Itinutulak ng imperyalistang institusyong Asian Development Bank (ADB) na mangutang ang Pilipinas nang hanggang ₱20 bilyon (₱1.1 trilyon sa palitang ₱55=$1) sa susunod na limang taon para sa mga mapangwasak at anti-mamamayang proyektong pang-imprastruktura ng rehimeng Marcos. Ipipinal ng ADB ang mga proyektong popondohan nito sa 2024, oras na mabuo ang 5-taong “country partnership strategy” nito sa bansa.
Ayon sa institusyon, 70% nito ay mapupunta sa “malalaking proyekto” habang ang 30% ay pansuporta. Kung matutuloy, madadagdagan nang $3.5 bilyon hanggang $4 bilyon ang utang ng Pilipinas sa ADB. Lalo nitong ibabaon ang bansa sa pagkakautang.
Ang ADB ay isang bangkong itinatag ng Japan para magamit ang sobrang kapital nito. Ipinauutang nito ang kapital sa mga bansang tulad ng Pilipinas para mabili ng mga ito ang sarplas na kalakal ng bansa.
Itinatambak nito ang naturang kapital sa mga atrasadong bansa sa anyo ng pautang, ayuda at “official development assistance” o ODA para sa mga proyektong mag-aangkat ng mga kagamitan at sangkap mula sa Japan. Sa kabuuan, nakapagbuhos na ito ng $29.9 bilyon (₱1.65 trilyon) sa Pilipinas sa anyo ng 621 pautang, grant at techincal assistance.
Noong Oktubre, inianunsyo ng rehimeng Marcos na balak nitong mangutang ng $6.534 bilyon mula sa ADB para sa 15 proyektong imprastruktura. Pinakamalalaki sa mga utang na ito ang $2.108-bilyong pondo para sa Bataan-Cavite Interlink Bridge Project at $2-bilyong pondo para sa Laguna Lakeshore Road Network Project.
Uutangin din ng rehimen ang pondo para sa mga proyektong Manila Metro Rail Transit Line 4 Project na nagkakahalaga ng $1 bilyon, Sustainable Tourism Development Project sa El Nido, Palawan na nagkakahalaga ng $600 milyon at Mindanao Agro-Enterprise Development Project na nagkakahalaga ng $100 milyon.
Anti-mamamayan at mapangwasak na proyekto
Ang dalawang pinakamalalaking proyekto ay may masasaklaw na masamang epekto sa mga komunidad at kapaligiran, batay mismo sa mga pag-aaral na isinagawa ng ADB.
Malawak ang pinsala na idudulot ng Bataan-Cavite Interlink Bridge Project (BCIBP) sa ekosistema ng Manila Bay at ng Laguna Lakeshore Road Network Project (LLRNP) sa Laguna de Bay. Sa inisyal na pag-aaral, 149 mga pamilya sa Naic at Mariveles ang mapalalayas sa kanilang mga bahay, lupa at kabuhayan.
Sa proyektong ito, planong magtayo ng 32-kilometrong tulay sa Manila Bay para pagdugtungin ang Cavite mula Barangay Timalan Concepcion, Naic tungong Barangay Alas-asin sa Mariveles, Bataan. Nakatakdang simulan ang proyekto sa 2024 at matatapos sa 2028. Malaking bahagi o 80% ng tulay ay ilalatag sa ibabaw ng Manila Bay. May bahagi itong tatagos sa Corregidor Island.
Sinasabing “magpapagaan” sa trapiko sa Metro Manila ang tulay at magpapaiksi sa byaheng Cavite-Bataan mula ilang oras tungong 40 minuto. Ang proyekto ay unang inihapag sa Pilipinas ng dalawang Japanese na kumpanya sa konstruksyon noong dekada 2000. Muli itong binuhay noong 2017 nang gumawa ng pag-aaral ang China State Construction Engineering Corporation (CSCEC). Noong nakaraang buwan, ipinawalambisa ng rehimeng Marcos ang mga kasunduan sa utang sa China, at ibinalik ang kontrata sa Japan.
