Naglunsad ng protesta ang mga unyon ng manggagawa at grupo ng mga kabataan sa iba’t ibang bahagi ng bansa para gunitain ang ika-160 araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, Ama ng Himagsikang Pilipino, noong Nobyembre 30. Pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno ang nagkakaisang hanay ng mga manggagawa habang nagmartsa ang mga kabataan sa pangunguna ng Anakbayan.
Sa Metro Manila, nagtipon ang mga organisasyon sa Kalaw Avenue sa Maynila malapit sa embahada ng US. Dito, itinanghal sa programa ng KMU at Anakbayan si Bonifacio at ang rebolusyong isinulong ng Katipunan na armadong lumaban sa kolonyalismo. Inihambing nila ang paghihimagsik na ito sa kasalukuyang kalagayan ng sambayanang Palestino na armadong lumalaban para itaguyod ang pambansang sariling pagpapasya laban sa Zionistang Israel na suportado ng United States.
Matapos ang programa, nagmartsa sila patungong Mendiola. Sinalubong sila ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at iba pang grupo sa Ayala Boulevard kung saan kapit-bisig silang nagmartsa para sa pagtataas ng sahod, pagwaksi sa kontraktwalisasyon, at karapatan sa pag-uunyon. Kinundena rin nila ang anti-mamamayan at mapanupil na patakaran ng rehimeng US-Marcos.
Giit ng Anakbayan, na nagdiwang sa parehong araw ng ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag nito, dapat magkaisa ang mga kabataan laban sa “dayuhang pananakop, kawalan ng lupa, at mga korap, pasista, at pahirap na burukrata tulad ni Marcos Jr at Duterte.”
Sa ibang bahagi ng bansa
Nagsagawa din ng mga pagtitipon at protesta ang mga balangay ng KMU at Anakbayan sa ibang bahagi ng bansa.
Sa Cebu City, nagsama-sama ang mga manggagawa at kabataan sa Fuente Osmeña Circle. Iginiit nila ang karapatan ng mga manggagwa at kasabay na ipinanawagan ang hutisya sa mga inarestong kontra-demolisyong aktibista noong Nobyembre 29 na nagbarikada sa Sityo Casio, Barangay Bankal, Lapu-Lapu City.
Sa Bacolod City, nagtipon ang mga kabataan sa Fountain of Justice para magprotesta. Ipinahayag nila ang pakikiisa sa mamamayang Palestino laban sa Zionistang Israel at imperyalistang US na salot sa masang anakpawis sa buong daigdig. Nanawagan din sila ng hustisya sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa isla ng Negros.
Sa Iloilo City, naglunsad ng porum ang mga kabataan at manggagawa sa University of the Philippines-Visayas. Sinundan ito ng pagtitipon ng iba’t-ibang mga sektor at progresibong organisasyon sa harap ng Bonifacio Shrine sa Timawa, Iloilo City.
Sa Davao City, nagtipon ang mga organisasyon sa Freedom Park, Roxas Street para batikusin ang mga kontra-manggagawang patakaran ng rehimen.