VERA FILES FACT CHECK: ‘DI TOTOONG babala sa pagkain ng isda sa Mindanao, kumalat ulit


​​(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Nov. 14, 2023.)

Ipinaikot muli sa Facebook (FB) ng ilang netizen ang isang babala sa pagkain ng isda dahil itinapon daw sa dagat ng isang ospital sa Mindanao ang mga test tube na ginamit sa mga may HIV (human immunodeficiency virus). Hindi ito totoo.

“Nais naming bigyang-linaw na mali at walang patunay ang mga sabi-sabing ito, ayon sa Department of Health (DOH) – Center for Health Development Northern Mindanao,” sabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ng Region 10 noong Nov. 8.

Inilathala nitong Nov. 4 at 6, sinasabi ng mga maling FB post — na unang isinulat sa wikang Bisaya — na daan-dang tao sa Cagayan de Oro, Bukidnon, Misamis Oriental at Iligan ang nagka-HIV at namatay matapos kumain ng isdang nakontamina raw ng mga test tube. 

“Idinidiin namin na ang pagkonsumo ng pagkaing-dagat ay ligtas at hindi makapanghahawa ng HIV. [Ang HIV] ay hindi nakukuha mula sa pagkain, kabilang ang isda at iba pang lamang-dagat,” sabi ng advisory ng BFAR.

Nauna nang pinasinungalingan ng Agence France-PresseMindaNews at Rappler ang babalang unang lumabas noong 2019.

Paliwanag ng Stanford Health Care, ang HIV ay nakukuha sa pakikipagtalik sa may HIV. Ito ay puwede ring makuha mula sa dugo ng may HIV na isinalin sa ibang tao, at paggamit ng injection na ginamit sa may HIV. Ito ay puwede ring maipasa sa mga sanggol na ipinanganak o pinasususo ng nanay na may HIV. 

Ayon naman sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, ang HIV ay hindi nagtatagal mabuhay at hindi nakapagpaparami sa labas ng katawan ng tao.

Ang maling babala ay ipinakalat isang linggo pagtapos magbabala ang BFAR tungkol sa nakalalasong red tide na nakita sa mga tahong sa siyam na lugar sa Visayas at Mindanao. Ang mga FB post tungkol sa maling babala ay nakakuha ng 112 likes, 99 comments at 1,556 shares. 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!