Ang Bayan » 5 nabuwal na Pulang mandirigma ng BHB-Batangas, pinarangalan


Kinilala at pinarangalan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Batangas ang limang nabuwal na mandirigma sa pag-atake ng 59th IB noong Disyembre 17 sa Barangay Malalay, Balayan. Namartir sa naturang pag-atake sina Maria Jetruth Jolongbayan (Ka Orya), Alyssa Lemoncito (Ka Ilaya), Precious Alyssa Anacta (Ka Komi), Joy Mercado (Ka Kyrie), at Leonardo Manahan (Ka Mendel). Binigyang-pugay din sila ng Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Southern Tagalog sa pahayag nito na inilathala sa Kalatas, rebolusyonaryong pahayagan sa rehiyon.

Napatay din sa pang-aatake ng militar ang mga sibilyang sina Pretty Sheine Anacta at Rose Jane Agda na noo’y bumibisita sa kaanak nilang Pulang mandirigma. Dinakip at hanggang ngayon ay di pa inililitaw ang isang sugatang mandirigma na si Baby Jane Orbe (Ka Binhi).

“Kasamang nagdadalamhati ng mga naulilang pamilya ang libu-libong magsasaka at mamamayan ng Batangas at rehiyong Southern Tagalog dahil sa pagkabuwal ng mabubuting anak ng bayan at magigiting na Pulang mandirigmang naglingkod hanggang sa kanilang huling hininga,” ayon kay Ka Gregorio Caraig, tagapagsalita ng BHB-Batangas.

Ayon sa Komite ng Partido sa rehiyon, “ang kadakilaan ng kanilang buhay at pakikibaka na walang pag-iimbot na inialay sa pagsusulong ng dakilang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa kanilang huling hininga ay buong panahong alalahanin at magiging inspirasyon ng kasalukuyan at mga kasunod na henerasyon ng mga komunista’t rebolusyonaryong Pilipino.”

Pinatay na ang mga biktima, wala pang ipinakitang bahid ng awa at pagiging makatao ang 59th IB sa pagtrato sa kanilang mga bangkay, ayon kay Ka Gregorio. “Matindi ang sinapit na pambababoy at paglapastangan sa mga labi ng mga mahal nating martir at kaanak na sibilyan sa kamay ng berdugong militar, laluna ang mga kakabaihan,” pahayag pa niya.

Ayon sa ulat na natanggap ng yunit, halos hindi na makilala ang pitong labi dahil wasak na ang kanilang mga mukha, inuuod at lumobo na ang kanilang mga katawan, at masangsang na ang amoy ng mga ito. “Hinayaan ng berdugong kaaway na mabilad sa araw ang mga labi at matagal na pinabayaan sa pinangyarihan ng labanan,” aniya. Lubhang malayo umano ito sa pinalalabas at ipinakitang larawan ng imbestigador.

Pahayag ni Ka Gregorio, bakas sa katawan ni Ka Orya ang hindi mabilang na bala na tumama sa kanyang ulo, leeg at tiyan, bukod pa ang mismong ipinutok sa kanyang mukha kaya ito ay wasak na wasak. Ganito rin ang hitsura ng mukha ni Ka Kyrie nang makita ng pamilya mula sa punerarya—bukod sa wasak na ang mukha, basag na ang ilong at parang may lason sa bibig. Mayroon ding malaking itim na pasa sa gitna ng mukha ni Ka Ilaya. Nakababa naman ang maong na pantalon ni Rose Jane, at malaki ang posibilidad na pinagsamantalahan pa ng mga berdugo.

“Tahasan at garapalang nilabag ng berdugong militar ang mga umiiral na internasyunal na makataong batas, mga alituntunin ng digma, at mga kasunduang pinirmahan kapwa ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines,” ayon kay Ka Gregorio.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!