Dalawang armadong opensiba ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr Command) laban sa tropa ng 82nd IB noong Nobyembre 21 at Nobyembre 12. Ayon sa yunit, ang serye ng armadong aksyon ay tugon sa malaon nang panawagan ng masang magsasaka para sa hustisya para sa mga biktima ng mga krimen at paglapastangan sa karapatang-tao ng 82nd IB.
Noong Nobyembre 12, inilunsad ng BHB-Central Panay ang pag-atake sa isang yunit ng 82nd IB sa hangganan ng Barangay Atimonan at Barasalon sa Janiuay. Pinatamaan naman ng BHB ang yunit ng 82nd IB na nag-ooperasyon sa Sityo Matagsim, Barangay Aglobong, Janiuay, Iloilo noong Nobyembre 21, bandang alas-2 ng hapon.
Mga sibilyan ang ginantihan ng 82nd IB nang walang patumanggang pagbababarilin nito ang tatlong bahay sa lugar Nobyembre 21. Isang residente ang nasugatan sa naturang pamamaril.
Pinasinungalingan naman ng BHB-Central Panay ang ipinakakalat ng 82nd IB na dalawang mandirigma ng BHB ang napatay sa naturang mga sagupaan. “Walang kaswalti at ligtas na nakamaniobra ang mga kasama,” pahayag ni Ka Sierra Roja, media liaison officer ng BHB-Central Panay.
Kasinungalingan din umano ang pahayag ng militar na “kinatatakutan at iniulat ng masa ang presensya ng BHB” na nagresulta sa engkwentro. Giit niya, ang katotohanan ay ang mga berdugo ng 82nd IB ang naghahasik ng lagim at takot sa payapang mga komunidad.
Naitatala umano sa panahon ng mga operasyong kombat ng militar ang mga kaso ng panggigipit, intimidasyon, interogasyon, sapilitang “pagpapasurender” sa mga sibilyan at pagkontrol sa pagkilos at kabuhayan ng mga residente sa Central Panay.
Kasalukuyang nakahimpil ang 82nd IB sa Sityo Asinan, Barangay Jibolo, Janiuay at pinamumunuan ni Lieutenant Colonel Clifford S. Catubigan.