Nakikiisa ang buong Revolutionary Council of Trade Unions-National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (RCTU-NDF-ST) sa pagdadalamhati ng kanyang pamilya, mga kaibigan, mga kasama, mga rebolusyonaryong pwersa at inaaping masa sa rehiyon sa pagpanaw ng ating mahusay na pinuno at proletaryong lider sa Rehiyon na si Ka Sandy.
Sa gitna ng ating pagdadalamhati ay iginagawad ng RCTU-NDF-ST ang pinakamataas na pagpupugay at pasasalamat kay Ka Sandy, sa kanyang walang kapagurang paglilingkod sa interes ng masang inaapi, sa rebolusyon, at sa kanyang mahusay na pamumuno sa Partido.
Si Ka Sandy ay kagawad ng Komite Sentral ng Partido at pangalawang ikalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon sa Timog Katagalugan. Siya ay namayapa noong ika-10 ng Nobyembre matapos ang halos isang linggong pakikipaglaban sa kanyang karamdaman.
Sa kanyang pagpanaw, nawalan tayo ng mahusay na pinuno, organisador taktisyan ng kilusang masa, at higit sa lahat, nawalan ang Partido at rebolusyon ng isang mahusay na proletaryong lider at isang dedikadong kadre at mapagmahal na kasama na ibinigay ang kanyang walang kapalit na pagmamahal sa adhikain ng masa at rebolusyon. Hindi lang ang kanyang mga mahal na anak ang nawalan ng nanay, inulila din niya ang mga bagong sibol na kadreng kanyang pinanday sa mahirap na pakikibaka na nagturing sa kanya bilang isang mahusay na guro at mapagkalingang nanay sa loob ng kilusan.
Sa loob ng kanyang halos apat na dekadang pagkilos, sa kanayunan man at sa kalunsuran, mahusay niyang ginampanan ang mga tungkulin at responsibilidad na iniatang sa kanya ng Partido. Ang kanyang mapangahas na pag-ako at mahusay na paggampan ng anumang gawain iniatang sa kanya ay nagbunga ng malalaking ambag na tagumpay sa Partido at rebolusyon at nag-ambag sa kabang-yaman ng karanasan sa rebolusyunaryong kilusan at Partido sa rehiyon.
Malaki ang ginampanang papel ni ka Sandy sa pag-oorganisa at pamumuno sa kilusang masa sa TK sa panahon nang noo’y sugarol, lasenggero at korap na Rehimeng Estrada. Pinangunahan at idinirehe niya ang malakas na pagkilos ng manggagawa, magsasaka, maralitang lunsod, mga katutubo, mga estudyante at panggitnang pwersa na nagsama-sama sa malawak at malakas na pagkilos sa mga lansangan sa rehiyon hanggang sa kamaynilaan, na malakas na nag-ambag sa maagang pagpapatalsik kay Estrada sa poder ng kapangyarihan.
Higit na namukadkad ang kanyang galing at pagiging mahusay na pinuno, madiskarteng taktisyan ng kilusang masa, at tagapagsanay ng mga bagong lider at kadre ng Partido ng pangunahan niya ang buhay at kamatayang pakikibaka ng rebolusyonaryong kilusang masa sa TK sa paglaban sa inihasik na puting lagim ng teroristang rehimen ni Arroyo. Matapang na hinarap, inilantad ng kilusang masa sa rehiyon sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng pagkilos hindi lamang sa rehiyon kundi maging sa punong kabisera ng bansa ang bawat paglabag sa karapatang tao ng mga alagang berdugo ni Arroyo gaya nina Heneral Orbon at Palparan saan man panig ng rehiyon. Ang bawat paglabag sa karapatan pantao ay malikhain niyang naisasalin sa pampulitikang pakikibaka na pumupukaw at nakakapagpakilos sa libu-libong masa. Sa panahon ni BS Aquino, pinamunuan niya ang pag-oorganisa sa mga pakikibaka at kampanyang masa laban sa Oplan Bayanihan na naglantad sa interbensyong militar, pagkawasak ng kalikasan, ilegal mining at pagkawala ng kabuhayan. Hanggang sa panahon ng rehimeng Duterte, pinangunahan niya ang paglaban sa EO 70, NTF ELCAC at ATL na ipinagpapatuloy ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte hanggang sa bago siya pumanaw.
Sa buong panahon ng kanyang pamumuno sa kilusang lungsod mula dekada 2000 hanggang sa kanyang pagpanaw, saksi ang buong rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa rehiyon sa kanyang mahusay na pamumuno, sa kanyang lapat sa lupang paggabay lalo na sa mga bagong kadreng sinasanay, at mahusay na paggiya para kalasin ang bara, lutasin ang gusot at patatagin ang pagkakaisa ng mga kasama.
Isa siyang tunay na komunista na ipinauna ang kapakanan ng iba kaysa kanyang sarili, maalalahanin siya sa mga kasamang may karamdaman, sa mga kasamang nahaharap sa problema at palaging nakahandang abutin ng kanyang mahabang kamay maging sa labas ng yunit na kanyang direktang pinangangasiwaan.
Kahit nakaratay sa karamdaman si Ka Sandy, masidhi ang kanyang hangarin na gapiin ang karamdaman upang pahabain pa ang kanyang buhay, patuloy na tupdin ang rebolusyonaryong tungkulin sa Partido at sa sambayanang Pilipino. Iginupo man ng karamdaman ang kanyang pisikal na katawan ngunit hindi nagupo ang kanyang dalisay na adhikain ipagtagumpay ang rebolusyon upang palayain ang sambayanan sa kaapihan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Namayapa siya na malaki ang tiwalang ipagpapatuloy ng mga kadreng kanyang hinubog ang dakilang misyon na kanyang nasimulan sa Partido.
Siya ay dedikado, metikulosa, malikhain at determinado sa pagtupad ng mga tungkulin, mahusay na edukador at propagandista. Mahigpit niyang isinabuhay ang linya at patakaran ng Partido sa gabay ng Marxismo, Leninismo at Maoismo. Taglay niya ang katangian ng isang mahusay na proletaryong lider at kadre ng Partido, mabuting ina ng bayan at mapagmahal na kasama.
Inspirasyon siya sa kanyang mga pinamumunuan at mga kasama lalo na sa mga kabataan at kababaihang manggagawa. Hindi niya ipinagkait sa sambayanan ang panahon ng kanyang kabataan. Hindi rin naging hadlang para sa inang katulad niya ang pagsabayin ang pagpapamilya at pagrerebolusyon.
Nawala man sa atin ang kanyang katawang lupa, subalit hindi magmamaliw ang kanyang iniwang mga aral, inspirasyon at mga ipinakitang halimbawa ng isang rebolusyonaryong ina, mapagmahal na kasama, mahusay na proletaryong lider at pinuno ng Partido sa rehiyon. Habang buhay natin kikilalanin at isasabuhay ang dakilang ambag ni Ka Sandy. Dakila ang buhay mo, Ka Sandy, na dapat tularan at dakilain!
Mabuhay ang dakilang alaala ni Ka Sandy!
Ibaling ang pamimighati sa rebolusyonaryong katapangan sa ibayong pagsulong at pag-ako ng mabibigat na tungkulin!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang rebolusyon at sambayanang Pilipino!