Matapos ang ilang buwang paggigiit, nagtagumpay ang siyam na manggagawa ng Jollibee Food Corporation sa Jollibee Journal Square sa Jersey City, New Jersey, sa US sa kanilang laban matapos iligal na tanggalin noong Pebrero. Makatatanggap ang siyam ng $84,600 (sa anyo ng back pay o sweldo sa panahong sila’y iligal na sinisante at bayad pinsala). Apat sa tinanggal ay ibabalik sa trabaho. Magpapadala rin ang maneydsment ng pormal na sulat ng paghingi ng paumanhin na kinikilala ang iligal na pagtanggal sa kanila at pagsikil sa kanilang karapatang mag-organisa.
Inilabas ng National Labor Relation Board (NLRB) ng US ang naturang desisyon laban sa Honeybee Food Corporation, kumpanya ng Jollibee Foods Corporation sa North America. Inihain ng mga manggagawa ang pormal na reklamo sa NLRB noong Agosto 24.
Sinimulan ng mga sinisanteng manggagawa ang kanilang paglaban noong Hulyo 6 matapos maghain ng reklamo sa restawran at maglunsad ng sunud-sunod na mga protesta. Itinatag nila noon ang kampanyang Justice for Jollibee Workers. Nakatanggap din sila ng pakikiisa at suporta mula sa mga komunidad ng New York, New Jersey, at Seattle.
Ang siyam ay tinanggal matapos manguna sa isang petisyong kontra sa mababang pasahod at sobra-sobrang trabaho. Giit nila noon na gawing $17 kada oras ang kanilang sahod (mula $14) at maayos na kalagayan sa paggawa. Ang sahod na ito ay lubhang mababa kumpara sa cost of living (kailangan para mabuhay) sa US. Umani ng 90% suporta mula sa mga kapwa manggagawa ang kanilang petisyon ngunit bago pa maihapag sa maneydsment ay tinanggal na sila.
“Naging susi ang pagkakaisa para maipanalo ang kampanyang ito. Ipinakita ng tagumpay na ito na kahit ang malalaking mga korporasyon tulad ng Jollibee ay kayang talunin. Ibig sabihin lamang na hindi dapat matakot ang mga manggagawa na ipaglaban ang kanilang batayang mga karapatan sa paggawa,” ayon kay Mary Kirsten T., isa sa mga tinanggal.
Nagalak ang mga manggagawa sa desisyon dahil sa wakas ay nakamtan nila ang hustisya. Ayon pa sa isa sa mga tinanggal, napakahalaga ng tagumpay na ito laluna para sa mga nagtatrabaho sa fastfood na restawran.
Noong 2022, nakapagtala ng netong kita ang Jollibee Food Corporation, na pag-aari ni Tony Tan Caktiong, ng ₱7.56 bilyon. Mas mataas ito nang 19.4% kumpara sa netong kita ng kumpanya bago magpandemya. Si Caktiong ay ika-7 sa pinakamayayamang Pilipino sa bansa. Liban sa Jollibee, pag-aari rin ng kumpanya ang Mang Inasal, Chowking, Coffee Bean and Tea Leaf at Smashburger. Mayroon itong 6,480 iba’t ibang klaseng restawran sa buong mundo. Balak nitong magdagdag ng hanggang 600 pang restawran ngayong taon, mas marami sa 542 na binuksan nito noong 2022.
Ang Jollibee ay kabilang sa nangungunang 20 kumpanyang nag-eempleyo ng mga kontraktwal na manggagawa. Mayroon itong 1,150 restawran sa Pilipinas at 234 sa labas ng bansa.