Nagpahayag ng matinding pagtutol ang Isnag Yapayao Balangon Tribal Council Inc (IYBTC) at Isnag Yapayao Ugayam Tribal Council (IYUTC) sa planong pagtatayo ng ₱800-milyong Cabacanan Small Reservoir Irrigation Project (CSRIP) sa kabundukan ng Barangay Saguigui, Pagudpud, Ilocos Norte. Nakatakdang magtayo ng malaking dam para sa proyekto sa naturang barangay at katabing Barangay Dampig na sakop ng lupang ninuno ng mga Isnag.
Ayon sa mga katutubo, minadali ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-Ilocos Norte ang proseso ng pagkuha ng free, prior and informed consent (FPIC) para sa aplikasyon ng National Irrigation Administration (NIA) sa CSRIP. “Ang ganitong presyur sa pambansang minorya ay tumatapak sa aming karapatan para sa sariling pagpapasya,” ayon sa pinagsanib na pahayag ng dalawang konseho ng Isnag.
Giit ng mga katutubo, hindi lubusan at hindi matapat na ipinaliwanang ng NIA kung ano ang layunin ng proyekto at lahat ng detalye na kailangang malaman ng tribung nakakasakop sa lugar. Hindi umano ipinaliwanag sa kanila ng NIA na ang CSRIP ay isang proyektong hdryopower at turismo ng isang kumpanyang Japanese. Pinalabas ng NIA na isang maliit na imbakan at irigasyon lamang ang proyekto.
Ang CSRIP ay may taas na 36.10 metro at lapad na 294.72 metro at mag-iimbak ng 2.87 milyong metro kubiko ng tubig. Ayon sa mga Isnag, may hatid na panganib ang ganitong imprastruktura na posibleng magdulot ng malaking baha sa mga barangay ng Saguigui, Subec, Baduang at iba pang mga barangay ng Pagudpud na nasa ibaba ng itatayong dam.
Liban sa banta ng baha, may pangamba rin itong hatid dulot ng Bangui fault line at Vigan-Aggao fault line na bumabaybay sa Pagudpud. “Paano, kung gayon, nasasabi ng NIA na 100 porsyentong ligtas ang pagtatayo ng dam?” tanong ng mga konseho ng Isnag.
“Matapos ang tatlong sesyon nang proseso ng FPIC at masusing pag-aaral sa mga presentasyon kaugnay ng layunin at disenyo ng proyekto, nagpasya kaming hindi payagan ang pagtatayo ng dam at itigil ang proseso ng pagkuha ng FPIC,” ayon sa pahayag ng IYBTC at IYUTC.
Binatikos din nila ang pang-aagaw sa lupang ninuno at misrepresentasyon ni Emilio Rabago, isang nag-aangkin ng titulong “tribal chieftain” sa Barangay Saguigui at tau-tauhan ng NCIP-Ilocos Norte. Siya ang ahente ng NCIP-Ilocos na “nagpapahintulot” sa pagpapatayo ng CSRIP.
Nagsumite na ang dalawang konseho noong Nobyembre 29 sa NCIP Provincial Office ng joint resolution para ipatigil ang nasimulang proseso ng pagkuha ng FPIC, gayundin ang aplikasyon ng NIA para sa CSRIP batay sa mga nabanggit na rason.
Lantarang binalewala ng NCIP-Ilocos Norte ang naturang resolusyon at ipinagpatuloy ang pulong kinabukasan, na binoykot ng dalawang konseho ng Isnag. Anila, “ang hindi pagkilala ng NCIP-Ilocos sa aming resolusyon ay patunay ng hindi niya pagkilala sa sariling kapasyahan ng aming mga tribu.”
“Dapat lamang maintindihang mabuti ng NCIP at ng NIA na ang proseso ng FPIC ay hindi basta-basta at hindi maaaring adelantadong tapusin dahil ang pinagpapasyahan dito ay lupang ninuno na susing usapin para sa aming pambansang minorya,” ayon pa sa mga konseho.
Sa pagtutol ng mga Isnag sa mapanirang proyekto, kumakaharap sa panggigipit ang kanilang mga lider. Noong Disyembre 18, magkahiwalay na kinompronta ng dalawang pulis mula sa Bangui Police Station si Joseph Dacuycuy Padama, Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) ng Bangui, katabing bayan ng Pagudpud, at elder ng Masamuyao Isneg Yapayao Tribal Council, Inc.
Walang-batayang tinanong ng mga pulis si Padama kung naglabas ba sila ng resolusyon patungkol sa proyektong dam sa Pagudpud. Sagot ni Padama sa mga pulis, “NCIP naman ang alam kong may hawak kung tungkol sa FPIC ng mga proyekto na masasakop ang ancestral domain” at nagtataka kung bakit siya tinanong ng mga pulis.
Sagot pa umano niya sa mga ito, “Ano naman kung mayroon, ma’am? Kung hindi maganda ang epekto ng ipapatayong proyekto sa aming mga IP’s/ICC, ma’am, ay may karapatan kami na mapigilan ang isang proyekto kung nasakop ang ancestral domain namin, ma’am.”
Malinaw sa mga Isnag na hindi irigasyon o pagtulong sa masang minorya at magsasaka ang layunin ng proyekto. Anila, “Sa halip na para sa hydropower dam, nararapat na gamitin na lamang ang nakalaang ₱800 milyon sa pag-aayos ng mga nasirang irigasyon at pagpapaunlad sa mga ito. Ito ang isa sa mga dahilan kung kaya bumababa ang antas ng ani ng mga magsasaka sa probinsya.”
Dismayado sila sa napakarami nang proyektong windmill at solar farms na itinayo sa Ilocos Norte. “Sinakop ng mga ito ang mahigit 30,000 ektarya sa aming ancetsral domain. Ang mga ito ay hindi nagsisilbi sa masa ng aming probinsya at sa halip ay pinagkakakitaan lamang ng malalaking negosyante,” ayon sa dalawang konseho.