Ang Bayan » Mababang kasanayan ng mga estudyante, resulta ng pagpapabaya ng estado sa edukasyon


Resulta ng pagpapabaya ng estado ang mababang performance o grado ng mga estudyante sa pinakahuling Programme for International Student Assessment o PISA.

“Ang performance ng Pilipinas sa pagbabasa, matematiks at syensya ay halos katulad lamang noong 2018, kung kailan pinakamababa ang grado nito sa 79 bansang lumahok sa pag-aaral,” pahayag ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro. “Ibig sabihin, di epektibo ang mga programang ipinatupad ng Department of Education mula noon at di nito natugunan ang krisis sa pagkatuto.”

Ang PISA ay isang pag-aaral na isinasagawa ng Organisation for Economic Co-operation and Development o OECD para tasahin ang kakayahan ng mga 15-anyos na estudyante sa matematiks, pagbabasa at syensya. Sinusukat nito ang kakayahan ng mga estudyante alinsunod sa mga pamantayan ng mga kapitalistang bansa sa kumpetisyon, pagiging marketable ng mga estudyante sa pandaigdigang pamilihan, at indibidwal na kakayahan. Isinagawa ito noong 2022 na may 81 bansang kalahok.

Kinikilala ni Rep. Castro na problemado ang ginagamit na pamantayan ng PISA, gayunpaman, inilalantad pa rin nito ang batayang kahinaan ng sistema sa edukasyon sa Pilipinas.

Aniya, pinatatampok nito ang malaking pangangailangan na itaas ang badyet para sa edukasyon para sa pagtatayo ng dagdag na mga klasrum, pag-empleyo ng dagdag na mga guro at pagtataas ng kanilang sweldo, gayundin ang pagbubuo ng isang kurikulum para madaling matuto ang mga estudyante at mas lapat sa kalagayan ng bansa.

Binweltahan din ni Rep. Castro ang aniya’y militaristang estilo ng DepEd na di angkop sa pagkatuto ng mga estudyante. “Napakamali” rin, aniya, ang paglaan ng pondo para tiktikan ang mga estudyante dahil mas magagamit sana ito sa pag-empleyo ng dagdag na guro o paggawa ng mga klasrum. Noong nakaraang taon, gumastos si Sara Duterte, kalihim ng kagawaran ng ₱125 milyon bilang confidential at intelligence fund.

Problema din aniya ang pagtuturo sa syensya at matematiks sa wikang Ingles.

“Sa Pilipinas, ang pagsusulit (ng PISA) ay ginagawa sa Ingles, dahil ito ang pangunahing medium of instruction (wika sa pagtuturo). Malaking hadlang ito sa pagkatuto ng mga konsepto ng matematika at syensya dahil kailangan muna nilang ma-master o maging dalubhasa sa wikang Ingles. Di rin nila malayang naipahahayag ang kanilang mga saloobin dahil di naman sila nagsasalita sa Ingles sa araw-araw. Nakahahadlang ito sa kanilang abilidad sa kritikal na pag-iisip at sa pag-formulate (pagbubuo) ng mga argumento,” banggit ni Rep. Castro.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!