kilusan laban sa Zionistang Israel at nagkakaisa sa paglaban gamit ang armas at lahat ng posibleng paraan para ipagtanggol ang kanilang mga buhay at isulong ang kanilang kalayaan, aniya.