(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Nov. 14, 2023.)
Isang YouTube video ang nagsasabing makakukuha ang mga Social Security System (SSS) pensioner ng dagdag na P1,000 kasabay ng kanilang 13th month pension. Mali ito.
Walang anunsiyo mula sa SSS na ang kanilang mga pensioner ay makakukuha ng dagdag na P1,000.
Ini-upload nitong Nov. 12, ang maling video ay may headline na:
“ATTENTION ALL SENIORS & PENSIONERS! SSS 13TH MONTH PENSION AT ₱1,000 INCREASE, SABAY IBIBIGAY!”
Walang patunay ang video sa sinasabi nito sa headline. Nagparinig lang ito ng audio clip mula sa 2022 episode ng SSS public service program na “uSSSap Tayo” kung saan pinag-usapan ang 13th month pension.
Noong March, sinabi ng SSS na tinitingnan nila ang posibilidad ng pagtaas ng pension pero hindi nagsabi ng eksaktong petsa ng pagpapatupad nito.
Noong 2017, inaprubahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang dagdag na P1,000 para sa lahat ng SSS pensioner. Noon ding 2017, sinabi ng SSS na hangad nilang makapagbigay ng isa pang dagdag na P1,000 bago matapos ang administrasyong Duterte noong 2022. Hindi nangyari ang isa pang dagdag na P1,000.
Bago ang administrasyong Duterte, isinabatas ng Kongreso noong 2015 ang dagdag na P2,000 SSS pension kada buwan, pero tinutulan ito ni dating pangulong Noynoy Aquino.
Ini-upload ng verified YouTube channel na Balitang Pinas ang maling video, na nakakuha ng higit 91,560 views at 2,600 likes. Ang maling video ay shinare rin ng mga netizen sa Facebook.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)