Ang Bayan » 21-gun salute para sa mga martir ng Eastern Visayas, inilunsad


Isinagawa ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Eastern Visayas kahapon ang tahimik na 21-gun salute bilang pagpaparangal sa Imelda 6 o anim na kasamang namartir sa teroristang pambobomba ng 8th ID sa Barangay Imelda, Las Navas, Northern Samar noong Nobyembre 23, 2022. Ipinanawagan ang gun-salute ng National Democratic Front-Eastern Visayas para pagtibayin ang panatang isulong ang digmang bayan sa ngalan ng mga martir ng rehiyon.

Pinagpugayan nila sina Ka Helenita Pardalis (Ka Elay), Ka Gil Giray (Ka Biboy), Ka “Mamoy” Sablan, “Ka Mela,” “Ka Mike” at “Ka Joshua.” Napatay sila sa 50 beses na pambobomba ng militar sa kalapit na komunidad mula 1:30 ng madaling araw hanggang 5:30 ng umaga.

Si Ka Elay ang kalihim noon ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Eastern Viasayas, habang si Ka Biboy ang kumander ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng BHB-Eastern Visayas (Efren Martires Command). Sa harap ng walang humpay na malakihang atake ng kaaway, pinamunuan nila ang Partido at BHB sa Eastern Visayas na maglunsad ng malaganap at maigting na pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa.

Sa pahayag ng NDF-Eastern Visayas, marapat din umanong parangalan at saluduhan ang mga martir ng Dolores 22, Catbalogan 10 at Bobon 7, lahat ng biktima ng teroristang pamboboma ng 8th ID, at lahat ng martir ng rebolusyong Pilipino.

“Nararapat mag-alay ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa ng mga mensahe ng parangal at pag-alala, at kultural na pagtatanghal. Maaari itong magsilbing mga panimulang aktibidad kaugnay ng ating pagdiriwang sa ika-55 na anibersaryo ng Partido sa darating na Disyembre 26,” ayon pa sa NDF-Eastern Visayas.

Iniulat rin ng NDF-Eastern Visayas ang pagbubuo ng isang koleksyon ng mga mensahe ng parangal, tula at mga obrang sining bilang alay sa Imelda 6.

Kinundena ng grupo ang pasistang terorismo ng 8th ID at ng AFP at ang patakaran nito ng walang patumanggang pambobomba sa kanayunan, sa mga gubat, bukid, ilog at iba pang lugar ng paghahanapbuhay ng mga magsasaka.

“Ilang bomba man ang ihulog ng pasistang estado, hinding-hindi nito mabubura sa alaala ng Partido, hukbo at masa ang minamahal nating mga kasama. Lalo lang tumitibay ang kapasyahan ng mga naiwan na ipagpatuloy ang makatarungang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya,” determinadong pahayag ng NDF-Eastern Visayas.

Sa araw ding iyon, pinagtibay ng buong rebolusyonaryong kilusan ang determinasyong biguin ang digmang panunupil ng rehimeng US-Marcos at isulong ang digmang bayan. Dagdag ng NDF-EV, “Ito ang pinakamataas na porma ng pagbibigay-pugay sa ating mga martir at ng lubos na pagsisilbi sa mamamayan.”



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!