Mga aral mula sa paglaya ni Leila de Lima – Pinoy Weekly


Bilang convenor ng Free Leila De Lima Committee noong 2018, presidente ng Movement Against Disinformation na sinuportahan si Leila de Lima dahil ginamit ang disinformation laban sa kanya, at collaborating counsel sa kanyang magaling na defense team, kaya kong tingnan ang kaso niya at isipin ang mga aral na pwede nating makuha.

Una, linawin nating maligayang araw ang Nobyembre 13, 2023. Makakauwi na si Sen. Leila sa kanyang mga mahal sa buhay. Makakabisita siya sa nanay niya sa Iriga City sa Camarines Sur. Makakausap niya ang mga kaibigan niya kung gaano katagal niya man naisin. Makakagamit siya ng cellphone at computer. Makakakain siya sa labas. Makakapag-abroad siya sa ngayon, nang may permisyon mula sa korte, pero sa hinaharap, kapag na-dismiss na ang huling kaso, hindi na niya kakailanganing magpaalam. Halimbawa, pwede siya pumunta sa Roma kasama si Fr. Albert Alejo at sasalubungin siya ng malaking komunidad ng mga Bikolanong migrante doon.

Pangalawa, habang mabuting araw ito para sa hudikatura, huwag rin nating kalimutan na ikinulong nila nang halos pitong taon ang isang inosenteng babae—para lang ma-dismiss ang mga kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya. Political persecution ang nangyari, huwag na nating itanggi. Noong una pa lang, ibinasura na dapat ng Department of Justice, ng mga prosecutor at ng mga korte, maski ng Korte Suprema, ang mga kaso. Mayroon nang mga kasong kagaya nito noon—Brocka vs. Enrile—na ibinasura rin dahil mapaghiganti, biased at politikal.

Pangatlo, hindi lamang si Sen. Leila ang biktima ng ‘di makatarungang hudikatura at ng political persecution. Dose-dosena kundi daan-daan ang inaresto at ikinulong dahil sa itinanim o kulang na ebidensya. Mga Lumad na guro at mag-aaral, mga aktibista mula sa Cordillera, environmental at human rights defenders, at iba na kailangan harapin ang paggamit ng batas laban sa kanila—mula sa Anti Terror Law hanggang sa Public Assembly Act. Dapat itong tuldukan. Si Sen. Leila ang pinakasikat na bilanggong politikal, pero marami pang ibang gaya niya.

Pang-apat, marami tayong magaling na trial judge. Si Judge Abraham Joseph Alcantara na pinawalang-sala si Sen. Leila sa naunang kaso at si Judge Gener Gito na hinayaan siyang makapagpiyansa. Dapat nating hikayatin ang magagaling at may paninindigan na hukom. Naging estudyante ko ang karamihan sa kanila, o katrabaho gaya ni Judge Gito sa University of Makati School of Law. Ngunit structural ang mga problemang kaakibat ng political prosecution. Dapat nating ayusin ito. Naniniwala ako sa kakayahan ng kasalukuyang Korte Suprema na bukas sa reporma na pinamumunuan ni Justice Alexander Gesmundo.

Panglima, halimbawa si Sen. Leila kung paano pinapalala ng social media ang disinformation. Naging target na rin ang ibang journalist, guro at aktibista. Tumitindig ang Movement Against Disinformation kasama nila upang labanan ang mga influencer at red-tagger sa social media. Sana ay tugunan ng korte at ng iba pang institusyon ang problemang ito.

Pang-anim, marapat na pinasalamatan ni Sen. Leila ang administrasyon ni Marcos Jr. na hindi nakialam sa proseso ng hudikatura gaya ng nakaraang administrasyon. Sigurado namang hindi nakiusap ang senador sa kasalukuyang administrasyon; gusto niya lang ng katarungan. Ngunit sa bansa natin, malaking bagay na hindi pinakialaman ng ehekutibong sangay ang hudikatura. Marami nang winasak na puso ang kasong ito at ang hudikatura, ngunit hindi ito ang nangyari noong Lunes.

Pampito, pupurihin at papalakpakan si Marcos Jr. para sa desisyong ito sa Asia-Pacific Economic Cooperation summit at sa iba pang pagpupulong kasama ang ibang mga pinuno. Nawa’y mapagtanto niyang maganda para sa kanyang imahen ang pagsuporta sa karapatang pantao—at syempre, mabuti para sa bansa. Sana’y ipaglaban niya ang karapatang pantao sa kanyang administrasyon. Huwag sana siyang makuntento na mas mabuti siya kay Duterte; at pagbutihan pa sana niya kung ikukumpara kay PNoy at Arroyo.

Pangwalo, maging mas mapagmatyag tayo pagdating sa karapatang pantao, sa batas at sa sistema ng hustisya sa bansa. Hindi lang dapat ang sariling mga karapatan ang ating ipaglaban kundi ang sa lahat. Sa kaso ni Sen. Leila, mayroong malawakang alyansa na tumindig kasama niya. Gawin natin ito para sa lahat ng bilanggong politikal—bigyan natin sila ng suporta—maski anong politikal na ugnayan nila.

Pangsiyam, sa panahon na nakilala ko si Sen. Leila—mula noong nasa Commission on Human Rights pa siya hanggang sa maging Secretary of Justice siya at senador hanggang sa mga taon na ibinilanggo siya—nakita ko siyang maging mas marunong, mas malakas sa kabila ng paghihirap, at mas marahan at mabuti sa kabila ng mga hamon.

Pangsampu, huwag bumitaw sa pananampalataya. Hindi tayo iiwan ng Diyos. Hindi nawalan ng pananampalataya si Sen. Leila. Palaging huling kataga ang pag-asa.

#SanaAllTuladniLeila



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!