Walang pakundangan at walang pagkukubli ang 803rd IBde sa paghahasik ng terorismo sa mga barangay ng Northern Samar na ibayo nitong pinatindi noong Oktubre, panahon ng eleksyong Barangay-Sangguniang Kabataan. Sa ulat ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar (Rodante Urtal Command), kabi-kabila ang mga kaso ng panganganyon at pagkakampo ng mga yunit ng 803rd Infantry Brigade-Philippine Army sa mga sentrong barangay sa Northern Samar.
Taliwas na taliwas ang mga insidenteng ito sa pahayag ng Commission on Elections (Comelec) at ng AFP-PNP na “payapang halalan” ang naganap. Nagmistulang aktibidad ng militar ang eleksyong sana’y sibilyang aktibidad ng reaksyunaryong gubyerno.
Sa panahong ito, aabot sa 21 bala ng 105mm howitser at 14 na bala ng mortar ang pinakawalan ng mga yunit ng 803rd IBde patungo sa mga baryong sakop ng mga bayan ng Silvino Lobos at Las Navas. Isinagawa ang mga panganganyon sa loob ng apat na gabi bago at pagkatapos ng eleksyon.
Noong Oktubre 24, alas-9 ng gabi, pitong bala ng 105mm howitser na nakapusisyon sa Barangay Geguinta, Las Navas, ang pinakawalan patungo sa mga sakahang sakop ng Geparayan de Turag at Senonogan de Tubang sa Silvino Lobos.
Pagkaraan ng dalawang gabi, sa mga magkakanugnog na barangay naman ng Victory, Avelino, Cuenco, Caputoan, Poponton, at Paco pinakawalan ang tatlo hanggang apat na bala ng kanyon bandang alas-11 ng gabi. Kasabay nito, 10 bala din ng mortar ang pinakawalan dito gamit ang mortar na nakapusisyon sa Poponton.
Pagsapit ng Oktubre 27, muling tinamaan ang hangganan ng mga baryong ito ng 5 bala ng kanyong nakapusisyon sa Geguinta bandang alas-8 ng gabi. Kasabay ding pinaputok ang mortar sa Poponton hanggang alas-11 ng gabi.
Sa araw ding ito, sinimulan nang kampuhan ng mga sundalo ang mga baryo sa Las Navas na kanilang kinanyon. Nanatili sila rito hanggang Oktubre 31, bukod sa Poponton na permanenteng may kampo militar. Kinampuhan din ng mga sundalo ang Barangay Lakandula, Las Navas mula Oktubre 27. Hanggang matapos ang eleksyon ay hindi na ito nilisan ng mga sundalo.
Muling nagpaputok ng limang bala ng howitser at apat na bala ng mortar patungo sa hangganan ng Poponton, Avelino, Cuenco at Victory noong Oktubre 31 bandang alas-9 ng gabi.
Sa Silvino Lobos, kinampuhan din ng mga sundalo ang mga baryo ng Geparayan de Turag, Senonogan de Tubang, at Deit de Turag hanggang sa matapos ang eleksyon. Sa kalapit na bayan ng Matuguinao, Western Samar permanenteng kinakampuhan ang Barangay Carolina.
Ayon kay Ka Amado Pesante, tagapagsalita ng BHB-Northern Samar, patunay ito ng pangingibabaw ng paghaharing militar ng 803rd Brigade sa kanayunan ng Northern Samar. “Walang kahihiyan nitong kinukubabawan kahit ang sariling sibilyang gubyerno,” ani Ka Amado.
Giit niya, ang mga kasong ito ay maliit lamang na bahagi ng kabuuang bilang ng mga kaso ng pagpatay, panununog, at iba pang karahasang nangyari sa iba pang bahagi ng bansa noong nakaraang eleksyon. Sa upisyal na tala ng Comelec, tanging 32 insidente lamang ng karahasang may kaugnayan sa eleksyon ang nairekord nito. Sa mga kasong ito, 19 ang pinatay habang 19 ang nasugatan. Sa ulat ng ahensya, wala pang 200 ang kaso ng pagbili ng boto. Lubhang malalayo ang bilang na ito sa katotohanan.
“Kung ito ang konsepto ng ‘payapang halalan’ ng 803rd IBde, tunay ngang basura ang burgis na eleksyon at huwad ang demokrasya sa ilalim ng rehimeng Marcos,” ayon pa kay Ka Amado.
“Labis ang pagsisikap ng 803rd IBde sa ilalim ni Col. Efren Morados na tiyakin ang kanilang mga ahente ang mailuluklok bilang upisyal sa barangay. Dahil ito ang magsisilbi nilang mga alipures para ipagpatuloy ang paghahamlet sa mga baryo, pagsaywar, pagpapasurender at marahas na panunupil sa masang magsasaka,” dagdag niya.
Panawagan niya, dapat magkaisa ang mga magsasaka upang igiit ang kanilang mga karapatan laban sa pasistang militar. “Dapat nilang pagbayarin at palayasin ang mga pesteng nanggugulo sa kanilang baryo at ipaglaban ang kanilang buhay at hanapbuhay,” dagdag ni Ka Amado.
“Higit pa, dapat silang lumahok sa digmang bayan, isulong ang armadong pakikibaka at tapusin na ang pang-aapi at pandudusta sa kanila ng naghaharing rehimeng Marcos sa pamamagitan ng 803rd IBde,” pagtatapos niya. (Ulat ng Larab)