Inirekomenda ng isang special rapporteur (upisyal na tagapag-ulat) ng United Nations ang pagbuwag sa mapanupil na National Task Force-Elcac na tinawag nitong “nag-ooperasyon nang walang pakundangan” sa bansa. Dumating si Special Rapporteur Ian Fry sa bansa noong Nobyembre 6 para sa isang-linggong imbestigasyon at pag-usisa sa kalagayan ng pagbabago sa klima at karapatang-tao.
Sa pahayag ni Fry sa huling araw ng kanyang pagbisita, nanawagan siya ng independyenteng imbestigasyon sa operasyon ng NTF-Elcac na binuo ng estado noong 2018. Aniya, “malinaw na paggana ng Elcac labas sa orihinal na mandato nito at nangre-Red-tag sa mga indibidwal mula sa komunidad at katutubong mamamayan.” Inirekomenda niya rin ang pagbasura sa mapanupil na Anti-Terrorism Act (ATA).
Ikinabahala niya ang pagtrato ng mga pwersa ng estado sa mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang-tao sa Pilipinas. Napag-alaman ni Fry ang mga kasong ito ng pang-aabuso at panunupil ng NTF-Elcac sa pagbisita niya sa mga komunidad ng Baseco Compound sa Maynila para silipin ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay, sa Tacloban City at iba pang syudad na hinagupit ng superbagyong Yolanda, sa Iloilo para mapag-aralan ang pagpapalayas sa mga katutubo dulot ng proyektong Jalaur Mega Dam.
Nakipanayam din si Fry sa mga kinatawan ng mga organisasyong masa tulad ng mga mangingisda, tagapagtanggol ng kalikasan at iba pa.
Suportado ng grupong Kalikasan People’s Network for the Environment ang mga rekomendasyon ni Fry na anito’y “nagpapakita na maraming dapat papanagutan ang administrasyong Marcos sa harap ng sistematikong paglabag sa karapatang-tao kaugnay ng pagbabago sa klima at kalikasan,” ayon sa grupo.
Nagpapatingkad umano ito ng tungkulin ng mamamayan at organisasyong masa na patuloy na labanan ang mga mapanupil na patakarang ito at gamitin ang lahat ng plataporma para papanagutin ang rehimeng Marcos sa nililikha nitong unos sa klima at pagyurak sa mga sa karapatang-tao.
Ipinabatid naman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ang kanilang pasasalamt kay Fry sa pagbisita nito sa komunidad ng mga mangingisda sa Pilipinas. “Laging bukas ang mga komunidad ng mangingisda sa mga kagaya ni Mr. Fry na konkretong nag-iimbestiga sa aming kalagayan sa gitna ng mapaminsalang pagbabago sa klima,” pahayag ni Aries Soledad, koordineytor ng Pamalakaya-Cavite, lugar na apektado ng reklamasyon sa Manila Bay.