Mga tsuper at operator, hindi kumbinsido sa pahayag ni Guadiz na “pag-aaralan” ng LTFRB ang mga panawagan ng sektor –


“Tuloy ang welga!” turan ng mga tsuper at operator sa kabila ng “pag-aaral” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board LTFRB) sa kanilang mga panawagan.

“Wala po siyang sinagot sa layunin kung bakit tayo naglulunsad ng tatlong araw na strike. Binobola lamang tayo. Hindi po namin kailangan ng pambobola dahil by December 31 na deadline, wala nang hanapbuhay ang maliliit na drayber at operator,” ani Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno matapos ang naging dayalogo sa pagitan ni LTFRB chair Teofilo Guadiz III at ng mga tsuper at drayber sa pangunguna ni PISTON chairperson Mody Floranda.

Sa unang araw ng tigil-pasada, tumungo si Guadiz sa Puregold Qi kung saan nagtitipon ang mga tsuper at operator na bumabagtas sa rutang Cubao – Quiapo.

Ayon PISTON Cubao (PCJODA), 100% paralisado ang kanilang ruta bilang tindig at suporta sa pambansang tigil pasada na magtatagal hanggang Nobyembre 22.

Inihapag ni Floranda ang panawagan ng mga tsuper at operator hinggil sa pagbabasura ng panawagang ibasura ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), franchise consolidation, maging ang omnibus franchising guidelines. Ngunit tanging “pag-aaraan” lamang ang naging sagot dito ni Guadiz.

“Hindi na maantay ng mga kumakalam na sikmura ng mga tsuper at operator ang “pag-aaral” ng LTFRB,” ani Floranda.

Sa kabilang banda, kinilala ni Floranda ang pagiging bukas ng LTFRB para sa panawagang maibalik ang kanilang limang taong prangkisa. Subalit aanhin nila ito kung hindi na sila pahihintulutang bumiyahe bunsod ng nakaambang deadline para sa franchise consolidation.

“Ang anong saysay ng limang taon kung wala na tayong unit, wala na tayong jeep. Kaya ang sinasabi natin ay tanggalin ang deadline na December 31 at payagan tayo na makapagrenew ng ating prangkisa ngayong papasok na January 2024,” dagdag niya.

Ayon pa kay Floranda, nangako rin ang LTFRB na tatanggalin na nito ang mga penalty ng mga late na nakapag-renew o file ng kanilang prangkisa.

“Ang mga penalty ng mga renewal, yung mga refiling, wala na raw pong penalty kaya ang mga operator ay wala na pong babayaran sa LTFRB. Ngayon kapag siningil po kayo ng penalty, sabihin ninyo po sa amin at pupuntahan natin ang Office ni LTFRB chair dahil sinasabi nilang tinatanggal na nila ito,” ani Floranda.

Ayon sa PISTON, hindi matatapos ang kanilang pagkilos habang ihahapag pa sa iba’t ibang rehiyon ang naganap na pakikipagdayalogo kay Guadiz sa kabila ng tanging turan lamang dito ay pag-aaralan ng LTFRB ang panawagan ng sektor.

“Matapos man ang tatlong araw, hangga’t hindi natin nakakamit ang sinasabing tagumpay ay hindi hihinto ang masang tsuper, hindi hihinto ang mamamayang Pilipino para ipagtanggol ang serbisyo at kabuhayan ng mga drayber at operator ng mamamayan. Walang bibitaw, walang papasok sa consolidation,” ani Floranda.

Matatandaang si Guadiz ay sinuspindi sa kanyang pwesto noong Oktubre 9 matapos isiwalat ng dating LTFRB executive assistant na si Jeffrey Tumbado ang korapsyon at anomalya sa nasabing ahensya tulad ng “ruta for sale”

Sa darating na ika-22 ng Nobyembre, magmamartsa ang mga tsuper and operator kasama ang mga tagasuporta nito mula Welcome Rotonda hanggang Mendiola para itulak sa administrasyong Marcos Jr. ang paninindigan para sa kabuhayan at karapatan.

Sa kabilang banda, umabot sa 90% paralisado ang mga mayor na ruta sa National Capital Region samantalang nagkaroon naman ng 70-100% antas ng pagkaparalisa sa bahagi ng Southern Tagalog, Bicol, at Western Visayas.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!