PRWC » Pagbabalik ng usapang pangkapayapaan, suportado ng masang Sorsoganon


Malugod na sinusuportahan ng buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ng Sorsogon ang pinirmahang Oslo Joint Statement na nagsasaad ng hangarin na muling isagawa ang usapang pangkapayaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines at Government of the Republic of the Philippines. Ang pirmahan ng dalawang panig na naganap sa Oslo, Norway nitong Nobyembre 23, bagamat isang napakaliit na hakbang, ay maaring humantong sa mas malaking igpaw tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan na siyang inaasam ng malawak na sambayanang Pilipino.

Tulad ng nabanggit ni Ka Marco Valbuena, chief information officer ng Partido Komunista ng Pilipinas “Mayroong usapang pangkapayapaan dahil mayroong gera. Ang NDFP at GRP ay kumakatawan sa dalawang panig (co-belligerent) ng digmang sibil sa Pilipinas. Sila ay magkalaban at kumakatawan sa lubos na magkatunggaling interes at layunin, ngunit nagtagpo sa negosasyon sa ilalim ng deklaradong layunin na pagkakamit sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.” Sa ganitong diwa, ang tunay na lugar ng usapang pangkapayapaan ay sa pormal na usapan at hindi ang nilalakong “local peace talks” ng AFP at NTF-ELCAC na walang iba kundi ang pwersahang pagpapasurender sa mga sibilyan.

Bagamat umaasa ang rebolusyonaryong kilusan at ang sambayanan sa muling pag-usad ng usapang pangkapayapaan, nanatili rin kaming mapagmatyag lalo na’t may kasaysayan ng lantarang mga paglabag sa mga napagkasunduan at tuloy-tuloy na paglabag sa karapatang-tao ang reaksyunaryong estado gamit ang kanilang mga galamay na AFP at PNP sa kabila ng mga napagkaisahang tigil-putukan nuong nakaraang mga taon.

Marapat rin, na sa inisyal at pinakaimportante, na palayain muna ng rehimeng US-Marcos ang lahat ng mga bilanggong pulitikal na NDFP peace consultants na kalahok sa usapang pangkapayapaan at igarantiya ang kanilang kaligtasan upang tunay na umusad ang mga pormal na usapan. Maliban rito, mainam na mapalaya rin ang mahigit 800 bilanggong pulitikal at hindi ang pag-aalok ng huwad at pakitang tao na “amnestiya” kuno para sa mga rebolusyonaryo. Ang minatamis na lason na ito ay isang porma lamang ng panlilinlang tulad ng paglalako ng reaksyunaryong estado sa maanomalyang programang E-CLIP at hindi tunay na makalulutas sa ugat ng tunggalian at digmaan sa Pilipinas.

Tulad sa ibang mga probinsya sa Pilipinas, biktima rin ng iligal na pag-aresto at gawa gawang kaso ang mga inosenteng sibilyan sa Sorsogon. Sa kasalukuyan ay nasa 8 ang mga bilanggong pulitikal sa probinsya.

Dapat sumunod ang reaksyunaryong estado sa mga batas hinggil sa pagprotekta sa mga sibilyan at pagtiyak ng kanilang kaligtasan at pag-atras ng militar sa okupado nitong mga baryo sa ngalan ng RCSP. Iligal at lantarang paglabag sa karapatang-tao ang sumusunod: paulit ulit na “pag-iimbestiga” sa mga sibilyan, panghaharas, “pagpapasumpa”, pag-abala sa kanilang paghahanapbuhay at pamimilit ng AFP na magkampo at magtayo ng detatsment sa mga matataong lugar at paggamit sa mga daycare center, kapilya, baranggay hall at evacuation center bilang kanilang detatsment tulad ng ginagawa sa kasalukuyan ng 22nd IBPA sa Barangay Beguin, Brgy. Padre Diaz, Brgy. Calpi, Brgy. Cadandanan sa bayan ng Bulan; Brgy. Maalo at Brgy. Calmayon sa bayan ng Juban; Brgy. Bagacay sa bayan ng Barcelona; at sa Brgy. Bato ng Bacon district.

Tanging sa paglutas sa ugat ng tunggalian at digmaan tulad ng kahirapan, kawalan ng hustisyang panlipunan, kawalan ng lupa at kabuhayan at iba pa, makakamit ang tunay, makatwiran at pangmatagalan na kapayapaan sa Pilipinas.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!