Ika-7 taon ng pataksil na paglilibing sa diktador sa libingan ng bayani, ginunita


Nagtipon kahapon, Nobyembre 18, ang mga beterano ng pakikibakang kontra-diktadura, sa Bantayog ng mga Bayani para gunitain ang pataksil na paglilibing sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr, sa atas ng noo’y pangulong si Rodrigo Duterte, sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) noong 2016. Giit ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) at Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma), walang diktador na bayani.

Ayon kay Ka Satur Ocampo, sinisimbolo ng paglibing kay Marcos sa LNMB ang kagustuhang tanghalin ng pamilyang Marcos na bayani ang diktador. Itinuturing din itong bahagi ng kampanya ng pamilya na linisin ang maruming rekord nitong at baluktutin ang kasaysayan.

Itinanghal ng mga grupo sa programa ang isang barikada na puno ng barbed wire (alambreng tinik) na anila ay simbolo ng kalupitan ng diktador. “Sinisimbolo nito ang malinaw na paghihiwalay sa pagitan ng masa, na nakaranas ng kahirapan at kagutuman [noong panahon ng batas militar], at ng pamilyang Marcos na nagpakalulong sa ninakaw nitong yaman ng bayan,” ayon kay Bonifacio Ilagan, convener ng Carmma.

Nag-alay din ng mga bulaklak ang mga dumalo sa programa para kilalanin ang tunay na mga bayani noong batas militar—ang mga pangalang nakaukit sa Bantayog ng mga Bayani—na lumaban at nakibaka sa paghaharing militar.

Ayon kay Ilagan, bagaman ilang dekada na ang nakararaan matapos maibagsak ang diktadura, nakalukob pa rin ang kadiliman sa bansa. Nagpapatuloy at dumarami pa ang mga kaso ng panunupil at paglabag sa karapatang-tao sa mga aktibista at kritiko ng naghaharing gubyerno, aniya.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!