Nagmartsa patungong Mendiola sa Maynila ang mahigit 3,000 maliliit na tsuper at opereytor ng dyip at kanilang mga pamilya, kasama ang iba pang demokratikong sektor, noong Disyembre 29. Iginiit nila sa rehimeng US-Marcos ang pagbabasura sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at dedlayn nito na Disyembre 31. Para sa mga tsuper at opereytor, usapin ito ng buhay at kamatayan, dahil dito nakasalalay ang kanilang kabuhayan.
Nagsimula ang buong-araw na kilos-protesta ng mga tsuper at opereytor, sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at nagka Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela), sa pagtitipon sa University of the Philippines (UP)-Diliman, Quezon City noong umaga ng Disyembre 29. Nagsagawa ng isang pananalangin sa naturang pagtitipon.
Samantala, kasabay na inilunsad ng Starter-Piston at Manibela, panrehiyong balangay ng Piston at Manibela sa Southern Tagalog, ang isang protesta sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Central Office sa East Avenue, Quezon City. Binato nila ng pulang pintura ang logo at harap ng upisina ng LTFRB bilang pagpapamalas ng kanilang labis na galit. Nagpaskil din sila ng larawan ng mukha ni Marcos, at mga upisyal nito sa tranportasyon, at pinagbabato rin ng pinturang pula.
Anila, hindi naging hadlang ang layo ng mga pinanggalingan dahil malinaw ang magagawa ng mas malawak na pagkakaisa at pagmartsa patungong Mendiola. Magkakasamang nagkaraban ang mga nagtipon sa UP Diliman at LTFRB, na sobra sa 300 dyip tungong Welcome Rotunda sa Quezon City, kung saan sinimulan ang martsa papuntang Mendiola.
Bagaman hinarang ng mga tuta at bayarang pulis ng rehimeng US-Marcos, naggiit ang mga tsuper at opereytor. “Sa dami ng mga tsuper at pamilyang kasama, na galit na galit kay BBM na minamasaker ang kanilang mga kabuhayan, ang tanong ay bakit ayaw niyo sila padaanin?” ayon pa sa isang nagprotesta.
Nang makarating sa Mendiola, naglunsad ng programa ang mga grupo at magkakasamang siningil ang rehimeng US-Marcos at mga kasosyong negosyante at dayuhang mga bangko sa pagmasaker sa kabuhayan at iginiit ang tuluyang pagbabasura sa kontra-mahirap at maka-dayuhang “PUV Modernization Program (PUVMP).” Nagbanta ang Manila Police District (MPD) ng marahas na dispersal sa pagkilos sa Mendiola. Sa pagsasara ng kanilang programa, simbolikong nagtirik ng mga kandila ang mga nagprotesta.