Ang Bayan » Mga tsuper sa UP-Diliman, nagtigil-pasada


Nagtigil-pasada kaninang hapon, Disyembre 13, ang mga tsuper ng dyip sa rutang dumadaan sa kampus ng University of the Philippines (UP)-Diliman. Inilunsad at pinangunahan ito ng UP Transport Group (UPTG), isang araw bago ang nakatakdang dalawang araw na pambansang tigil-pasada kontra sa Public Utility Vehicle (PUV) phaseout sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) bukas hanggang Disyembre 15.

Hindi namasada ang mga tsuper mula ala-1 ng hapon at nagtipun-tipon sa harap ng Vinzons Hall sa UP-Diliman para sa isang programa. Nakiisa sa pagkilos ng mga tsuper at aktibong lumahok ang mga kabataang-estudyante ng pamantasan.

Bago ang protesta, nagsagawa ng isang porum sa Palma Hall ang mga organisasyon para ipabatid ang isyu ng mga drayber. Nagbigay ng talumpati sa porum ang mga lider ng Piston at UPTG at iginiit ang kanilang karapatan at kabuhayan bilang mga tsuper at opereytor. Hanggang Disyembre 31 na lamang ang mga dyip dahil sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa na sa esensya ay phaseout.

Inihanda rin ng mga estudyante ang kampus para sa paglahok ng komunidad ng UP bukas sa nakatakdang tigil-pasada. Nagpaskil sila ng malalaking mga balatengga at panawagan ng pagtutol sa phaseout.

Para kay Nolan Grulla, tagapasalita ng UPTG, huling pagkakataon na ng mga opereytor at tsuper ang malawakang tigil-pasada bukas para ipabatid ang kanilang pagtutol at pagpuprotesta sa phaseout. Aniya, lubhang maapektuhan hindi lang ang kabuhayan ng mga tsuper, kundi pati mga mananakay.

Bahagi ng UPTG ang mga drayber sa rutang UP Ikot, Philcoa-UP, SM-UP at Katipunan-UP.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!