Ang Bayan » Paglulunsad ng kilusang pagwawasto para iwaksi ang suhetibismo, ipinanawagan ng PKP sa ika-55 anibersaryo


Mayor na panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang paglulunsad ng kagyat at puspusang kilusang pagwawasto ng buong Partido para “tukuyin ang mga kahinaan, pagkukulang at mga pagkakamali upang iwasto at pangibabawan ang mga ito, at humakbang nang mas malaki sa susunod na taon.”

Laman ang panawagan sa pahayag ng Komite Sentral (KS) sa ika-55 anibersaryo ng Partido na pinamagatang “Iwasto ang mga pagkakamali at palakasin ang Partido! Buklurin at pamunuan ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa rehimeng US-Marcos! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!”

“Habang ipinagdiriwang ang mga nagawa, kritikal na mulat ang Partido sa mga pagkakamali, kahinaan at kakulangan sa larangang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon na ilang taon nang umiiral,” paliwanag ng KS.

Anito, determinado ang PKP na pamunuan ang mga manggagawa at sambayanang Pilipino. At habang nagpapalakas ito batay sa mga tagumpay, kinikilala nito kung paano ang “suhetibismo, pangunahin sa anyo ng empirisismo, ay nagresulta sa kritikal na mga pagkakamali at tendensya, kahinaan at pagkukulang sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon.”

“Ang empirisismo ang pangunahing suhetibistang pagkakamali ng Partido na nagresulta pangunahin sa mga Kanang pagkakamali at tendensya,” ayon sa KS, batay sa halos dalawang-taong pag-aaral ng mga kadre at kasapi sa naging praktika ng rebolusyon. Lumitaw ito, at ang katambal nitong dogmatismo, mula sa “kabiguang wastong ikombina ang teorya at praktika na humahantong sa maling mga ideya at praktika.”

“Ang empirisismo ay praktikang walang teorya, na dumudulo sa bulag na pagrerebolusyon; habang ang dogmatismo ay teoryang nakahiwalay sa praktika, na dumudulo sa pagsesermon na walang rebolusyon,” paliwanag ng KS.

Inilarawan nito ang kilusang pagwawasto bilang “konsentradong anyo ang laging umiiral na tunggalian sa loob ng Partido sa pagitan ng proletaryadong rebolusyonaryong linya at ng burgis at petiburgis na linya at moda ng pag-iisip.”

Nilalabanan nito sa kasalukuyan ang laganap na empirisismo at ang iba’t ibang hibo ng burgis at petiburges na suhetibismo na humahantong sa Kanan at “Kaliwang” oportunistang tendensya.

“Ang mga kadre at komite ng Partido ay kasalukuyang kinokonsolida para pangibabawan ang iba’t ibang porma ng suhetibismo at matagal nang umiiral na Kanang kamalian, tendensya, o mga kakulangan, para palakasin ang rebolusyonaryong mga pwersa at isulong ang rebolusyon nang may ibayong lakas,” pagdeklara ng KS.

Ginunita ng PKP ang ika-55 anibersaryo nito noong Disyembre 26. Para bigyan ng pagkakataon ang mga Pulang mandirigma, rebolusyonaryong masa at mga tagasuporta na ipagdiwang ang okasyon, at bilang pakikiisa sa tradisyon ng mamamayang Pilipino sa Pasko, nagdeklara ito ng 2-araw na tigil-putukan mula Disyembre 25 hanggang Disyembre 26.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!