Utang ng Pilipinas, lumobo sa rekord na P14.51T – Pinoy Weekly


Lumobo na sa P14.51 trilyon ang utang ng Pilipinas bago matapos ang 2023, pinakamataas na rekord sa kasaysayan ng bansa.

Ayon sa huling ulat ng Bureau of the Treasury (BTr) noong Nobyembre, umabot ng 69.09% ang domestic borrowings o utang panloob ng bansa habang 30.91% naman ay galing sa foreign borrowings o utang panlabas.

“Debt stock increased by P27.92 billion or 0.19% month-over-month, primarily due to the net issuance of domestic securities,” pahayag ng BTr.

Ang domestic securities ay mga investment instrument na inaalok ng isang bansa sa sariling lokal na merkado. Karaniwan dito ang treasury bonds o bills, na nagbibigay-daan sa pamahalaan na mangutang sa publiko para sa mga proyekto at operasyon.

Sa kasong ito, ang pagtaas ng utang ay dulot ng paglabas ng mga lokal na pautang, na nagpapakita ng pangangailangan ng pamahalaan ng karagdagang pondo para sa mga proyekto ng gobyerno.

Umakyat na higit sa dobleng halaga ang utang ng pamahalaan sa nakaraang pitong taon upang pondohan ang malalaking proyektong imprastruktura at suportahan ang tugon sa pandemya.

Ayon sa ekonomistang si Michael Ricafort, posibleng pagtaas din ng bilihin ang magiging epekto ng mga gastusin ng gobyerno para sa mga imprastraktura na itinatayo hanggang taong 2024.

Hindi lang utang ang problema ng Pilipinas, patuloy na naghihirap ang mga pinakamahihirap na pamilya dahil sa taas-presyo ng bilihin.

Sa ulat ng independent think tank na Ibon Foundation, tumaas ang kabuuang implasyon para sa 30% sambahayan na may pinakamababang kinikita mula 4.9% hanggang 5.0%.

Dulot ito ng pagtaas ng presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages mula 7.2% hanggang 7.4%, transportasyon mula 0.9% hanggang 1.5% at kalusugan mula 3.1% hanggang 3.2%. Mas matindi ang implasyon sa bigas para sa pinakamahihirap na pamilya na umabot sa 21.4%, na nagdulot ng mas mataas na food inflation para sa kanila.

Ayon sa Ibon, senyales ito na hindi masyadong nakakatulong ang mga patakaran ng gobyerno para maibsan ang mataas na inflation sa mga pinakamahihirap na Pilipino.

Halimbawa, sa halos limang taon ng Rice Tarrification Act, hindi bumaba ang presyo ng bigas tulad ng ipinangako ng gobyerno na magiging pangunahing benepisyo ng liberalisasyon. umabot na sa halos P54 kada kilo ang well-milled rice at nasa P48 kada kilo ang regular-milled rice nitong Disyembre 2023.

Sabi ng Ibon, ang patuloy na pagtatangkang itaguyod at ituloy ang importasyon sa kabila ng malinaw na kabiguan sa pagkontrol ng implasyon ay tila sampal sa milyon-milyong mahihirap na Pilipino na hirap nang mapakain ang kanilang pamilya dahil sa kakaunting kita o wala ng kita.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!