Walang dumating na baboy at kalabaw na ipinangako ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng National Task Force-Elcac sa mga magsasaka at katutubong minorya sa mga barangay ng Abra. Ayon sa mga residente, ni biik wala silang natanggap. Ang mga pangakong ito ay bahagi ng “suportang agrikultural” na may pondo mula sa Support to Barangay Development Program (SBDP) ng NTF-Elcac.
Bwelta ng mga residente, nasayang lamang ang kanilang ginastos sa ginawa na nilang mga kulungan para sa ipinangakong aalagaang hayop. Sa halip na kalabaw, kakaunting pananim lamang ang ibinigay. Sa halip na baboy, tig-aapat na sisiw naman kada residente ang ipinalit.
Pinagmukhang tanga ang mga tao nang namigay ang AFP ng feeds (pagkain) ng baboy pero walang namang ibinigay na aalagaang biik. Namahagi rin ang NTF-Elcac ng feeds para sa isda ngunit wala namang ibinigay na pararamihing fingerlings at wala ring mga fishpond sa lugar.
Sa prubinsya ng Abra, mayroong 28 barangay ang ipinailalim ng NTF-Elcac sa proyektong SBDP simula 2021. Nilaanan ito ng tumataginting na ₱236.7 milyon. Sa kabila nito, hindi nakikita ng mga barangay ang tinaguriang proyektong pangkabuhayan at pangkaunlaran na pinondohan ng mga ito.
Ayon sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Abra, “Batid ng mamamayan ng prubinsya na ang BDP ay naging gatasan ng mga upisyal ng AFP. Ibinulsa nila ang bilyun-bilyong pondo nito at walang benepisyong naiaabot sa mga barangay.”