Alinsunod sa “enviromental impact assessment” na isinagawa mismo ng ADB, tatamaan nito ang mga bahagi ng Manila Bay na itinuturing na “critical habitat” ng iba’t ibang uri ng ibon, corals, seagrass, bakawan, mudflats at iba pang lamang-dagat. Kabilang sa mga tatamaan ang Manila Bay Key Biodiversity Area (KBA), Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area, Mariveles Mountains KBA at ang hilagang bahagi ng Mt. Palay-Palay Mataas na Gulod Protected Landscape.
Tatamaan din ng proyekto ang natitirang coral reefs sa paligid ng Corregidor Island. Kahit hindi direktang tatamaan ang mga protektadong erya, magdudulot pa rin ng pinsala ang konstruksyon at operasyon ng naturang tulay sa kalidad ng tubig at iba pang bahagi ng mga susing habitat na ito.
Noong 2020, inisyal nang ibinigay sa dayuhang mga kumpanya ang kapaki-pakinabang na mga kontrata ng kaugnay na proyekto. Ang kontrata para sa consultancy ay iginawad sa T.Y. Lin International, isang kumpanyang nakabase sa US; Pyunghwa Engineering Consultants ng South Korea; Renardet, isang kumpanyang Swiss; at sa DCCD Engineering Corporation ng Pilipinas. Iginawad naman ang kontrata sa pagdidisenyo sa Ove Arup & Partners ng Hong Kong at Maritime Academy of Asia and the Pacific.
Ayon sa Department of Public Works and Highways, nasa 90% nang nakumpleto ang disenyo ng BCIBP.
Samantala, ang LLRNP ay maglalatag ng 37.4 kilometrong expressway o malawak na kalsada sa embankment (malapit sa baybay) ng Laguna Lake. Magsisimula ang daan sa Lower Bicutan, Taguig City at magtatapos sa Calamba, Laguna. Magkakaroon ito ng walong “interchange” at mga “access road” na dudugtong sa mga kalsada sa kanugnog na mga syudad.
Ilan sa masasamang epekto nito ay ang pinsala sa tubig, mga hayop at halaman sa lawa na idudulot ng dredging, pagkawasak ng mga kritikal na habitat at madalas ng pagbaha laluna sa panahon ng malalakas na pag-ulan. Malaking bilang ng mga residente ang mapapalayas sa kanilang mga tirahan hindi lamang sa baybay ng lawa, kundi pati sa mga komunidad kung saan ilalatag ang mga “access road” na magdudugtong sa LLRNP sa mga kalapit nitong kalsada.
Mula’t sapul, mariin nang tinutulan ng mga mangingisda ng Lawa ng Laguna at mga residente sa Taguig at Muntinlupa ang proyektong ito. Noong 2015, itinatag ng mga mangingisda at mga grupo mula sa iba’t ibang sektor na nanirahan sa mga komunidad na tatamaan ng proyekto ang “Save Laguna Lake Movement.”
Ang tawag pa noon sa proyekto ay Laguna Lakeshore Expressway Dike Project at nakapailalim sa programang Private-Public Partnership ng rehimeng Aquino. Dahil sa kabi-kabilang pagkundena rito, laluna sa planong reklamasyon ng 700 ektarya sa look para itayo ang dike, inatras ang bahaging ito at itinira ang kalsada (expressway). Sa mga bayan ng Laguna na Santa Cruz, Santa Maria, Mabitac at San Pedro pa lamang, tinatayang aabot na sa 400,000 ang mapapalayas dahil sa proyekto.
Ayon sa mga mangingisda at residente, papatayin ng proyekto ang kanilang kabuhayan at maging ang likas na yaman ng lawa. Anila, ang tanging makikinabang dito ay mga kumpanya at negosyanteng may interes sa real estate, gayundin ang mga pamilya at indibidwal na may sariling sasakyan. Patitindihin ng expressway ang pagbaha sa Taguig at Muntinlupa, na dati nang lumulubog sa baha kapag malakas ang pag-ulan. Noon pa man, nagaganap na ang mga demolisyon sa mga bahay ng mga mangingisda para bigyan daan ang konstruksyon.