Isinapubliko kahapon, Enero 8, ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang desisyon ng korte sa Quezon City na ibasura ang mga kasong Direct Assault at Grave Coercion laban sa mga lider at organisador nito. Itinuring ito ng KMU bilang “mabuting balita” laluna sa pagbubukas ng taong 2024.
Ang kaso ay isinampa ni Pcpl Mark Anthony Soliven ng Quezon City Police District laban kina KMU Secretary General Jerome Adonis, organisador ng Association of Democratic Labor Organizations, pederasyon sa ilalim ng KMU, na si Nadja de Vera, isang nagngangalang Aia Pendatun, at anim na alyas noong Hunyo 26, 2023.
Kaugnay ang kaso ng pagkumpronta ni Adonis kay Pcpl Soliven noong Hunyo 9, 2023 habang umuuwi ang istap at upisyal ng KMU mula sa isang protesta sa Mendiola, Manila. Kinumpronta si Pcpl Soliven nang mamataan ng KMU na sumusunod ito sakay ang isang motor at kumukuha ng litrato ng mga nasa sasakyan.
Binatikos noon ng KMU ang paniniktik ng pulis sa KMU. Sa isang pahayag noong araw na iyon, anila, “walang mali sa gawain ng mga aktibista na ikampanya ang makabuluhang mga pagbabago para sa benepisyo ng mga manggagawa, magsasaka at mamamayan” kung kaya’t hindi dapat sila tinitiktikan at hinaharas ng mga pwersa ng estado.
Ayon pa sa grupo, “patunay ang insidente na garapal, walang sinisinong batas at karapatan at wala sa anumang katwiran ang taktikang intimidasyon ng mga kapulisan. Dapat matapang na harapin at labanan ito ng mamamayan.”
Kaugnay ng mga kaso, inirekomenda ng korte na ibasura ito dahil sa sinasabi nitong kakulangan ng sapat na ebidensya laban sa mga aktibista. Ayon sa KMU, dapat nang itigil ang ganitong ‘modus’ ng pagsampa ng mga kaso laban sa mga organisador ng kilusang paggawa. Ang desisyon ay inilabas ng korte noong Nobyembre 20, 2023.