Ang Bayan » Pagpapatuloy ng 2 reklamasyon sa Pasay City, binatikos


Binatikos ng grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at grupong pangkalikasan na Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) ang pagpapahintulot ni Marcos Jr na ipagpatuloy ang operasyon ng dalawang proyektong reklamasyon sa Manila Bay sa kabila ng pangako niyang “suspensyon” sa mga ito. Inianunsyo ng lokal na gubyerno ng Pasay City ang pagpapatuloy ng reklamasyon ng 265-ektaryang Pasay Eco-City Coastal Development (Pasay 265) at 360-ektaryang SM Smart City Infrastructure and Development Corp (Pasay 360) noong Nobyembre 27.

“Binaligtad ni Marcos Jr ang kanyang sariling atas na suspensyon sa pagpapahintulot sa dalawang proyektong reklamasyon sa Manila Bay na makapagpatuloy. Bakit biglang atras [si Marcos] sa kanyang sinabing suspensyon?” tanong ni Ka Fernando Hicap, pambansang pangulo ng Pamalakaya.

Ayon sa lokal na gubyerno ng Pasay City, matapos ang tatlong buwang pagpapatigil sa proyekto, pinahintulutan na itong makapagpatuloy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ni Marcos Jr dahil sa “pagtalima” nito sa mga kundisyon.

Giit ni Jon Bonifacio, pambansang koordineytor ng Kalikasan PNE, patunay ang mabilis at biglaang pag-atras ni Marcos sa kanyang atas na suspensyon na hindi siya sinsero sa pagprotekta sa kalikasan. “Ang pagpapahintulot sa kahit anong proyekto na magpatuloy ay katumbas ng pagbibigay ng green light sa pagwasak sa ekolohiya,” aniya.

Ang kasosyo ng lokal na gubyerno ng Pasay sa Pasay 360 ay ang SM Smart City Infrastructure and Development Corp. na subsidyaryo ng SM Prime Holdings, Inc. Hawak naman ng sosyohan ng lokal na gubyerno at Pasay Harbor City Corporation, na binubuo ng Udenna Development Corp. (UDEVCO), Ulticon Builders, Inc. at China Harbour Engineering Company, ang Pasay 265.

Binatikos ng Kalikasan PNE ang pagkontrata ng Pasay 265 sa kumpanyang Dutch na Boskalis na nagsasagawa ng dredging sa Manila Bay. Ang kumapanyang ito ay sangkot sa kontrobersyal na New Manila International Airport project sa Bulacan, na batbat ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at pagwasak sa kalikasan. Giit ni Bonifacio, “malinaw na batayan” ang mga ito para ipahinto ang proyekto.

“Masama sa marine ecosystem at sa kabuhayan ng mga mangingisda ang bawat reklamasyon sa Manila Bay kung kaya’t dapat itong tuluyan nang wakasan,” giit naman ni Hicap ng Pamalakaya.

Mayroong kabuuang 22 proyektong reklamasyon sa buong Manila Bay. “Ang tumitinding mga pagbaha at problema sa kalikasan na idinudulot ng reklamasyon ay dapat nang nagtulak sa DENR na irebyu ang mga permit ng mga proyektong ito,” ayon pa kay Hicap.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!