Nanawagan kahapon ang Migrante International para sa kagyat na pagbabasura ng dagdag-singil ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ngayong taon. Nakatakdang itaas mula 4% tungong 5% ang sisingilin ng ahensya sa sahod ng mga overseas Filipino workers at migranteng Pilipino, na nangangahulugan ng pagtaas mula ₱500 hanggang ₱5,000 na kaltas sa mga sumasahod ng ₱10,000 hanggang ₱99,999.00 kada buwan. Tinawag ito ng Migrante bilang “dagdag na namang pahirap sa mga OFW.”
“Dapat alam ng rehimeng Marcos Jr na habang itinataas nito ang singil (ng PhilHealth), tigil ang sahod ng karamihan ng mga OFW at nahaharap sila sa tumataas na cost of living at upa,” ayon sa grupo sa pahayag nito noong Enero 14. Hindi rin sila sang-ayon sa pahayag ng presidente ng ahensya na “maliit na halaga” lamang ito sa kanila, lalupa’t “ramdam na ramdan” naman diumano ng mga OFW ang mga “benepisyo” ng PhilHealth.
“Ang totoo, walang pakinabang ang mga OFW sa PhilHealth dahil saklaw lamang nito ang Pilipinas. Kung nagkasakit o nangangailangan ng atensyong medikal ang mga OFW sa ibang bansa, kinakaharap nila ang matataas na bayarin at gastos at nagagawa nilang makaalpas dahil sa mga seguro na pinagbabayaran nila,” ayon sa grupo. Sa Pilipinas naman, kadalasan mayroon lamang silang isa o dalawang benepisyaryo.
“Simpleng pangingikil ng gubyerno ang paniningil ng PhilHealth,” anito. Patunay umano ito na ginagawa lamang ng gubyerno na palabigasan ang mga OFW, lalupa’t pinagkakaitan sila ng mga serbisyo ng estado. Idiniin ng grupo na batayang karapatan ang serbisyong pangkalusugan, at na dapat bahagi ito ng mga serbisyo ng gubyerno. Itinakwil nito ang pagdadahilan ng gubyerno na wala na itong pondo para sa mga serbisyong panlipunan lalupa’t naglipana ang mga kaso ng korapsyon at pandarambong sa pondo ng bayan, kabilang sa PhilHealth.